2009 | 2010 | 2011 | 2012 | 2013 | 2014 | 2015 | 2016 | 2017
Sa taong nagdaan, tumindi ang pasistang atake, nagpatuloy ang pamamaslang, umalagwa ang mga polisiyang kontra-mamamayan, nagtaasan ang presyo ng mga bilihin, tumindi ang korupsiyon sa gobyerno, lalong nalantad ang pangangayupapa ng rehimen sa umuusbong na imperyalistang Tsino, nanatili ang impluwensiya at kontrol ng imperyalismong Kano. Lalong nalantad si Rodrigo Duterte bilang diktador na ginagamit ang puwesto para bigwasan ang sinumang tumututol o kumukuwestiyon sa pamumuno niya.
Samantala, tumitindi ang krisis sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan. Mula sa kagutuman ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan hanggangsa ligalig sa mga manggagawa, lalong natutulak ang masa na kumilos. Pero madalas, hindi sapat na naipapaabot sa madla ang magandang balita ng paglaban ng mga mamamayan. Dahil sa komersiyal at sensationalist na katangian ngpag-uulat sa mainstream media, hindi lumalabas ang mga istorya kung walang lantarang “bakbakan” (tulad ng marahas na dispersal o salpukan ng mga pulis at demonstrador).
Kung kaya, taun-taon, tinatala namin ang 10 sa maraming istoryang hindi nabigyan ng sapat na coverage ng dominanteng midya. Sa kabilaito ng halaga ng mga istoryang ito sa konteksto ng panlipunang pagbabago na nininanais ng mga mamamayan. Sigurado, hindi ito kumpleto, pero maaaring pagsimulan ang listahan.
Welga ng mga manggagawang bukid sa Sumifru, Compostela Valley
Mababang sahod, aping kalagayan, at panunupil sa mga manggagawang bukid sa sagingan ng pinakamalaking plantasyon ng saging sa bansa ang nagtulak sa kanila na magpaputok ng welga. May ilang welgista nang napaslang. Tuluy-tuloy ang panghaharas at paninira sa mga lider unyonista. Salamin ang pakikibaka ng mga manggagawang bukid ng Sumifru sa lupit ng batas militar ni Duterte sa Mindanao. Salamin dito ito ng kasigasigan ng mga manggagawa na labanan ang panunupil at igiit ang karapatan.
Patuloy na dislokasyon ng mga residente ng Marawi
“Anyare, Marawi?” Ito ang nakalagay sa istrimer ng mga residente ng lungsod ng Marawi na nagprotesta noong Oktubre 17, isang taon matapos ang “pagpapalaya” sa lungsod. Hindi pa rin makauwi–o hindi pinapayagan ng militar na makauwi–ang libu-libong residente sa Marawi. Nakatira sila ngayon sa iba’t ibang “tent cities” sa labas ng lungsod. Hinihiling nilang makabalik na sa kanilang mga tahanan, o mga lugar kung nasaan dati ang kanilang mga tahanan. Naglunsad pa sila ng kampanya sa social media na tinagurian sa hashtag na #LetMeGoHomeMovement. Pero hindi sila nabibigyan ng sapat na pansin. Samantala, pinagbabalakan na ng malalaking kontraktor at kompanya ang “rehabilitasyon” ng lungsod.
Pananalakay ng militar sa mga komunidad ng Lumad
Patuloy ang dislokasyon ng mga komunidad ng mga Lumad sa kanilang lupaing ninuno matapos maging target ng mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines. Nakabalangkas sa programang kontra-insurhensiya ng gobyerno, kabilang ang Executive Order No. 70 nakalalabas lang nitong mismong Disyembre 10, Human Rights Day, na mga komunidadng Lumad ang pangunahing tagasuporta raw ng armadong pakikibaka ng New People’s Army sa Mindanao. Kung kaya, target ito ng mga operasyong militar. Samantala, napagusapan nang husto sa dominanteng midya ang isyu (kahit bahagya) nang ilegal na arestuhin sina Satur Ocampo, ACT Teachers Rep. France Castro, at 16 iba pa, na nagtangkang umayuda sa mga estudyanteng Lumad na inaatake ng grupong paramilitar na Alamara sa Talaingod, Davao del Norte.
Ligalig at paglaban ng mga manggagawang kontraktuwal
Sa simula ng taon, pumutok agad ang kaliwa’t kanang protesta at welga pa nga sa iba’t ibang empresa at pabrika sa bansa. Ang mga umaalma: mga manggagawang kontraktuwal na matagal na pinangakuan ng rehimeng Duterte na ireregularisa sila. Ang ilan sa mga kompanya, tulad ng malalaking kompanyang PLDT, Jollibee Foods Corp., Magnolia, SMT Semiconductors, Coca-Cola, Slord Development Corp., at, siyempre, NutriAsia, lantarang di-sinusunod ang utos na iregularisa ang kontraktuwal na mga manggagawa nito na siyang utos ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sa mga kompanyang nabanggit, NutriAsia ang pinakamatunog, matapos ang marahas na dispersal ng kompanya sa nakawelgang mga manggagawa noong Hulyo 30. Pero kahit sa pangyayaring ito, mas manedsment ang nabigyan ng ere sa midya. Dinakapagtataka: pinakamalalaking advertiser ng TV networks ang ilan sa mga kompanyang ito. Isa pa, notoryus din ang networks tulad ng ABS-CBN-2 at GMA-7 sa pag-eempleyo ng kontraktuwal na paggawa.
Bungkalan ng maralitang magsasaka sa tiwangwang na mga lupaing agrikultural
Muli, bahagyang nabanggit ang bungkalan at okupasyon ng mga magsasaka sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP nang maganap ang masaker sa Sagay City, Negros Occidental sa siyam na magsasakang nagbubungkalan noong Oktubre 20. Pero tila mas gumuhit sa madla ang paninira ng Philippine National Police, na nagsabing mga miyembro ng New People’s Army daw ang pumatay sa mga magsasaka- -kahit na walang nagpapatunay rito at mas dapat na paghinalaan ang mga grupong paramilitar sa kakuntsaba ng mga Tolentino sa Hacienda Nene. Samantala, sa iba pang bahagi ng bansa, nagaganap din ang iba-ibang bungkalan sa tiwangwang na mga lupaing agrikultural, bilang aktibong pagtugon ng organisadong mga manggagawa sa kagutuman dulot ng monopolyo ng iilang panginoong maylupa at agrokorporasyon sa lupa.
Paninira at panghahati sa mga maralitang nag-okupa ng pampublikong pabahay sa Pandi
Kunwari’y pinamunuan ng isang Jeffrey Ariz ang 300 residenteng maralita mula sa okupadong pampbulikong pabahay sa Pandi, Bulacan na tumiwalag diumano sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) dahil daw sakorupsiyon sa loob. Pero ang totoo, 30 lang ang tumiwalag, at sila iyung lokal na mga lider ng Kadamay sa Pandi na tinanggalan ng posisyon dahil nasangkot sa pagbenta ng bahay at iba pang iregularidad. Pinangunahan ni Ariz ang pananakot ng grupo niya sa libulibong residenteng patuloy na nakapaloob sa Kadamay. Pero sa midya, mas gumuhit ang nasabing maling impormasyon — pangunahin dahil nababalitang inayudahan ng National Housing Authority at pulisya ang grupo ni Ariz na kumonekta sa midya.
Tanim-baril at tanim-granada at iba pang gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista
Noong Pebrero, inaresto si Rafael Baylosis at isangkasamahan sa Quezon City, habang bitbit ang isang plastik ng organic rice. Pagdating sa himpilan ng pulisya, biglang nadiskubre diumano na may granadangnakatago sa bigas. Noong Oktubre 15, inaresto naman ang apat na aktibista (sina Adel Silva, Ireneo Atadero, Edisel Legaspi at Hedda Calderon), kasama ang drayber nila, sa Sta. Cruz, Laguna habang nakasakay sa isang maliit na kotse. Bigla, inanunsiyo ng pulis na nakakuha sila ng mga baril at granada sa sasakyan. Nitong Nobyembre 8, inaresto naman ang kapwa konsultant ni Silva ng National Democratic Front na si Vicente Ladlad sa isang bahay sa Quezon City. Nakuhanan daw siya ng pulisya ng M-16, AK-47, mga pistola, at bala. Nitong Disyembre 6, inaresto naman ang isa pang konsultant ng NDF, si Rey Casambre, kasama ang asawa niyang si Cora. Mga baril at pasabog muli ang nakuha raw sa kanya. Lantaran at halatang gawa-gawa ang mga kaso sa kanila. Samantala, gawa-gawang kaso sa malalayong lugar na di pa nila napupuntahan ang isinampa sa mga bilanggong pulitikal tulad nina Rowena at Oliver Rosales, Moajo Maga, at iba pa.
Mga panganib na laman ng pederalismo at charter change
Binatikos ng madla si Mocha Uson, kasama si Drew Olivar, sa nag-viral na video nito na nakikitang malaswang sumasayaw si Olivar bilang bahagi ng pagpopopularisa sa kampanya ng rehimeng Duterte tungkol sa pederal na porma ng gobyerno. Pero hindi gaanong tinalakay rito ang aktuwal na nilalaman ng pederalismo, na sa esensiya’y pagkokonsentra ng kapangyarihang lokal sa iilang dominanteng mga pamilyang pulitiko (mga warlord o landlord sa iba’tibang probinsiya ng bansa). Nakapaloob din sa pagrerepaso ng Saligang Batas sa Kongreso ni Speaker Gloria Arroyo ang pagpapalawig sa termino ng nakaupong mga pulitiko. Pero pinakamasahol dito — at hindi gaanong nabibigyan-pansin — ang mga panukalang pahintulutan na ang 100 porsiyentong dayuhang pag-aari sa mga lupaing agrikultural, mga empresa at maging midya.
Paglaban sa gutom ng mga magsasaka ng Silangang Bisayas
Tuwing may sakuna, palaging binibigyan-diin sa dominanteng midya, lalo na sa mga patalastas ng malalaking TV networks, ang pagsisikap ng ordinaryong mga mamamayan na bumangon at mapagpunyagian ang lugmok na kalagayan dulot ng bagyo. Pero kung higit sa pagpupunyaging mabuhay, nagawa nilang aktibong ipaglaban ang kanilang karapatan at singilin ang mga maysala sasakuna, tila di na sila pinapansin. Noong Pebrero, nagpunta sa Maynila ang grupo ng mga magsasaka at mamamayan sa Samar, ang Samahan han Gudti nga Parag-uma – Sinirangan Bisayas o Sagupa, at People Surge, para iparating sa marami ang gutom na inaabot noon ng mga magsasaka sa Silangang Bisayas dahil sa paglaganap ng pesteng bacterial leaf blight o BLF at black bugs sa kanilang pananim simula pa 2016. Hindi sila inayudahan ng Department of Agriculture at pinagbantaan pa ng militar.
Pekeng krisis sa bigas
Sa pagsisimula ng taong 2018, agad na ibinalita ang papaliit na suplay diumano ng bigas ng National Food Authority (NFA). Ang naturang ahensiya ang nagsusuplay ng pinakamurang bigas na abot-kamay sa masa dahil sa ayudang pondo na binibigay ng gobyerno sa ahensiya para makabili ng bigas sa mga magsasaka. Pero yun na nga, papaubos na raw ang suplay. Ang solusyon ng gobyerno, umangkat ng mas marami pang bigas mula sa Vietnam at Thailand. Pero sa suri ng Bantay Bigas, lumalabas na artipisyal lang ang “krisis sa bigas” dahil may sapat na suplay dapat na naipoprodyus ang mga magsasakang Pilipino. Dahil sa “krisis” na ito, nagkaroon ng dahilan ang pribadong tagasuplay ng bigas na magtaas ng presyo o kaya magsagawa ng hoarding. Ang pinakaapektado ay ang mga magsasaka at ordinaryong mga mamamayang kumokonsumo sa bigas.