Site icon PinoyAbrod.net

12 Kontrakwal na manggagawa ng Pearl Island, iligal na tinanggal

Pasado alas-10 nang umaga ngayong araw, nagdaos ng pagkilos ang mga manggagawa ng Pearl Islands Commercial Corporation kasama ang mga grupong tagasuporta sa 12 manggagawang iligal na tinanggal ng nasabing kompanya.

Photo by Maricel Tan

Bago magsimula ang protesta, nagsagawa ng botohan ang mga tinanggal na manggagawa hinggil sa paglunsad ng strike.

Isa sa labindalawang manggagawang iligal na tinanggal ay si Alan Panday, pangulo ng Pearl Islands Workers Union. Ayon sa kanya sila raw ay bigla na lamang sinabihan na nalusaw na ang kanilang agency noong April 31, 2018 at maaari lamang silang bumalik kapag nag-apply sa bagong agency.

Ayon pa kay Panday, mahirap ito para sa kalagayan ng mga tinanggal na manggagawa dahil walang kasiguraduhan kung sila’y matatanggap at makakatrabahong muli.

Karamihan sa mga manggagawa ay higit isang taon nang nagtatrabaho sa Pearl Islands, pero nanatili pa ring kontraktwal.

Katulad ni Panday, nakakatanggap ng minimum na sahod sa National Capital Region ang mga manggagawa sa Pearl Islands pero dumadaan muna ito sa labor agency. Ang labor agency na ang nakatalagang hulugan ang kontribusyon ng mga manggagawa sa SSS (Social Security System) at Philhealth, ngunit noong kinuha nila ang kanilang mga papeles sa nasabing mga ahensya ay hindi pala hinuhulugan.

“Kumikita sila dahil sa amin. Ang ginawa sa’min tinanggalan kami ng karapatan na magtrabaho nang maayos sa kompanya nila at hanggang ngayon nandito pa rin kami, nakikibaka. ‘Yung iba nga gusto nang sumuko pero sabi ko nga huwag tayong panghihinaan ng loob kasi lahat naman tayo’y nahihirapan,” wika ni Panday.

Giit pa niya, ipaglalaban daw nila kahit gaano pa katagal ang karapatan na dapat nilang natatamasa bilang isang manggagawa.

Photo by Maricel Tan

Isa sa mga pangako ni Duterte noon pa lamang eleksyon ay ang pagwakas sa kontramtwalisasyon. Giit pa niya, kaagad niyang pipirmahan ang isang Executive Order na magbabasura sa kontraktwalisasyon sa unang araw niya bilang pangulo ng Pilipinas. Dalawang taon na ang nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga manggagawang hindi natatamasa ang benepisyong katulad ng mga regular na trabahador.

“Gusto naming makabalik sa trabaho na hindi [pumapailalim sa] agency. Dapat ibalik kami sa kompanya na regular na trabahador. Kasi karapatan na talaga namin ‘yan. Taon na kaming may ambag sa kompanya. Taon na po ang pinagpaguran namin diyan,” dagdag pa ni Alan.

Ang makabalik sa trabaho na may pantay-pantay na pagkilala sa lahat at mayroong makatarunang sahod ang ninanais ng mga trabahador na siyang ilegal na iwinaksi ng administrasyon ng Pearl Island.

“Para sa mga manggagawa katulad namin, huwag nating kalimutan ang mga karapatan natin. Dapat nating ipaglaban ang ating karapatan,” panawagan ni Panday sa kapwa manggagawa.

The post 12 Kontrakwal na manggagawa ng Pearl Island, iligal na tinanggal appeared first on Manila Today.

Exit mobile version