Site icon PinoyAbrod.net

1983 Nagbabanta ng 1972

Malawak ang hanay ng mga tutol sa Anti-Terrorism Bill ng rehimeng Duterte: mula bise-presidente ng bansa at mga lider ng Liberal Party hanggang midya at malalaking negosyante, mula mga unibersidad hanggang mga artista at abogado. Nariyan syempre ang mga progresibong organisasyon at maraming karaniwang kabataan at mamamayan na malakas at tuluy-tuloy na nagpapahayag sa social media.

Sa gitna ng pandemya at physical distancing, paglalabas ng pahayag ang naging porma ng pagtutol, na mainit na sinasalubong sa social media. Isang rurok ang protestang “Grand Mañanita” noong Hunyo 12, araw ng huwad na kalayaan. Pahayag ito ng galit: sa kabila ng pandemya, quarantine at panawagang physical distancing, at labag sa pananakot ng gobyerno, nagprotesta ang libu-libo. Sa social media, nariyan pa rin ang mga trolls ng gobyerno, pero mas malawak ang suportang inani: ang libu-libong dumalo, suportado ng lampas-lampas na bilang.

Sabi ni Solita Collas-Monsod, neoliberal na ekonomista, ang mga kritiko ng panukalang batas “ay umaabot mula dulong kaliwa hanggang dulong kanan ng pampulitikang ispektrum.” Sabi naman ni Joel Rocamora, komentaristang sosyal-demokratiko, “Ang dapat pansinin ay ang lawak at tindi ng pagtutol. Ito ay di-hamak na mas malawak na hanay ng pagtutol kumpara sa anumang isyu sa ilalim ng administrasyong Duterte.” Kapansin-pansin, taliwas sa nakagawian, ni walang patutsada ang dalawa sa Kaliwa.

Ang malawak na pagtutol na ito ang dahilan kung bakit maraming kongresista ang bumawi ng boto ng pagpabor — na bihirang mangyari sa kasaysayan, dahil noon, nakatago ang mukha nila at mahirap pahiyain — sa puntong kinailangang iratsada ang panukalang batas ng pamunuan ng Kongreso at Senado para papirmahan sa pangulo. At hanggang ngayon, hindi pa rin ito tuluyang mapirmahan.

Kagyat na dahilan ang nilalaman mismo ng panukalang batas: masaklaw ang depinisyon ng terorismo, pwedeng tiktikan at arestuhin nang walang warrant ang mga babansagang terorista, pwedeng ikulong ang sasali sa organisasyong tatawaging terorista, at magtatayo ng konsehong anti-terror na may napakalawak na kapangyarihan. Kasama rito, ayon kay Antonio Carpio, dating hukom ng Korte Suprema, ang pag-aresto sa sinuman kahit walang nagagawang krimeng terorista.

Marami sa mga pahayag ng pagtutol sa panukalang batas ang nagsabi na posibleng gamitin ito ng rehimen laban sa mga kritiko. Maraming ibig sabihin: ang rehimen, hindi tumatanggap ng kahit anong puna, walang sinasanto sa mga tumutuligsa, labis-labis kung gumanti, at marahas nga sa sukdulan. Ang mga kritiko naman ng rehimen, hindi na lang ang mga dati-rati nang nagsasalita, kundi marami nang bago.

Pero paanong naging tutol ang malawak na hanay ng mga mamamayan at pwersang pampulitika sa panukalang batas? Ilang patakarang mapanupil, atake sa kritiko, at maging mga gera na ang pinawalan ng rehimen, pero bakit pinakamalawak ang pagtutol sa pinakabago? Ang kahulugan ng panukalang batas, sabi nga, ay nasa laylayan ng pahina nito; nasa konteksto ang kabuluhan ng teksto. Isang dahilan ang pagkamalay, pagkabuo at pagkapuno sa lahat ng pag-atake at pandarahas ng rehimen.

Isa pang dahilan, at mas malamang pangunahin: dahil sa naging pagharap ng rehimen sa pandemyang Covid-19. Nangangamba para sa sarili at mga mahal sa buhay, namalagi sa bahay ang mga Pilipino at tumutok sa social media at midya. Nasubaybayan nila ang mahabang listahan ng mga isyu na nagpakita ng kalupitan sa nakakarami, lalo na sa mahihirap, at pagkanlong sa iilang kakampi ng rehimen. Kasabay nito ang samu’t saring kasinungalingan, kababawan at kabulastugan na pagdepensa.

Mula pagtanggi’t pagkutya sa mga panawagang magsara sa mga eroplanong galing China, magpatupad ng mass testing at magpaunlad ng mga ospital, hanggang pag-atake sa nangungunang midyang ABS-CBN at Rappler. Mula pagkanlong kina Sen. Koko Pimentel, Hen. Debold Sinas, at Mocha Uson hanggang pagpatay kina Winston Ragos, Jory Porquia at Carlito Badion. Mula pandarahas sa mga nagprotestang maralita ng Sitio San Roque hanggang sa kalupitan sa mga drayber ng dyipni.

Mula mabagal na ayuda, at dagdag-bayarin pa nga sa mga Overseas Filipino Workers, hanggang malupit na pagpapatupad ng quarantine. Mula pagkulong kay Teacher Ronnel Mas hanggang kaapihan nina Joseph “Mang Dodong” Jimeda na nakulong ng 12 araw. Mula pagkulong kay Tatay Elmer Cordero, drayber na kasama ng Piston 6, hanggang pagkamatay ng nanay na si Michelle Silvertino. Mula garapal na paghingi ng emergency powers at higanteng pondo hanggang anti-mamamayang paggamit sa mga ito.

Dahil sa pagkamulat sa mga isyu sa kasalukuyan, marami ang nagbalik-tanaw at nakita ang pagkakatulad. Nagsilbing kumpirmasyon ang mga nasaksihang krimen ngayon na tama ang mga inakusang krimen noon na isinantabi, o pinaniwalaan pero hindi pinakialaman.

Mas marami na ngayon ang handang makinig at maniwala sa hatol ni Jose Maria Sison, palaisip ng Kaliwa sa bansa: “mas masahol ang masamang rehimen ni Duterte kumpara sa rehimen ni Marcos dahil sa loob lang ng apat na taon, malapit na ang pagtataksil, brutalidad at katiwalian ng rehimen ngayon sa lawak at lala ng katulad na mga krimeng ginawa ng rehimeng Marcos sa loob ng 20 taon.”

Malaking bigwas ang naging pagharap ng rehimen sa pandemya sa magastos at marahas nitong paghahari sa pamamagitan ng sunud-sunurang militar at pulisya, napatahimik na burgis na oposisyon, todong inaatakeng Kaliwa, bayarang tagapagsalita at trolls, dinoktor na mga sarbey, at suporta ng atrasadong masa. Malaking bigwas din ito sa kagustuhan nitong manalo sa 2022 gamit ang nilutong eleksyon.

Nang dumating ang pandemya, babala ni Luis V. Teodoro, progresibong mamamahayag, ang mga patakarang tugon ng gobyerno ay magpapalala sa “indibidwalismo at pagkakahiwa-hiwalay (isolationism)” gayundin sa “panlipunan at pampulitikang kawalang-pakialam at pakikiayon.” Ang “bagong normal” ng gobyerno, aniya, ay “tungkol rin sa ideolohikal at intelektwal na pagkakatiwalag, pagiging sunud-sunuran sa awtoridad,” at “pananahimik kahit sa harap ng pinakalantad na abuso.”

Pero dahil sa pandemya, nanganib ang kalusugan, buhay at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino. Napanatili sila sa bahay at napatutok sa mga hakbangin ng gobyerno at nagaganap sa bansa. Nakita nila ang mabagsik na pulitika ng kakampi-at-kaaway ng rehimen, at ang iba’t ibang antas ng kasinungalingan at panlilinlang. Naramdaman-namalayan nila ang pagiging ilang ulit na biktima. Naging praktika nila ang pagsubaybay, at tiyak ang pagsasalita at pagpapahayag.

Sabi ni Richard Levins, Marxistang biologist na tila nagteteorya sa mga kampanyang masa: “nakasandig ang pakikibaka para magbago ng kamalayan sa paglikha ng mga pagkakataon para sa mga karanasang nakakapagpabago (transforming) habang nagbibigay rin ng mga pamamaraan para bigyang-interpretasyon sila. Hindi mananaig ang adbokasiya, pagtuturo, at kahit ang pinaka-inspirasyunal na modelo laban sa mga karanasan na bumabangga sa kanila. Pero kapag kinumpirma ng pang-araw-araw na buhay ang isang posisyong teoretikal, pwedeng magtagumpay ang magagandang argumento, modelo at pangaral.”

Dagdag pa niya, “Nagbabago ang kamalayan kapag ang iba’t ibang paniniwala at damdamin na nagtutunggalian pero karaniwang napaghihiwalay sa parehong kamalayan at hindi nagtatagpo, ay ngayo’y nagbabanggan. O, kapag binangga (contradict) ng mga bagong karanasan ang mga lumang ideya sa puntong hindi na sila pwedeng hindi pansinin, sa ganoon nagaganap ang pagbabago (readjustment) ng ideolohiya [“Rearming the Revolution: The Tasks of Theory for Hard Times,” 1998].”

Imahe ng protestang Black Lives Matter sa Oakland,California sa US. Larawan ni Ryan Sin c/o Irma Shauf-Bajar

Maihahalintulad ang mga pangyayari sa US. Nitong Abril, nagmuni si Corey Robin, progresibong teoristang pampulitika, sa epekto ng pagkakahiwa-hiwalay bunsod ng pandemya, sa demokrasya doon. Sa isang banda, “Namamayagpag ang mga tirano, itinuturo sa atin ng tradisyon ng pampulitikang teorya, sa paghihiwalay sa mga mamamayan sa isa’t isa.” Sa kabilang banda, “hindi gaanong sigurado ang mga sulatin hinggil sa demokrasya pagdating sa usapin ng pagkakalayu-layo.”

Sa dulo, sabi niya, “Pero totoo rin na madalas, ang pagkakapatiran (solidarity), ang mga ugnayan na nalilikha at nagsusustine sa demokrasya, ay kwento ng sorpresa. Dumarating ang pinakamakapangyarihang yugto nito, halos lagi, matapos ang mahaba at teribleng gabi.”

Ngayon, sa kabila ng itinutulak na paglalayu-layo bunsod ng pandemya, at sa harap ng mga protestang tugon sa pagpatay ng mga pulis sa Aprikano-Amerikanong si George Floyd noong Mayo 25, sinabi ni Angela Davis, progresibong teoristang pampulitika: “Hindi pa tayo nakakakita ng mga tuluy-tuloy na demonstrasyon na ganito kalalaki at nilalahukan ng iba’t ibang klase ng tao. Kaya tingin ko, ito ang nagbibigay sa mga tao ng malaking pag-asa… Nakukuha na ng mga tao, sa wakas, ang mensahe. Na hanggang ang mga mamamayang Itim ay patuloy na tinatrato nang ganito, hanggang nananatili ang dahas ng rasismo, walang sinuman ang ligtas.”

Mahalaga ang tinawag nang “pag-aalsa” sa demokrasya, o sa tunay na demokrasya. Sabi nga ni Zillah Eisenstein, teoristang feminista, “sa kaibuturan, ineetsapwera ng mga demokrasya sa Kanluran ang mga katutubong mamamayan, kalalakihang walang pag-aari, lahat ng kababaihan, at mga Aprikanong alipin.” Sa kabila nito, “nagmula rin ang mga ideya ng indibidwalidad at kalayaan ng tao sa mga taong itong inetsapwera, sa kanilang mga hakbangin ng paglaban [Against Empire, 2004].”

May mayamang karanasan ang Pilipinas sa pagkabulok ng naghaharing rehimen, paglawak ng paglaban dito ng sambayanan, at pagpapatalsik o halos pagpapatalsik sa kanila. Minumulto nito ang mga rehimen at mahalagang mabalik-tanawan ng sambayanan ngayon, kung kailan sila kailangan. Baka isa ito sa pagpapakahulugan sa sinabi ni Walter Benjamin, Marxistang palaisip: “pag-aangkin sa isang alaala sa pagkislap nito sa sandali ng panganib [Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan, 2013].”

Ipinapaalala ng pandarahas ng rehimeng Duterte, lalo na sa panahon ng pandemya, ang Batas Militar ng diktador na si Ferdinand Marcos, na idineklara noong 1972. Para sa henerasyon ng kabataan noon, na nakatatanda na ngayon, parang deja vu ang mga nagaganap: paparurok patungo sa inaasahang deklarasyon. Para sa bayan, may mga tungkuling kaakibat ang ganitong pagbasa — na hindi pwedeng balewalain.

Pero mahalaga rin ang paalala, sa lahat pa naman ng tao, ni Monsod: “Huling nagkaroon ng ganitong pagkakaisa ng sentimyento, sa pinakamalayong naaalala ko, ay noong mga protesta laban sa diktadurang Marcos simula 1983.” Huwag muna nating pansinin na may katulad ding malawak na sentimyento noon laban sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo, kingmaker ni Duterte, pero kumampi siya rito.

Taong 1983, pinaslang si Ninoy Aquino, at sinasabing nagsimula ang katapusan ng diktadurang Marcos. Ang katahimikang ipinataw ng Batas Militar noong 1972 at binasag sa Kamaynilaan ng welga ng mga manggagawa ng La Tondeña ng 1975, lalong napawi sa paglawak at pagtapang ng mga protesta simula 1983 hanggang mapatalsik ang diktadura noong 1986. Panandang-bato ang 1983 ng isang malaking krimen, kung kailan “parang nawala na ang takot ng mga tao,” ayon sa isang kakilala.

Kung tila nag-aala-1972 ngayon ang rehimeng Duterte, iyan ay dahil alam nitong 1983 rin nito ang 2020. Sa pagharap nito sa Covid-19, nakagawa ito ng malalaking krimen na kumikitil at naglalagay sa panganib ng maraming buhay — at nagpapalawak at nagpapalakas ng galit ng sambayanan. Ngayon, totoong-totoo ang sinabi ni Sison sa isa pang pahayag: “Bawat hakbangin” ni Duterte na “mapang-api at mapagsamantala ay gumagalit sa sambayanan para manlaban.” Simula sa protesta ng mga maralita ng Sitio San Roque noong Abril 1, bumubuhos ang suporta sa mga kumikilos laban sa mga kaapihang dulot ng rehimen.

Huwag nang banggitin pa ang malalagim na datos: nag-uuwian ang mga OFW, salbabida ng ekonomiya ng bansa. Pinakamatas ang kawalang-trabaho sa 22 porsyento, na itinatago ng gobyerno. Mahigit 40 porsyento ng maliliit na negosyong Pinoy, hindi makakabangon sa quarantine at pagkatapos. At lalong bumabagal ang ekonomiya.

Sa puntong ito mainam isingit ang pagpapatalsik kay Joseph Estrada, na sumunod din sa lohika ng 1983-1986 sa mabilis na panahon. Maganda ang obserbasyon ni Richard Heydarian, komentaristang pampulitika: tulad ni Duterte ngayon, tinamaan din ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya ang dalawang napatalsik na pangulo — si Estrada sa Asian Financial Crisis ng 1998, at si Marcos sa krisis sa langis ng dekada 1970 at krisis sa utang panlabas sa bungad ng dekada 1980.

Pero sa karanasan ng bansa, hindi laging sa pagpapatalsik ng 1986 tumutungo ang krimen ng 1983. Nagkaroon din ng Hello Garci ng 2005 at NBN-ZTE ng 2007 si Arroyo, at sa puntong iyun, siya na ang pinaka-inaayawang pangulo sa kasaysayan sa lawak ng tutol at lumalaban. Pero hindi siya napatalsik — bagamat sinamantala ng pangkatin ni Noynoy Aquino ang sitwasyon para palabasing iyan ang nangyari noong eleksyong 2010.

Ayon sa mga pag-aaral sa karanasan, para makapagpatalsik ng pangulo, kinailangan ang papalaking protesta sa Kamaynilaan at bansa — isang hamon, sa sitwasyong quarantine. Para magawa ito, kinailangan na ang mga pinaka-desidido sa paglaban sa rehimen ay tuluy-tuloy na mag-ambag sa paglaban, na magagawa sa balangkas ng organisasyon. Kinailangan din nilang abutin at organisahin ang pinakamalawak na hanay ng mga mamamayan, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka at maralita.

At para magawa iyan, kinailanganing lumiko muna sa mga batayang pang-ekonomiyang pakikibaka bago tumbukin ang mga pampulitikang laban, kasama na ang mismong pagpapatalsik. Ipinapakita naman ng protesta ngayon ng mga maralita ng San Roque, mga drayber ng dyip, at maging mga OFW na ang mga kagyat na kahilingan ng masa sa gitna ng pandemya ay direkta nang nagdidiin sa rehimen.

Sa puntong ito, nagtutugma ang kaisipang progresibo at ang kasaysayan ng bansa sa paglaban sa mga pangulo: ang materyal na pwersa ng pagpapatalsik ay protesta ng malawak na mamamayan — na nagluluwal ng pagbaklas ng mga naghaharing uri at militar at paglaglag ng among imperyalista. Malawak na organisado — na humahatak ng malawak na ispontanyo. Pang-ekonomiyang pakikibaka — na tuntungan ng pampulitikang pakikibaka.

Sambayanan ang magpapasya.

19 Hunyo 2020
Exit mobile version