Site icon PinoyAbrod.net

#LupangRamos | Mga larawan ng isang maulang katapusan ng linggo sa Lupang Ramos

Ang 372-ektaryang lupain ng Lupang Ramos, na dating pagmamay-ari ni Emerito Ramos, ay dumaan sa iba’t ibang proseso ng pag-iwas sa pagpapamahagi ng lupa. Subalit nananatiling matingkad ang pakikibaka ng mga magsasaka upang maipamahagi ito sa kanila. Deka-dekada nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ang paglilinang sa lupa ng Lupang Ramos.

Ngunit noong Setyembre 2017, matagumpay na nailunsad ng progresibong grupong Kalipunan ng mga Lehitimong Magsasaka sa Lupang Ramos (KASAMA-LR) ang bungkalan, kung saan kolektibo nilang nilinang at binungkal ang sakahan. Walong buwang tagumpay ang kampanya ng grupo, subalit ngayon ay nakaamba itong kunin sa kanila ng kabilang grupo ng magsasakang Tunay na Buklod ng mga Magsasaka (TBM) na ayon sa KASAMA-LR ay ginamit nila Rudy Herrera, Engr. Angelito Tolentino, at Nestor Pangilinan.

Hunyo 4, 2018 nang magkaroon ng girian sa pagitan ng dalawang grupo nang mambugbog at magpaputok ng baril ang grupo nila Herrera sa KASAMA-LR upang sindakin ang mga magsasakang lumalaban.

Sa kasalukuyan, nakatayo ang kubol ng KASAMA-LR sa iba’t ibang bahagi ng Lupang Ramos bilang pagbantay at pagtindig nila sa kanilang sinimulang laban.

 

Ang Lupang Ramos ay 372 ektaryang lupang dating pagmamay-ari ni Emerito Ramos taong 1965. Makailang ulit nang tinakasan ang pagpapamahagi ng lupang ito. Nagpapasok siya ng mga kontratista ng tubo upang maiwasan ang pamamahagi ng lupa.

 

 

 

 

Isa sa mga magsasakang nakibahagi sa bungkalan na isinagawa ng KASAMA-LR na ang layon ay linangin ang Lupang Ramos upang gawing produktibo ang lupa.

 

 

Ang sakahan sa Lupang Ramos. Naging mabunga ang unang anihan at nakapagtanim ang mga magsasaka ng iba’t ibang gulay at produkto tulad ng labanos, mais, munggo, at palay. Subalit ngayong panahon ng tag-ulan, bunsod ng pag-init ng sitwasyon hinggil sa pangangamkam ng lupa ng kabilang grupong TBM, naantala ang pagtatanim ng mga magsasaka.

 

 

Larawan ng mga kubol at kabahayang itinayo ng KASAMA-LR sa Lupang Ramos. Sa kasalukuyan, nakatirik ang mga kubol ng mga grupo ng KASAMA-LR sa iba’t ibang bahagi ng Lupang Ramos upang bantayan ang kanilang mga lupa at pananim.

 

 

Mga kabataang volunteer na nakikipaglaro sa mga lokal sa komunidad ng Lupang Ramos. Umani ng matinding suporta mula sa mga kabataang estudyante ang laban ng mga magsasaka sa Lupang Ramos. Bunga ng sitwasyon, marami ring kabataan mula sa iba’t ibang pamantasan ng Timog Katagalugan at Maynila ang pumunta sa Lupang Ramos upang makiisa sa kampanya ng mga magsasaka.

 

 

Larawan ng panawagan ng KASAMA-LR hinggil sa pagdepensa nila sa kanilang layunin. Sa pagputok ng isyu hinggil sa lupain ng Lupang Ramos, samu’t saring batikos ang natanggap ng grupo mula sa TBM. Binansagang mga miyembro ‘di umano ang KASAMA-LR ng New People’s Army (NPA). Iginigiit ng grupo na hindi sila bahagi ng kahit anong grupo, at ipinapaglaban lamang nila ang kanilang karapatan sa lupa.

 

 

Isinasabit ng mga miyembro ng KASAMA-LR ang streamer bilang paghahanda sa kultural na pagtatanghal.

Sa kasalukuyan, nananatili ang paglaban ng magsasaka ng KASAMA-LR, kasama ng iba’t ibang sektor ng lipunan, upang maibalik ang nauna na nilang tagumpay mula sa kanilang inilunsad na bungkalan. Bukod rito, tumitingkad pa rin ang kanilang kampanya hinggil sa paglaban sa kawalan ng lupa. Buo ang loob ng KASAMA-LR na itaguyod ang matagal ng laban sa Lupang Ramos.

The post #LupangRamos | Mga larawan ng isang maulang katapusan ng linggo sa Lupang Ramos appeared first on Manila Today.

Exit mobile version