Site icon PinoyAbrod.net

#NutriAsiaWorkersStrike | Machine operator sa loob ng 9 na taon

Operator ng mga machine, iyan ang trabaho ng 34 taong gulang na si Rafael Lihok sa loob ng siyam na taong pagtatrabaho niya sa pagawaan ng NutriAsia sa Marilao, Bulacan.

“Hindi ako natanggal, pero napakarami kong kasamahan na natanggal ngayon at nakikiisa ako sa laban nila” ani Rafael hinggil sa isyu ng pagiging kontraktwal ng higit sa isang libong mga manggagawa ng NutriAsia.

Kasalukuyang tigil ang produksyon sa loob ng pagawaan bunga ng pagwewelga ng mga manggagawa ng NutriAsia na dahil naman sa nangyaring tanggalan. Nais din ng mga manggagawa ipaabot sa management ang kalagayan at panawagan nilang gawing regular ang lahat ng nga manggagawa nito, ngunit ayon kay Rafael ay nais ng NutriAsia na pumasok ang mga manggagawa upang magpatuloy ang produksyon dito.

Kabilang si Rafael sa mga itinaboy ng pulis noong nakaraang Huwebes. Limang kasamahan niya ang nakita niyang sugatan sa mga oras ng dispersal ng kanilang piket.

Tanda ni Rafael, “Kami nakadapa na nun nang magsimula yung gitgitan”.

Aniya, iligal ang pagkakatanggal sa mga manggagawa.

“Pumalakpak lang, tinaggal na. May notebook kami doon na may nakasulat na mga bagong patakaran  at isa doon ay yun nga parang huwag papalakpak o gagawa ng ingay . Bigla na lang nila ‘yun nilagay sa COD. Basta nalang nila binago yung mga nakasulat dun, kapag ‘di ka pumirma sa mga patakaran  na ‘yon eh tanggal ka,”  pahayag ni Rafael sa nangyaring ‘clap protest’ ng mga manggagawa sa loob ng pagawaan.

Nais lamang ni Rafael at ng iba pang mga manggagawa ay  tamang pasweldo at gawing regular ang mga manggagawa, laluna ang mga deka-dekada nang nagtatrabaho at hanggang ngayon ay  nananatiling kontraktwal.

Todo pa silang napagsasamantalahan sa porma ng kulang-kulang na pasahod, sabi nga ni Rafael, “papatunayan namin ‘yan dahil may payslip kami eh”.

Isa rin sa dahilan ng patuloy na pagwewelga ng mga manggagawa ay ang hindi pagharap sa kanila ng management. Abugado lamang ng management ang nagpapakita.

“Ang sahod namin ay 380 lang kada otso oras, tapos kada 13 month ay ang baba pa. Napakataas pa naman ng presyo ng mga bilihin ngayon,” hinaing ni Rafael.

Mayroong isang anak si Rafael at ngayong wala siyang trabaho ay nanghihingi na lamang siya ng tulong sa kapatid niya.

“Alam ng pamilya ko ang kalagayan ko ngayon dito sa NutriAsia. Sinabi ko sa pamilya ko kalagayan namin dito sa NutriAsia, sabi nila sa akin na sumali-sali pa raw ako dito at baka mapahamak ako. Ang sabi ko naman, ipaglalaban namin ang karapatan kasi matagal na kami dito tapos gaganun-ganunin lang kami. Gusto namin na gawing regular ang mga casual. Mahirap ang laging casual. Kapag gusto ka nilang tanggalin ay tatanggalin ka nila kasi sa agency lang kami,” paninindigan ni Rafael.

The post #NutriAsiaWorkersStrike | Machine operator sa loob ng 9 na taon appeared first on Manila Today.

Exit mobile version