Site icon PinoyAbrod.net

Adik!

Maraming panahon sa kasaysayan na kinaharap ng iba’t ibang lipunan sa iba’t ibang panahon ang usapin ukol sa droga at sa adiksyon ng mga tao sa narkotiko. Maraming mga pagkakataon na ang narkotiko nga ang naging pamamaraan para magbago ang ugnayan ng mga bansa at maiba ang direksyon ng kasaysayan.

Isa sa mahalagang halimbawa nito ang produksyon, pangangalakal at paggamit ng opyo sa kasaysayan. Kinuhang katas mula sa opium poppy Papaver somniferum, maraming mga indikasyon na kahit ang mga makalumang sibilisasyon ng Ehipto, Sumeria, at Gresya ang malawakang alam na gumamit nito. Kahit ang mga bayan sa Asya gaya ng Tsina at India, pati na ang mga manlalakbay na Islamiko ng Gitnang Asya ang nakapagtala na gumamit ng opyo sa iba’t ibang pamamaraan.

Sa mga sinaunang sibilisasyon, malinaw na gamot at hindi adiksyon ang nilalayon ng opyo. Pampakalma ito sa mga nagdurusa ng karamdaman, sa mga nakakadama ng kalungkutan, at sa mga nababahala sa kalagayang sikolohikal. May ilang mga sapantaha na ginagamit din ito sa mga taong ooperahan, bilang pampamanhid at pampangimay sa mga ooperahan ng mga sinaunang doktor.

Noong panahon ng kolonyalismo, naging kontrobersyal ang produksyon, pakikipagkalakal at paggamit nito sa iba’t ibang bayan. Naging batayan ang opyo upang mabago ang ugnayan ng Tsina sa ibang bayan, halimbawa. Bago ang malawakang pangangalakal at paggamit ng opyo sa Tsina, hindi pantay at paborable sa Tsina ang pakikipagkalakalan nito sa ibang bayan. Maraming bumibili ng mga porselana, seda, mga produktong agrikultural, at mga produktong yari sa Tsina. Lalo na sa mga bayang Europeo, laging nasa depisito ang kanilang pakikipagkalakal sa Tsina. Marami silang binibili mula sa mga Tsino, subalit konti lang naman ang mga produktong gustong bilhin ng mga Tsino mula sa mga Europeo.

Nagbago ito sa panahong nagpalawak ang mga Ingles sa Asya. Nang masakop ng Inglatera ang iba’t ibang bayan sa Asya at Africa, natutunan nilang ikalakal ang mga produktong galing sa mga kolonya at ipagpalit ito sa iba pang mga teritoryo at kolonya para sa mga dagdag na tubo na mapakikinabangan dito. Hindi kinakailangang papunta sa Inglatera o manggaling dito ang mga produkto – maaaring tumubo ang mga Ingles sa pamamagitan ng kalakalan sa pagitan ng iba’t ibang nasasakupang kolonya o teritoryong pinapasok nito.

Sa simula, kagaya ng ibang bayan ang naranasan ng mga negosyanteng Ingles sa pakikipagkalakalan nila sa Tsina. Marami silang binibili mula sa mga Tsino, subalit kaunti lamang ang gustong bilhin sa kanila ng mga Tsino. Nagbago ito nang matuklasan nila ang halaga ng opyo na nagmumula karamihan sa kanilang kolonya sa India. Sa pamamagitan ng British East India Company, nakapagbuo ng monopolyo sa produksyon at kalakalan ng opyo ang mga Ingles sa pagitan ng iba’t ibang prinsipalidad sa India, at nakuha nito ang pangunahing pinagkukunan ng opyo sa kapatagan ng Ganges.

Nalaman ng mga Ingles na hindi lamang sa kanilang iba’t ibang teritoryo sa India maaaring pagkakitaan ang monopolyo ng opyo. Nang makapasok sila sa pamilihan ng Tsina, lalong lumaki ang kinikita ng mga Ingles dito.

Ginagamit na ng mga Tsino ang opyo bilang bahagi ng mapaglilibangang gamot, subalit ang monopolyo at pakikipagkalakalan sa opyo ng mga Ingles ang nakapagbago sa kalagayan. Naging adik ang mga Tsino sa opyo na ikinakalakal ng mga Ingles at nagtulak sa emperador ng dinastiya ng Qing na ipagbawal ito sa lahat ng kanilang mga teritoryo at lungsod pangkalakalan. Hindi pinansin ng Reyna Victoria ang hiling na ayuda ng Imperyo ng Tsina upang masawata ang adiksyon ng mga Tsino sa opyo. Bilang reaksyon, iniutos ng pamahalaan Tsino noong 1839 na kumpiskahin ang mga bariles ng opyo sa mga bahay kalakal ng mga Ingles at iba pang banyaga, at ikulong ang ilang mga mangangakal dito. Ito ang simula ng tinaguriang Digmaang Opyo, na tumagal sa dalawang yugto. Ang Unang Digmaang Opyo noong 1839-1842 ang unang ikinatalo ng mga Tsino. Sa kasunduan sa Nanjing at ang kakambal nitong kasunduan sa Bogue, pumayag ang natalo sa digmaan na mga Tsino na buksan ang kanilang mga daungan sa Guangzhou, Ningbo, Foozhou, Xiamen, at Shanghai. Sa kasunduang ito rin naibigay ng mga Tsino ang Hong Kong sa mga Ingles. Binigyan din sila ng karapatan sa extraterritoriality na nangangahulugan na hindi masasaklaw ng mga batas Tsino ang mga Ingles sa mga kasong naganap kahit sa teritoryo ng Tsina. Nagbayad pa ng danyos ang mga Tsino at napilitang ituring ang Inglatera na maging most favored nation – isang karapatang nagsasabing ibibigay ang lahat ng mga pabor na ibibigay ng mga Tsino sa ibang bayan ay dapat ibigay din sa mga Ingles.

Sa Ikalawang Digmaang Opyo noong 1856-60, muling natalo ang mga Tsino. Nagbukas pa ng karagdagang sampung lungsod ang mga ito para makapasok ang mga Ingles. Napasali pa ang mga Pranses dito kaya sa Kasunduan sa Tianjin, nagbayad din ng danyos ang mga Tsino hindi lamang sa mga Ingles kundi sa mga Pranses. Kahit na ang mga Ruso at Amerikano ay pinayagang makapasok sa loob ng Tsina at makapagbukas ng mga bahay kalakal na ipinagbabawal dati sa lahat ng mga dayuhan. Itinuring ding bukas ang Ilog Yangtze at nabigyan ng karapatan ang mga dayuhan na magtatag ng legasyon sa Beijing – isang bagay na pinagbabawal din dati.

Sabi nga ng maraming historyador, ang opyo ang naging simula upang mahati ang Tsina sa impluwensya ng iba’t ibang bayan, na siyang naging dahilan kung bakit patuloy ang naganap na himagsikan doon na magbibigay-daan sa pagpasok sa kapangyarihan ng Partido Komunista ng Tsina na malulukok sa kapangyarihan noong 1949.

Sa Pilipinas, nakapasok ang opyo noong panahon pa ng pananakop ng mga Espanyol. Ayon sa sosyolohistang si Ricardo Zafra (1995), nakakapasok ang opyo sa pamamagitan ng daan mula Timog sa pamamagitan ng mga mangangalakal na Olandes mula sa Ternate, Moluccas, Java at Sumatra patungo sa Mindanao at Sulu. Mula naman sa hilaga, ang mga mangangalakal na Ingles kasangkot ang ilang mga Tsino ang nagbigay daan sa pagpasok ng opyo sa Luzon at Visayas. Naging napaka-ekstensibo ng pangangalakal ng opyo sa kapuluan at nagbigay daan upang mapilitan ang mga Espanyol na ipagbawal ang paggamit ng opyo noon pang 1813 sa dikreto ni Gobernador Heneral Jose de Gardoqui.

Magkagayunman, lubusang naging mahirap ang pagkontrol ng pangangalakal ng opyo sa kapuluan. Marami pa ring nag-i-smuggle nito at nakalulusot pa rin ito sa pamilihan kahit ipinagbabawal ng awtoridad. Sabi nga, kung hindi mo makontrol at mapigil, sumali ka na lamang upang maging kabahagi pa ng kikitain mula dito. Noong 1844, itinatag ang monopolyo ng opyo at naging legal ang paggamit nito sa Pilipinas bagaman limitado lamang ito sa mga Tsino at ipinagbabawal pa rin ito sa mga Indio at mestizo. May humigit kumulang 470 mga tindahan ng opyo na para sa mga Tsino noong 1850s na nagdulot ng adiksyon sa maraming bahagi ng populasyon. Hindi man naitala, ilang mga katutubong Indio din ang nalulong sa bisyong ito. Hindi nailapat ang monopolyo sa Mindanao at Sulu at nanatili itong bukas na ikinakalakal noong ikalabingsiyam na dantaon, kahit sa mga hindi Tsino.

Sa pagkatalamak ng paggamit ng narkotiko, ipinagbawal muli ng mga Amerikano ang paggamit ng opyo noong 1908. Muli, nagsiksikan ang mga ospital para sa rehabilitasyon ng mga adik. Subalit hindi nasawata ang kalakalan ng opyo. Nanatiling isang produktong paboritong ma-smuggle ng mga mangangalakal, partikular mula sa Tsina, ang produktong ito. Hindi lamang ang mga Tsinong Pilipino ang gumagamit ng opyo noong panahon ng pananakop. Bukod dito, ang mga karaniwang mga mamamayan na karamihan ay mahihirap, ang naging pangunahing kliyente ng ilegal na pangangalalkal ng opyo. Nag-umapaw ang mga adik na nangangailangan ng rehabilitasyon, na nagtulak sa mga taong pamahalaan gaya ng pinuno ng Bureau of Public Health na si Victor Heiser noong 1936 na ilahad ang kanyang obserbasyon na:

In sheer desperation, the sufferers sought the hospital treatment provided by the government. The rush was so great and the task so hard that the San Juan de Dios Hospital, which previously cared for drug addicts, asked to be released on the ground that it lacked proper facilities for the accommodation and restraint of so large a number of frenzied patients. Accordingly, to meet the emergency, the government made ready several wards of the new insane department of the San Lazaro Hospital…

Upon the inclusion of opium and closure of the public resorts, the price of opium promptly went up which made it prohibitive for Filipinos, once they had to depend on illegal sources for their own supplies…

Mahaba na ang kasaysayan ng adiksyon sa narkotiko ng iba’t ibang lipunan. Higit na kapuna-puna sa lahat ng mga ito na nagiging talamak ang paggamit ng mga substansyang nakaka-adik sa panahong lumalala ang kahirapan at nagiging desperado ang mga tao hindi lamang sa paghahanap ng pagkakakitaan, kundi upang makaranas ng pagtakas sa hirap ng buhay, kahit panandalian lamang. Marami ring dimensyon ng pagsusuri ang mailalahad na lumalala ang suliranin ng adiksyon habang may ilang bayan o mga mangangalakal na nakikinabang at kumikita nang malaki sa kalakalan ng droga. Ilang lokal at pandaigdigang digmaan ang naganap kaugnay ng usapin ng droga. Masasabing kaugnay ang adiksyon ng mga mamamayan at ang kalakalang nagbibigay ng higanteng tubo sa pagpapalawak ng mga imperyalistang bayan sa iba’t ibang lugar ng daigdig. Magpapatuloy ang ganitong malalang kalagayan kung hindi makikilala na maiuugat sa suliranin ng droga sa kalagayan ng kahirapan, ang pagkamal ng higanteng tubo ng ilan kapalit ng pagkasalaula ng buhay ng mga nagiging adik nito, at kawalang kakanyahan ng lipunang tumugon sa pangangailangan ng mga tao para sa higit na maayos na kalagayan ng buhay. Hangga’t di nakikita ang mga leksyon sa mahabang karanasan ng mga lipunan sa kasaysayan ng adiksyon, mananatiling kampanya at gera laban sa mahihirap ang walang direksyong pagsawata dito.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

Ref.
Heiser, Victor. (1936). An American Doctor’s Odyssey. New York: Norton and Compay
Zarco, Ricardo. (1995). A Short History of Narcotic Drug Addiction in the Philippines, 1521-1959. Philippine Sociological Review, 43, 1-4. Pp 1-15.

The post Adik! appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version