Site icon PinoyAbrod.net

Agresyon ng China sa ating ekonomiya

Kasabay ng paggapang ng China sa mga isla at karagatan ng Pilipinas, tila unti-unti na rin nitong ginagapang ang ekonomiya ng bansa.

Kung gaano kasi ka-agresibo ang China sa paglalako ng Belt and Road Initiative (BRI), pangkalahatang estratehiya ng gobyernong Tsino sa pagsulong sa pandaigdigang ekonomiya, ay siya rin namang agresibo ng administrasyong Duterte sa pagbukas ng bansa sa mga puhunan at negosyong Tsino.

Pero gaano na nga ba kalayo ang nagapang ng China sa ekonomiya ng Pilipinas? Napalitan na ba nito ang Estados Unidos (US) bilang may dominanteng kontrol sa ekonomiya ng bansa?

Agresyon sa ekonomiya

Ayon sa Ibon Foundation, maaring hindi pa litaw sa mga estadistika ang papatinding agresyong pang-ekonomiya ng China sa Pilipinas. Gayunman, nakakabahala ang nilalaman ng mga kasunduan at pautang na pinapasok ng China at Pilipinas.

Sa tala ng Ibon, umabot na sa $163.4 Milyon ang foreign direct investment (FDI) ng China sa Pilipinas noong 2018 na katumbas ng 8.8 porsiyento ng lahat ng dayuhang pamumuhunan sa bansa. Mas mataas ito ng 590 porsiyento mula sa average na 0.6 porsiyento lang noong 2017. Pero di pa ito sing laki ng pumapasok na puhunan mula sa Singapore, Japan, Hong Kong at US.

Hindi gaya ng US, ang mga FDI ng China sa bansa ay wala sa mga estratehikong sektor ng ekonomiya gaya ng manupaktura. Gayundin, ayon sa Ibon, ang mga puhunan mula sa China ay di gaya ng mga mula sa US na nakaugnay sa global value chains o pandaigdigang daloy ng produksiyon.

Samantala, ang kalakalan sa pagitan ng China at Pilipinas ay naitala sa 17.1 porsiyento noong 2018, mas mataas kaysa sa kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at US na nasa 10.4 porsiyento lang. Mula 2016, limang beses nang pumunta si Duterte sa China para sa opisyal na state visit. Sa mga pagdalaw na ito, laging may bitbit pauwi si Duterte na mga negosyo at pangakong pamumuhunang Tsino sa bansa.

Sa pagdalaw ni Duterte sa China noong Abril 2019 para dumalo sa Belt and Road Forum for International Cooperation, nakakuha si Duterte ng pangakong pamumuhunan ng iba’t ibang kompanyang Tsino na umaabot sa $12.1 Bilyon habang si Pang. Xi Jinping ng China mismo ay nangakong magbigay $148-M para sa pagpalago ng ekonomiya ng Pilipinas.

Inaaasahan namang kasabay ng pagdagsa ng puhunan at kapital mula sa China ang pagpasok din ng iba’t ibang ilegal na negosyo gaya ng droga, smuggling, sugal, atbp.

Utang

Labis naming ikinababahala ng Ibon ang mga makaisang-panig na kasunduan ng pautang na may kakabit na mga kondisyong nagsasangkalan sa patrimonya at soberanya ng Pilipinas.

Nasa $980-M pa lang ang utang ng Pilipinas sa China. Maliit pa umano ito kumpara halimbawa sa $14.4- B nautang ng bansa sa Japan. Pero sa pagtaya ng Ibon, aabot sa P673.2-B ang tinatangkang utangin ng Pilipinas sa China para sa 75 flagship projects. Kung isasama pa dito ang P204.7-B pang halaga ng mga proyekto sa imprastraktura at iba pa, tinatayang aabot lahat-lahat sa P877.9-B ang uutangin ng bansa.

Ang problema, ang mga utang umanong ito’y batbat ng maka-isang panig na mga kondisyon gaya ng pagkuha lamang ng materyales at serbisyo mula sa China (kasama ang mga kontraktor at manggagawa), mataas na interes at madaliang panahon ng pagbabayad-utang, ang mga kontratang pinapasok ay dapat ding magpasailalim sa

batas ng China at anumang mga di-pagkakasundo’y sa kanilang mga korte lang maaring resolbahin.

Pinakamasahol, dapat din umanong isantabi ng Pilipinas ang soberanyang karapatan nito sa mga proyektong pinopondohan ng mga utang sa China. Kung ang proyekto’y may kinalaman sa mga karagatan, kalupaan at iba pang likas-yaman, isinusuko na ng Pilipinas ang karapatan dito at maaari nang angkinin ng China ang mga ito.

Ganito umano ang laman ng maanomalyang kontrata ng Kaliwa Dam na pinirmahan noong Nob. 2018 kung saan popondohan ng China ang 85 porsiyento ng proyekto na P12.2-B. Ito rin ang laman ng kasunduan sa Chico River Pump Irrigation na nauna nang inalmahan ng Ibon dahil sa kondisyong anumang alitan ay maaari lang litisin sa China International Economic & Trade Arbitration Court (Cietac).

Samantala, target pa ng pamahalaan na makakuha ng $14.3-B halaga ng utang sa porma ng official development assistance (ODA) mula China para pondohan ang 29 pang proyektong pangimprastraktura sa ilalim ng Build, Build, Build na nagkakahalagang $16.8-B.

Para sa diktadura

Matagal nang nakikipag-ugnayan ang mga nagdaang Presidente ng Pilipinas sa China. Matatandaang kontrata sa China ang maanomalyang NBN-ZTE deal ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Habang sa ilalim naman ni dating Pangulong Benigno Aquino III naitala ang pinakamasahol na ismagling mula sa China, pangunahin na ng bigas.

Pero si Duterte na ang may pinakamaraming opisyal na dalaw sa China. Ang diumano katanggap-tanggap para sa Ibon ay habang dumadalaw si Duterte sa China at nag-uuwi ng mga pangakong pautang at puhunan, tuluy-tuloy naman ang paglabag ng China sa soberanya ng Pilipinas.

Pero bakit nga ba isinusuko ni Duterte ang karapatan natin sa West Philippine Sea para sa mga maka-isang panig at mapandambong na mga kontrata at kasunduan sa China?

Tingin ng Ibon, kailangan ni Duterte ang puhunan mula sa BRI ng China para pondohan ang bagsak na ekonomiya ng bansa. Sa kabilang banda, kailangan ding pondohan ang mga proyektong BBB para pagtubuan at gatasan ng malalaking oligarkiya at malalaking negosyanteng nasa likod ni Duterte.

Paborable din para sa mga alipores na sindikato ni Duterte ang mga kickback, padrino at iba pang posibleng iligal na kalakalang kaakibat ng pagdagsa ng negosyong Tsino sa bansa.

Napakahalaga para kay Duterte ang tuluy-tuloy na pagsalubong sa agresyong pangekonomiya ng China para pasayahin ang malalaking negosyante at sindikatong namumuhunan sa kanyang diktadura. Kailangang kailangan din ni Duterte ang suporta ng China sa kanyang pasistang paghahari.

Para sa Ibon, ang pagpaling ni Duterte sa China ay hindi absolute o isang estratehikong pagpihit mula sa patakarang panlabas na dominado ng US. Sa halip, ito’y para lang sa pansariling ganansiya at pagsalba sa sarili ni Duterte.

Exit mobile version