Site icon PinoyAbrod.net

Ang 12 diablong katutubo, si Plasencia at ang demonisasyon ng mga Lumad

Isa sa kakaibang pagtingin ng mga mananakop ukol sa mga katutubo pagdating nila sa kapuluan ang patungkol sa kakaibang paniniwala ng mga ito. Dahil hindi tugma sa kanilang kinagisnang Katolisismo sa Europa, laging tinitingnan na higit na mababa, hindi sibilisado at likha ng diablo ang mga paniniwala ng mga katutubo.

Dahil nasa gitna ng diwa ng Reconquista ang pananakop ng mga Espanyol, naging bahagi ng kolonyal na pananakop ang pagpapalawak ng relihiyon. Kapalit nito, lahat ng mga paniniwalang hindi ayon sa Katolisismo ang itinuturing na paniniwala ng mga diablo na dapat supilin, sugpuin, at burahin upang mapalitan ng ‘tamang’ paniniwala.

Sa peninsula ng Iberia nagsimula ang Reconquista. Sa diwa nito, ninais ng mga monarko ng Espanya na bawiin at sakuping muli ang mga lupaing sa tingin nila ay inagaw ng mga hindi Katoliko sa kanilang lupain. Sa simula pa lamang ng pagpapakasal nina Fernando ng Aragon at Isabel ng Castilla upang mabuo ang Espanya bilang bayan, ninais nito na paalisin ang mga Moro sa timog ng peninsula ng Iberia na higit pitundaang taong nakasakop sa kanila, gaya ng mga bayan ng Granada, Cordoba, at iba pang bayan sa katimugan.

Ang mga Muslim at Hudyo na tradisyunal na kalaban ng mga Katoliko ang pinatutungkulan sa kampanyang Reconquista. Ninais ng mga Katolikong Monarko (ang popular na katawagan sa mga monarkong Espanyol dahil sa Reconquista), na maging purong Katoliko ang kanilang lupain. Kailangan nilang isulong ang kampanyang ito bilang bahagi ng Patronato Real na nagsasanib sa kapangyarihan ng simbahan at estado, at tumuturing na ang mga monarko ang mga pangunahing patron ng simbahan sa pagpapalawak ng katolisismo at paglaban sa ibang paniniwala.

Nagkaroon ng ekstensyon ito nang magpalawak ang mga Espanyol sa labas ng Iberia.Nang makarating sila sa Amerika, Afrika at Asya, naging bahagi ng pagpapalawak ng relihiyon ang kanilang pananakop. Ang pagkamasigasig sa pananakop ang gumabay sa pagpapalawak ng relihiyon, at ang pagpapalawak ng relihiyon ang nagpapanatili sa diwa ng pagkamasigasig sa pananakop sa ibang bayan.

Nang dumating ang mga Espanyol sa kapuluan, isa sa kanilang mga inobserbahan ang katutubong paniniwala ng mga lipunang kanilang sasakupin. Itinala nila ang mga katutubong paniniwalang ito upang maipakitang mga diablo ang gumagabay sa kanilang makalumang paniniwala na dapat mapalitan ng Katolisismo.

Isa sa mga naunang talang pang-etnograpikal ang ginawa ng Franciscanong si Juan de Plasencia. Ayon sa kanyang tala (ilang bahagi ang naisalin sa Ingles sa Blair at Robertson, The Philippine Islands, Vol. VII, 185-196. – akin ang pagsasalin FG), mabibigyan ng 12 halimbawa ang gawa at katangian ng mga diablo ng mga katutubo:

Ang mga sumusunod ang mga iba’t ibang mga pari ng diablo: Ang una, maaaring babae o lalaki ang tinatawag na catalonan. Marangal ang kanyang gawain sa mga katutubo, at kalimitang isinasakatuparan ito ng mga taong may mataas na kalagayan sa lipunan, isang kalakarang makikita sa nakararami sa kapuluan.

Ang ikalawa ang tinatawag na manggagauay, o mga bruha, na nagpapanggap na nakakapagpagaling sa mga maysakit. Maaaring magdulot ng sakit ang kanilang mga bisa, na maaari ding ikamatay. Sa ganitong paraan, maaari nilang patayin ang isang tao kung gugustuhin, o maaari nitong pahabain ang buhay ng isang tao sa isa pang taon sa pamamagitan ng pagsinturon sa baywang ng isang ahas, na pinaniniwalaang siyang diablo. Maraming makikitang ganito sa buong kapuluan.

Ang ikatlo ang manyisalat, na katulad din ng manggagauay. May kapangyarihan ang mga paring ito na gumamit ng pampahid sa mga magsing-ibig upang maghiwalay sila o hindi na magtalik. Kung naiwanan ang isang babae sanhi ng ipinahid, magkakasakit ito at duduguin. Makikita rin ang mga ito sa kapuluan.

Ang ikaapat ang mancocolam, na may kakahayang magbuga ng apoy sa gabi, kalimitan minsan bawat buwan. Hindi maaapula ang apoy na ito maliban ng paring naglublob sa putikan at duming nahuhulog sa mga bahay; at magkakasakit mamamatay ang sinumang nakatira sa naturang bahay. Maraming ganito sa kapuluan.

Ang ikalima ang hocloban, na isa na namang uri ng bruha, na may higit na kapangyarihan kaysa manggagauay. Kahit walang anumang ginagamit na gamot, sa pamamagitan lamang ng pagsaludo o pagtaas ng kamay ay maaari na silang makapatay ng sinumang naisin. Subalit kung nais nilang pagalingin ang mga nagkasakit sa kanilang mga anting-anting, maaari nila itong gamitin sa pamamagitan ng ibang agimat. Bukod dito, maaari pa nilang sunugin ang sinumang katutubo na nakaaway nila, nang walang anumang kagamitang gagamitin. Makikita ito sa Catanduanes, sa hilagang bahagi ng Luzon.

Ang ikaanim ang silagan, na maaaring kumuha at kumain ng atay ng sinumang makikitang nakaputi. Makikita rin ito sa Catanduanes. HIndi ito alamat, sapagkat sa Calauan, isang abugadong Espanyol ang nabiyak ang katawan mula puwet hanggang bituka, at inilibing sa Caliraya ni Fray Juan de Merida.

Ang ikapito ang magtatanggal, na naglayong magpakita sa sinuman sa gabi, nang walang ulo o lamanloob. Lumalakad ang diablong ito habang dala o nagpapanggap na dala ang kanyang ulo sa iba ibang lugar, at babalik pagkaumagahan sa kanyang katawan, mananatiling buhay gaya ng dati. Tingin ko ay isang alamat lamang ito bagaman sinasabi ng mga katutubo na totoo ang mga ito na maaaring dahil ipinapaniwala sila ng diablo. Naganap ito sa Catanduanes.

Ang ikawalo ang osuang, na katumbas ng ‘sorcerer’; sinasabing may nakakita na lumilipad ang mga ito, at pumapatay at kumakain ng laman ng tao. Makikita ang mga ito sa Visayas at hindi umiiral sa mga Tagalog.

Ikasiyam ang isang regular na uri ng bruha na tinatawag na manggagayoma. Gumagamit sila ng agimat na gawa sa salita, bato, at kahoy, para sa mga mangingibig upang mapasok ang puso nito ng pag ibig. Ginagawa nila ito upang lokohin ang mga tao, sa pamamagitan ng gawang diablo.

Ikasampu ang tinatawag na sonat, na maaaring katumbas ng tagapagpangaral o predicador. Tinutulungan niya ang mga tao upang mamatay, upang mabigyan niya ng hula ang kaligtasan o kahatulan ng kaluluwa. Kalimitang ginagawa ito ng nakataas sa lipunan, at makikita ito sa buong kapuluan.

Ikalabing isa ang pangatahojan, na nakapanghuhula ng hinaharap. Makikita ang mga ito sa buong kapuluan.

Ang ikalabingdalawa, ang bayoguin, na lalaking kilalang may-ari ng babae.

Dahil ipinakita ng mga mananakop na mga diablo ang mga ito, ipinakilala nila na makukuha ang katubusan ng mga katutubo kung sasamba sa paniniwalang dala ng mga dayuhan. Sa ganitong pamamaraan, kailangang talikuran ng mga katutubo ang mga dating paniniwala at sumamba sa mga Dios na dala ng mga mananakop.

Kakatwa na ilang lipunang Tagalog ang marami sa mga tinatalakay ni Plasencia sa kanyang tala, at hindi mga lipunang lumad na makikita natin sa Mindanao, o mga Mangyan ng Mindoro, at mga katutubo ng Cordillera na nanatili sa dating paniniwala. Hanggang ngayon, itinuring na pambansang minorya ang mga grupong nabanggit dahil ilan sa kanila ang nananatili sa mga paniniwala bago ang pagdating ng mga mananakop.

Ang mga Tagalog, pati na ang ilang mga grupong etnikong naging sakop ng mga Espanyol at ng Katolisismo, tulad ng mga Ilokano, Kapampangan, Bikol, Waray, Hiligaynon at Sugbuhanon – ang bumuo ng kolonyal na mayorya sa isasakatuparang kolonya ng mga Espanyol sa Filipinas. Ang mga lumad, Igorot, Mangyan at iba pang katutubong hindi nasakop ang bumuo ng mga minorya sa pananaw ng mga mananakop.

Subalit kung titingnan ang deskripsyon ni Plasencia noong ikalabing anim na dantaon ukol sa mga katutubong paniniwala ng mga Tagalog, mapapansing malaki ang pagkakahawig nito sa mga paniniwala ng mga Lumad, Igorot, at Mangyan hanggang sa kasalukuyan. Patunay lamang ito na sila ang mga lipunang hindi nalapatan ng Reconquista at Inkisisyon ng kolonyalismo na malaki ang pagkakatulad sa mga dating kalagayan ng mga nasakop.

Bukod dito, mahalaga ring tingnan na kahit kapuna-puna ang pagkiling ni Plasencia laban at mapanlait sa mga katutubo at pumapabor sa kolonyalismo, malinaw ang ilang obserbasyon niya ukol sa pagkakapantay ng mga lalaki at babae ng mga lipunang katutubo sa larangan ng paniniwala, pamamahala at kalagayang panlipunan. Ang diskriminasyon laban sa mga kababaihan, pati na laban sa mga binabae o panggitnang kasarian ang dinala ng kolonyalismo. Malinaw na higit na maluwag sa usaping pangkasarian ang mga lipunang katutubo kaysa sa mga kolonyal na lipunang nagdala ng mga halagahin ng mga Europeo.

Maraming bali-balita ngayon ukol sa pakikihamok ng mga lumad upang maging makatarungan ang pagturing sa kanila ng pamahalaang sentral na nakabatay sa Maynila. Ilang taon na silang naglalakbayan upang ipahayag ang hinaing na mabigyan sila ng pagkakataong makapamuhay nang maalwan nang may paggalang at pagkilala sa kanilang tradisyon at pamumuhay. Ilang ulit na rin silang tinugunan ng maraming nagdaang pamahalaan sa pamamagitan ng karahasan, pananakop, pagkuha ng kanilang lupa at minahan at pagpapaalis sa kanilang lupang ninuno. Pinapasara ang kanilang mga paaralan, ginagawang komersyal na plantasyon o minahan ang kanilang mga lupaing ninuno at inililikas sila sa mga lugar ng kanilang kapanganakan. Ilang lumad ang napilitang magbakwit sa takot at upang makaiwas sa pambobomba sa kanilang lupang ninuno. Ang masamang pagturing sa mga katutubo na tila mga diablo na dapat pagbantaang lipulin kung hindi susunod sa pamahalaan ang nagsasalamin na marami sa kasalukuyan ang makabagong tagapagmana ng Reconquista na hindi nakikitang higit na malaki ang pagkakatulad ng mga katutubo ng kapuluan sa mga sinaunang lipunan bago ito nasakop ng dayuhan. Ilang dantaon nang ipinakikita ng mga mananakop ang demonisasyon ng mga katutubo upang maipakitang lehitimo ang pananakop, pagsasamantala, at pagpapasunod sa mga ito. Ang mga tekstong gaya ng akda ni Plasencia, bagaman kapuna-puna ang tono ng panlalait at pag-aaglahi, ang magpapakita ng pagkakatulad ng mga katutubo mula sa iba’t ibang grupong etniko bago ang pananakop. Ang pagiging mayorya at minorya ng mga lipunan sa Pilipinas ang naging bunga ng kolonyal na pananakop at ng pag-aaglahi sa mga nanatiling malaya, hindi ang gawain ng mga itinuturing na diablo.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Ang 12 diablong katutubo, si Plasencia at ang demonisasyon ng mga Lumad appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version