Daan-daan kundi man libo-libo ang mga Facebook Page na itinayo na para magkalat ng fake news at upang maging plataporma ng mga kampanya ni Duterte sa pulitika at laban sa kanyang mga katunggali. Sa katunayan, marami-rami na rin ang tinanggal ng FB mismo dahil sa pagsususpetsang pangunahing daluyan ang mga ito ng pekeng balita.
Karaniwan na ang modus operandi sa bagay na ito: Ang mga administrator o tagapamahala ng mga pahinang ito ay nagpopost o “nagtatanim” ng mga pekeng balita na kontrobersyal o nakakapagpakulo ng dugo. Malimit na maingat at eksperto ang pagkadisenyo ng mga inimbento o pekeng balita na ito upang magkaroon ng maksimum na impak sa mga makakapanood o makakabasa nito. Pagkaraan ng ganitong pagtatanim, may mga troll naman na nagsisilbing mga tagapaypay o manggagatong ng mga sentimyento ng mga ordinaryong FB user sa pamamagitan ng paglalagay ng mga nakakapukaw na komento o pag-click sa mga reaction. Hindi maikakaila na kapag sinuri ang mga FB user na nagre-reply sa mga maiinit na post sa mga naturang pahina, mapapansin na ang karamihan sa mga ito ay mga ordinaryong mamamayan lamang. Kapuna-puna ang FB page ng mga propesyonal na troll na halos dalawa o tatlong letrato lang ang laman at halos walang interaksyon sa mga kaibigan.
Marahas at puno ng mga insulto ang pananalitang karaniwang ginagamit ng mga troll at admin sa mga personahe na itinuturing nilang kalaban ni Duterte. Paulit-ulit at halos parang pormula ang mga insulto at bayolenteng pagmumura. Ang nakakapagtaka ay kung paano nakikisabay na rin nang maramihan sa ganitong mga pananalita ang mga ordinaryong mamamayan na tagagamit ng FB na nagkataong maka-Duterte lamang. Malamang ay hindi karaniwan sa kanila ang ganitong pananalita. Dito mapapansin ang proseso ng pagsunod sa “modelo.” Ang pinaka-modelo o inspirasyon sa pagmumura ay tiyak na si Duterte mismo, tinutularan siya ng mga namamahala sa mga FB page at ng mga troll. Dahil nagiging bagay na nakasanayan na at normal ang ganitong pananalita sa larangang pampulitika at napakitaan na ng ilang “modelo” ng wastong paggamit ng wikang ito, maaari nang makisakay ang marami na hindi naman karaniwang ganito ang pamamaraan ng pananalita. Kapag nakita nilang “okay lang” pala ang ganitong marahas na pananalita ay naeengganyo silang makisama na rin na may iba’t ibang antas ng kasiglahan.
May mga katangian din ang mismong disenyo ng mga platapormang social media na nakakaengganyo ng ganitong mga pamamaraan ng pananalita. Unang-una, hindi kaharap ng ng mga nagpopost ang taong kanilang minumura at pinaggigilan, anonimo ang komunikasyon. Ikalawa, may ilusyon na pribado ang komunikasyon sa pagitan ng mga “magkakatulad” mag-isip. Ikatlo, sinususugan ng ganitong uri ng media ang estiilong kagyat at pabugso ng pagapahayag na hindi na gaanong pinag-iisipan.
Ang mga post ng mga admin at ang mga susog ng mga troll na nakakatanggap ng maraming reaction at reply ay maituturing na bukod-tanging matagumpay na mga post. Ang mga libo-libong reply at reaction ay lumilikha ng tinatawag sa terminolohiya ng Internet ng “shitstorm” o “bagyo ng tae.” Ang mga admin ng mga pahina at troll ang nagtatanim at nanggagatong sa mga binhi ng mga bagyo na ito. Ngunit hindi nila makakayanan na lumikha ng malalaking mga bagyo kung hindi lumalahok ang ordinaryong mga tagagamit lamang ng social media. Kapansin-pansin ang mga “bagyo ng tae” na nalikha sa paligid nina Sen. Leila de Lima at ng Secretary General ng Bayan na si Renato Reyes.
May mga pananaw na nag-aakalang “ispontanyo” ang mga bagyo ng taeng ito. Totoo naman na may mga ispontanyong bagyo ng tae. Gayunpaman, dapat pag-ibahin ang mga ispontanyo sa di-ispontanyong mga bagyo ng tae. Malalaking halaga na ngayon ang inilalagak ng mga pulitiko sa social media upang makaimpluwensya ng mga pampulitikang pananaw ng mga tao. Sandatang pulitikal ang bagyo ng tao na mapangwasak, hindi lamang sa mga kalaban sa pulitika ng rehimeng Duterte, kundi sa mismong konsepto ng komunikasyong pampulitika. Nararapat lamang na makahanap ng mga bago at mapanlikhang kontra-sandata ang mga kilusan at pwersang naghahangad ng tunay na pagbabago sa lipunang Pilipino.