Site icon PinoyAbrod.net

Ang karapatang magpahayag at magtipon sa gitna ng pandemya

Tuwing ika-apat na Lunes ng Hulyo ay tradisyunal nang ginagawa ng Pangulo ang State of the Nation Address (SONA) o Talumpati sa Kalagayan ng Bansa, ayon sa ating Saligang Batas.

Kaya bawat taon, sa harap ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ay pinoproklama ng Pangulo ang kalagayan ng ating bansa, kasama na ang mga proyektong kanyang nagawa sa nakalipas at balak gagawin pa sa mga darating na taon.

Tuwing SONA ng Pangulo, tradisyunal na rin sa ating mga progresibong grupo ang magsagawa ng People’s SONA o ang paglalahad sa tunay na kalagayan ng bansa na maaring taliwas sa opisyal na pahayag ng administrasyon.

Ito ay matagal na rin nilang ginagawa at sang-ayon sa karapatan ng isang mamamayan na magpahayag ng kanyang sinasaloob na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas.

Ngunit sa ika-limang SONA ng Pangulong Duterte ay biglang pinagbawal ang pagtitipon ng mga progresibong grupo.

Ang dahilan ay ang pandemya ng Covid-19.

Matatandaan na ayon sa Resolution No. 57 ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), ay bawal ang mga mass gathering sa mga lugar na dineklarang may community quarantine dahil sa usaping pangkalusugan

Gamit ang resolusyong ito, noong Hulyo 23, 2020, ay naglabas ng advisory ang Department of Interior and Local Government sa ilalim ni Sec. Eduardo Ano na pinaaalahanan ang lahat ng local government units na pinagbabawal ang mga mass gathering dahil sa kasalukuyang pandemya at nagsasabing hindi dapat pahintulutan ang mga rali sa darating na SONA ng Pangulo.

Bago nangyari ito ay nakapagkita pa si Quezon City Mayor Joy Belmonte noong Hulyo 21 sa mga lider ng mga progresibong grupo upang pag-usapan ang mga health and safety protoculs sa gaganaping rali sa darating na SONA.

Napagkasunduan na gagawin ang rally sa harap ng Commission on Human Rights (CHR) sa Commonwealth Avenue.

Ngunit dahil sa memorandum ng DILG, napilitang umatras si Mayor Belmonte sa kanyang pangako.

Sa isang statement na nilabaas noong Hulyo 24 ay sinabi ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na hindi ito maglalabas ng permit para sa mga grupong nagpaplano ng protest action sa darating na SONA.

Sinabi rin na ang mga permit na naibigay na ay ituturing na kanselado na.

Ang tanong ngayon ay ganito: Sa pamamagitan ba ng isang advisory ay maaring ipagbawal ng DILG ang mga rali sa SONA ng Pangulo?

Ang batas tungkol sa pagsagawa ng rali o demonstrasyon ay ang Public Assembly Act of 1985 o BP 880.

Sinasabi sa batas na ito na kailangan lamang ang permit kung ang isang rali o demonstrasyon ay gaganapin sa isang public place na hindi kinikilalang freedom park sa isang lokalidad.

Kapag ang rali ay gaganapin sa isang freedom park, hindi mo kailangan ang permit.

Hindi rin kailangan ang permit kapag ito ay gaganapin sa isang pribadong lugar na may pagsang-ayon ang may-ari o sa loob ng isang eskwelahan ng pamahalaaan sang-ayon sa regulasyon nito.

Hindi rin kasali sa batas na ito ang mga welga o pagkilos ng mga manggagawa laban sa kanilang kompanya.

Ayun sa BP 880, sa loob ng 2 araw ay kailangang aksyonan ng Mayor ang hinihinging permit.

Ang hindi niya pag-aksyon dito ay ituturing na pagpayag sa hinihiling na rali.

Maari lamang na tanggihan ito ng Meyor kung may malakas na ebidensya na ang isasagawang rali ay magiging sanhi ng maliwanag na panganib sa seguridad, kabutihan, kapakanan, o kalusugan ng publiko.

Pagdating sa usapin ng kalusugan, matatandaan na dati nang naka-pagsagawa ng rali ang mga grupong humihingi ng permit para magrali sa darating na SONA.

Sa mga raling ginawa nila nung nakaraan ay napatupad naman nila ang health and safety standards tulad ng social distancing at pagsusuot ng face masks na hinihiling ng Department of Health.

Isa pa, ang harap ng opisina ng CHR ay isa sa mga lugar na tinaguriang Freedom Parks ayon pa sa CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia.

Kaya maliwanag na ang pagbabawal na ito sa rali sa darating na SONA ay walang batayan.

Hindi nga batas ang nilabas ng DILG kungdi isang advisory lamang. 

Isipin natin ang nakasaad sa Bill of Rights ng ating Saligang Batas na nagsasabing hindi dapat magpatibay ng batas ang pamahalaan na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magtipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.

Hindi kailanman pasailalim ang ating Saligang Batas o ang BP 880 sa isang direktiba ng DILG tungkol sa karapatang magtipon-tipon ng mga mamamayan upang iparating sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing .

Maliwanag na ginagamit lamang ng administrasyong Duterte ang pandemya ng Covid-19 upang sagkaan ang batayang karapatan ng mga mamamayan.

Kaya ano pa ang ating hinihintay? Magkita-kita tayo sa People’s SONA, mga kasama!

Exit mobile version