Site icon PinoyAbrod.net

Ang karapatang magwelga

Ang karapatang magwelga ay isa sa pinakamahalagang karapatan ng mga manggagawa sa kasaysayan ng mundo.

Dito sa atin, kailan puwedeng mag-aklas o magwelga ang isang unyon?

Sa ating batas, maraming rekwisitos ang dapat sundin ng isang unyon para maging ligal ang welgang balak niyang isagawa.

Una, dapat nakapagsampa ang unyon sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ng notice of strike.

Ang notice of strike na ito o pamamaalam na magwi-welga ay dapat ibigay ng unyon sa DOLE 30 araw bago ang itinakdang welga nito kung ito ay nakabatay sa bargaining deadlock at 15 araw naman kung nakabatay ito sa unfair labor practice.

Sa loob ng panahong ito, bawal pa sa unyon ang magwelga.

Pangalawa, dapat ang intensyong magwelga ay aprubado ng karamihan sa mga kasaping unyon sa isang botohang ginanap para dito.

Ang tawag sa botohang ito ay strike vote. Ito ay gaganapin sa pamamagitan ng sikretong botohan at hindi pwede ang basta taasan ng kamay lang.

Ang resulta ng strike vote ay dapat maibigay sa NCMB mga isang linggo bago maganap ang welga. Dapat ding magpaalam sa NCMB ang unyon tungkol sa gaganaping strike vote nito mga isang araw bago ito maganap.

Sa pagsasagawa ng strike vote, maaring magpadala ng kanyang kinatawan ang NCMB para matiyak na malinis ito.

Samantalang ginagawa ng unyon ang pagsunod sa mga patakarang ito, kailangan ng NCMB na magpatawag ng paghaharap ng unyon at ng kompanya para ayusin ang kanilang hindi pag-uunawaaan.

Kung sakaling hindi maayos ang gusot sa kabila ng tulong na ginawa ng NCMB at kung nasunod ng unyon ang mga rekwisitos na na nabanggit, maaari nang ituloy ng unyon ang welga.

Sa welgang magaganap, mahigpit na pinagbabawal sa unyon ang mangharang sa sinumang may gustong pumasok sa kompanya para sa lehitimo o legal na gawain.

Sa madaling sabi, samantalang maaaring tumigil ang mga kasapi ng unyon sa kanilang mga trabaho dahil sa sila nga ay nakawelga, hindi nila puwedeng harangan ang kanilang kapwa-manggagawa na gusto ituloy ang kanilang trabaho sa kompanya.

Hindi rin nila puwedeng pagbawalan ang iba pang tao na gustong pumasok sa kompanya dahil sa legal na mga sadya.

Sa maikling salita, ang puwede lang gawin ng unyon sa ilalim ng ating batas ay ang mag-welgang bahay.

Ano pa ang saysay ng welga kung hindi maaring pigilin ang ibang tao para ipagpatuloy ang kanilang transaksyon sa kompanya?

Wala, mga kasama.

Pero hindi lang yan.

Ayon sa ating Labor Code, kapag sa pananaw ng Secretary of Labor and Employment, ang welga’y gagawin sa isang industriyang napakahalaga sa pambansang kagalingan (indispensable to the national interest), maaari niyang ipatigil ang welga at desisyonan na lang ang gusot ng dalawang panig.

Ang tawag rito’y Assumption of Jurisdiction (AJ) at ang mga manggagawang nakawelga’y obligadong ihinto o huwag nang ituloy ito at bumalik na lang sa kanilang mga trabaho.

Kung hindi sila sumunod sa utos ng DOLE Secretary, ituturing silang tanggal na sa kanilang mga trabaho.

Ang sakit, mga kasama. Pero iyon ang nakalagay sa ating batas.

Kamakailan lang, nakabinbin sa House of Representatives ang House Bill No. 9169 na naglalayong baguhin ang probisyon ng Labor Code tungkol sa AJ.

Ayon sa HB 9169, makakapaglabas lang ang DOLE Secretary ng Assumption of Jurisdiction Order kung sa kanyang pagtingin, ang welga ay nasa isang industriyang “engaged in essential services.“

Ang ibig sabihin ng “engaged in essential sevices” ang serbisyo ng kompanya na makakaapekto sa buhay, kalusugan, o personal na kaligtasan ng mga tao.

Bukod dito, wala nang batayan upang maglabas ang DOLE Secretary ng AJ Order.

Maganda ba ang panukalang batas na ito, mga kasama?

Maaaring maganda dahil maibsan nito ang mga limitasyon sa karapatang magwelga ng mga manggagawa.

Pero malabo na itong makalusot sa House of Representative at sa Senado dahil patapos na ang termino ng mga ito.

Kaya, maghihintay na naman tayo sa bagong Kongreso, mga kasama.

Exit mobile version