Site icon PinoyAbrod.net

Ang laban sa climate change

Nitong Setyembre 21 hanggang Setyembre 27, sa pangunguna ng mga kabataan, ginanap ang pandaigdigang welga.

Welga laban sa ano? Hindi ito welga ng manggagawa laban sa mapang-aping kapitalista. Hindi rin ito laban sa sistema ng gobyerno.

Welga ito tungkol sa climate change.

Ano ba ang tungkol sa climate change o pagbabago ng panahon na dapat nating welgahan?

Ang climate change o pagbabago ng klima ay masama kung ito ay nagdudulot ng matinding pagbaha, malakas na pagbagyo, matinding init o global warming.

Dito sa Pilipinas, mula 1947 hanggang 2014, merong sampung (10) malulupit na mga bagyo ang naranasan ng ating bansa.

Lima (5) sa sampung (10) bagyong ito ay naganap mula 2006 hanggang 2014 at naka-apekto sa libo-libong mamamayan.

Pinakamalakas sa bagyong ito, kung ating matatandaan, ay ang Bagyong Yolanda.

Sa bagyong ito, anim na libo at tatlong daan (6,300) sa mga kababayan natin ang nasawi, mahigit apat na milyon (4,000,000) ang nawalan ng mga bahay. Mga dalawang milyong dolyar ($2,000,000) ang tinatantyang inabot na pangkalahatang danyos ng ating bansa.

Sa mga nagdaang taon, meron pa ring malulupit na bagyo ang ating dinanas. Bawat taon, tinatantyang nasa dalawampung (20) tropical cyclone ang pumapasok sa Pilipinas. Walo (8) o siyam (9) sa mga ito ang tumatama sa kalupaan.

Ayon sa mga dalubhasa, epekto ang lahat nang ito ng climate change o pagbabago ng panahon.

Ayon sa Global Climate Index Rate na nilabas noong 2015, ang Pilipinas ang nangunguna sa mga bansa na apektado ng climate change.

Ito ay sanhi ng ating lokasyon kung saan , ang ating bansa na matatagpuan sa Western Pacific Ocean, ay napapaikutan ng karagatan.

Ang karagatang ito ay umiinit dahil sa pagtaas ng temperatura. Ang init na ito ay nilalabas ng dagat at ang resulta ay mga alapaap na naging sanhi ng pag-ulan.

Ang mga ulan na ito ay nagiging bagyo, at kung mas marami ang init dahil sa climate change, mas marami rin ang ulang magaganap at maaring mas maraming bagyo ang ating mararanasan.

Ang mahirap na panahong ito dahil sa pagbagyo ay makakaapekto rin sa hanapbuhay ng mga mahihirap, tulad ng mga mangingisda at magsasasaka.

Ngunit hindi lamang ang lokasyon ng ating bansa ang sanhi ng climate change.

Kasama rin dito ang pagsunog sa mga uling na naging artipisyal na sanhi ng climate change.

Sa ating bayan, hindi mapagkakaila na maraming pabrika ang gumagamit ng uling o coal sa kanilang operasyon. Sa katunayan, marami pa nga sa atin rito ang may coal plants o pabrika ng uling. Ito ay nagiging sanhi ng carbon emissions sa ating bansa.

Malungkot isipin ngunit walang pagtututol dito ang Department of Energy (DOE).

Ayon sa DOE, ang paggamit ng uling ay ang pinakamurang paraan upang makalikha ng enerhiya.

Nakakalungkot ngunit inuuna pa ng pamahalaan ang kapakanan ng mga negosyante kaysa kapakanan ng karaniwang mamamayan.

Dapat bang huwag pansinin ang kapakanan ng mga mangingisda at magsasaka pati na rin ang mga karaniwang manggagawa basta makatipid lamang sa kanilang operasyon ang mga pabrika at mga minerong nangangailangan ng uling?

Ayon sa datos, ay may mga labing-isang (11) taon na lamang ang natitira bago mapinsala ang ating kalikasan dahil sa climate change.

Hahayaan ba nating mangyari ito?

Ang karapatan sa kalikasan ay bahagi ng ating karapatang pantao.

Kaya, dapat tayong makisama sa labang ito.

Exit mobile version