Site icon PinoyAbrod.net

Ang matamaan ay taya

 

Ni PHILIP M. JAMILLA

bata, bata, patanong anong oras na ba?
‘di mo ba narinig ang mga balita?

anong bilin ni inay? umuwi ka ng maaga,
‘wag ka nang pasaway at tumambay diyan sa kanto.

magsuot ka nga ng sando kung ayaw mong matangay,
‘wag ka nang pasaway, ‘wag ka nang maghintay

sa labas, kung ayaw mo na bukas ay ikaw naman
ang kanilang itapon sa likod ng rehas.

anong sabi ng pulis? tumakbong mabilis.
anong sabi ng pulis? iputok ang baril—

at nanlaban, bulsa biglang shabu ang laman,
kung ‘san galing ang pakete ‘di nila alam

kaya tagu-taguan, maliwanag ang buwan,
‘di na biro ang laro ng habul-habulan

kung kaya’t kung ako’y ikaw, hanap na ng tataguan
mula sa pula, mula sa bughaw, mula sa balang ligaw

na nanunuklaw parang mga pangil ng ahas
sa lansangan wala kang takas at walang ligtas

kaya bata, dali, ang takbo’y bilisan
‘pag ikaw ang natamaan, ikaw na ang taya.

Si Philip Jamilla ay kasapi ng League of Filipino Students sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) at kasalukuyang pangulo ng Thomasian Writers Guild. Siya ay mag-aaral ng Panitikan sa nasabing unibersidad.

The post Ang matamaan ay taya appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version