Site icon PinoyAbrod.net

Ang naghihintay sa atin sa 2019

Isang makaubos suweldong bagong taon sa ating lahat! Sa pagsalubong ng 2019, balak rin ipasalubong sa Pilipinas ang pagtataas muli ng presyo dahil sa buwis. Kakaibang ningning ng gastusin ang gustong ipaabot ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa panukala nilang iabante ang pagkakaroon ng excise tax o dagdag buwis sa langis.

Hindi kaya tuluyan nang nabulag ng makikinang na mga ilaw ng Pasko ang gobyerno, kaya ‘di na nila makita kung gaano kalunuslunos ang kalagayan ng mga mamamayan dahil sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (Train Law)?

Tantiya ng Ibon Foundaiton, nabawasan ng aabot sa P6,800 na kita ang 60 million pinakamahirap na Pilipino. Mula ito sa patuloy na pagtaas ng bilihin, na hindi naman nasasabayan ng pagtaas ng suweldo.

Giit naman ng DBCC, bumababa naman na ang presyo ng krudo sa merkado kaya hindi na siguro masamang ituloy na ang dagdag buwis sa gasolina.

Palalong pag-aanalisa ito, giit ng Ibon. Ibang klaseng pagkakampante ang ipalagay na dahil mababa ang krudo ngayon, mababa na ito hanggang sa susunod na taon. Sa panukala kasi na pagtaas ng buwis, ang excise tax sa LPG na P1.00 kada kilo ngayong 2018 ay aabot ng P2.00 kada kilo, at P3.00 kada kilo sa 2020. Ang diesel naman, mula P2.50 kada litro ngayong 2018, papatak na ng P4.50 sa 2019. Samantalang ang buwis sa gasoline, mula P7.00 kada litro, aabot na ng P9.00 kada litro sa 2019.

Oras na maipatupad na ang excise tax sa langis, asahan na ang magiging epekto nito sa pamasahe, transportasyon ng iba’t ibang produkto, at pati na rin ang pang-arawaraw na pangangailangan ng LPG.

Ano pa ngang matitira sa mga mamamayang Pilipino, kung ang laging binabanatan na buwis ng gobyerno ay buwis sa bilihin? Sana, ayon sa Ibon, paigtingin na lang ang paniningil sa malalaking kumpanya at ubod ng yaman na mga personalidad na umiiwas sa buwis.

Ngunit sa tinatahak na landas ngayon, pasakit sa masa ang pambungad sa bagong taon, at sa mga susunod pa.

Exit mobile version