Site icon PinoyAbrod.net

Ang pagbabalik ng parusang kamatayan

Matapos ipanukala na muli sa Kongreso ni Pangulong Duterte ang pagbabalik sa parusang kamatayan, uminit na naman ang talakayan tungkol sa isyung ito.

Matatandaan na ang parusang kamatayan ay ginagawa na dito sa ating bansa mula pa noong panahon ng mga Kastila.

Si Dr. Jose Rizal, halimbawa, ay pinatay sa pamagitan ng firing squad. Sina Father Gomez, Burgos, at Zamora naman ay pinatay sa pamamagitan ng garrote na sumakal sa kanila.

Pagdating ng mga Amerikano, nauso naman ang silya-elektrika o electric chair.

Nagpatuloy ang death penalty hanggang tayo ay mabigyan ng kalayaan ng mga Amerikano noong 1946 hanggang sa administrasyon ng Pang. Ferdinand Marcos noong 1965 hanggang 1986.

Pansamantalang nahinto ang death penalty noong 1987 nang magkaroon ng moratorium sa bagay na ito ang administrasyon ni Pang. Cory Aquino.

Isa pa, sa Bill of Rights ng ating 1987 Saligang Batas ay ito ang nakasaad:

“Seksyon 19. (1) Hindi dapat ipataw ang malabis na multa, o ilapat ang malupit o di-makataong parusa, o ang parusang kamatayan, maliban kung magtadhana ang Kongreso ng parusang kamatayan sa mga kadahilanang bunsod ng mga buktot na krimen. Dapat ibaba sa habang buhay na pagkakulong ang naipataw nang parusang kamatayan.”

Malinaw sa ating Saligang Batas na tinatanggal na ang parusang kamatayan ngunit maari itong ibalik ng Kongreso sa mabigat na mga kadahilanan doon lamang sa mga heinous crime.

Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asia sa modernong panahon na nakapagtanggal ng parusang kamatayan.

Ngunit pagdating ni Pang. Fidel Ramos noong sumunod na administrasyon ay nagbuo ng batas ang Kongreso kung saan binalik sa mga piling kaso ang pagpataw ng death penalty.

Patuloy ito hanggang sa administrasyon ni Pang. Joseph Estrada.

Pagdating naman ng administrasyon ni Pang. Gloria Arroyo ay ipinasa uli ng Kongreso ang isang batas noong 2006 na nagbabawal na naman sa parusang kamatayan.

Hanggang sa kasalukuyan, ito ang umiiral sa ating bansa: bawal ang parusang kamatayan dito.

Dahil sa batas na ito, lahat ng nahatulan ng parusang kamatayan ay binabaaan ang sentensiya noong 2006.

Ayon pa sa Amnesty International, ito ang pinakamaraming commu-tation ng parusang kamatayan na naganap sa buong mundo.

Tinatantiyang 1, 2030 na mga bilanggo sa death row ang nakinabang sa commutation ng kanilang mga hatol.

Mahigit 10 taon nang walang parusang kamatayan sa ating bansa. Ang Pilipinas ay isa sa 140 bansa sa buong mundo na nagtanggal na sa parusang kamatayan.

Pero sa nakaraang halalan sa pagkapangulo noong 2016, kasama sa plataporma ng kandidatong si Duterte ang pangakong kapag siya ang nanalo ay sisikapin niyang maibalik ang death penalty sa ating bansa upang mapigilan ang paglago ng mga krimen.

At nanalo nga siya noong nakaraang eleksiyon.

Magmula nang siya ay maging president, sinikap ni Duterte na hikayatin ang Kongreso upang maibalik ang parusang kamatayan, lalo na sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Matatandaan na noong Marso 2017, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagbabalik ng death penalty sa ating bansa sa mga drug-related offenses.

Hindi ito nakapasa sa Senado, kaya’t nanatili pa rin sa ating bansa ang death penalty noong nakaraang Kongreso.

Pero hindi tumigil dito ang Pangulo.

Maaalala natin na muli niyang iginiit ang pagbabalik sa parusang kamatayan lalo na sa mga krimeng may kaugnayan sa ilegal na droga nitong kanyang 2020 State of the Nation Address.

Sa ngayon, may kulang-kulang 12 panukalang batas na nakabinbin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagbabalik sa parusang kamatayan.

Kamakailan lang ay ipinangako ni Cong. Martin Romualdez ang kompletong debate sa House of Representatives tungkol sa mga panukalang batas na ito kahit na tayo ngayon ay nasa gitna ng pandemya sanhi ng Covid-19.

Ayon sa kanilang mga sponsors, ginawa nila ang mga panukalang batas na ito upang sugpuin ang paglawak ng krimen sa ating bansa.

Ngunit tama kaya ang kanilang dahilan, mga kasama?

Una sa lahat, walang sapat na datos na nagpapakita na ang parusang kamatayan ay makakapigil sa mga kriminal sa pagsagawa ng mga mabibigat na krimen.

Para mapatigil ang paglawak ng krimen, dapat nating palakasin ang sistema ng ating hustisya at gawing mas epektibo ang panghuhuli at papakulong sa mga kriminal.

Ang dahilan ng paglawak ng kriminalidad ay dulot ng ibang sanhi tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho, hindi pantay na pwesto sa lipunan at iba pang mga bagay; hindi ang kawalan ng parusang kamatayan.

Sa katunayan, lumalabas sa mga pag-aaral na noong mga taong tayo ay may death penalty pa ay lalong dumadami at lumalawak ang mga krimen at hindi ito nababawasan.

Pangalawa, ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay makakaapekto sa mahihirap at mas mababang sektor ng lipunan na walang kakayanan upang kumuha ng maasahang abogado upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.

Sa isang survey na ginawa ng Free Legal Assistance Group (FLAG) sa mga nakakulong sa death row noong 2004 ay napansin nilang 2/3 sa mga ito ay mas mababa sa minimum wage ang kinikita.

Karamihan sa kanila’y nagtatrabaho sa agrikultura, konstruksiyon, at transportasyon. Umabot sa 62 porsiyento sa kanila ang hanggang elementarya lamang ang natapos; 32 porsiyento ang tapos ng hayskul at anim na porsiyento lang ang nakatapos ng kolehiyo.

Ito ay nagpapatunay na ang karamihan sa nahatulan ng kamatayan ay galing sa mahihirap at mababang antas ng lipunan na kulang ang kakayahan upang ipagtanggol ang kanilang sarili.

Pangatlo, ang parusang kamatayan ay lumalabag sa karapatang mabuhay na isinusulong ng maraming relihiyon at paniniwala.

Ang buhay ay bigay ng Maykapal. Siya lang ang may karapatang kumitil dito.

Kung nakagawa man tayo ng kasalanan, ang pagkabilanggo ay sapat na parusa upang mabigyan tayo ng pagkakataong magbago.

Hindi na natin mababago ang ating mga sarili kung tayo ay tatanggalan ng karapatan upang mabuhay.

Ito ang dahilan kung bakit ang Simbahang Katoliko ay mariing tumututol sa death penalty na ito.

Pang-apat, tayo ay lalabag sa international law kapag ibinalik natin ang parusang kamatayan sa ating bansa.

Pumirma tayo noong 1987 sa Second International Protocol kaugnay ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) na nangangakong tatanggalin na sa ating bansa ang parusang kamatayan.

Ito ay obligasyon ng ating bansa sa pandaigdigang sambayanan at may malaking epekto sa atin kapag nilabag natin ito.

Kaya, sa aking paningin, hindi dapat ibalik ang parusang kamatayan!

Exit mobile version