Site icon PinoyAbrod.net

Ang tindig ni Mabini sa pamumuno ng Republika

Natatangi ang papel na ginampanan ni Apolinario Mabini sa pagkakatatag ng Republika sa Malolos.  Nang mapag-alaman ni Emilio Aguinaldo ang pagkakakilanlan ng isang matalinong abogadong Batanguenyo na pinunong mason, kasapi ng La Liga Filipino at  kilalang nakikisangkot sa kapakanan ng nakararami, ipinatawag agad niya ito upang himuking maging kasapi ng kanyang binubuong Republika.

Bilang mason, naging instrumental ang papel na ginampanan ni Mabini simula nang maging kasapi siya ng Lohiya Balagtas sa ilalim ng pangalang Katabay.  Isa ang Lohiya Balagtas na nanguna sa pagrereporma sa kilusang Masonerya sa Pilipinas.  Kritikal niyang tinanong ang pangingibabaw ng isang lohiya, ang Lohiya Nilad na pinamumunuan ni Pedro Serrano Laktaw, sa iba pang lohiyang naitatag matapos ang Nilad.

Nagkaroon siya ng matagal na palitang sulat kay Marcelo del Pilar at Miguel Morayta ukol sa pagtatatag ng isang rehiyonal na konseho ng mga lohiyang Mason sa Pilipinas.  Matatandaang ang dalawa ang silang nagbigay ng dispensasyon sa pagtatatag ng mga lohiyang mason na kinasasapian ng mga Pilipino sa Pilipinas, na bukas lamang dati sa mga banyaga.  Kung magkakaroon ng Pilipinong mason, kinailangan pa niyang maging kasapi o magtatag ng lohiya na nakabase sa Europa, gaya ng ginawa nina Jose Rizal, Marcelo del Pilar at Graciano Lopez Jaena.  Dahil sa paglawak ng masonerya sa Pilipinas kung saan naging kasapi ang mga Pilipino sa mga lohiyang para sa mga Pilipino at nakabase sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon, ipinanukala ni Mabini na magkaroon ng konsehong rehiyonal na siyang magbibigay ng demokratikong pag-iral sa ugnayan ng mga lohiyang mason at sa organisasyon nito sa Pilipinas.

Naging aktibong kasapi si Mabini sa itinatag ni Rizal na La Liga Filipina. Kasama sina Bonifacio at iba pang mason at mga aktibong kasangkot sa kampanyang baguhin ang lipunan, naging malalim ang pakikilahok ni Mabini sa La Liga. Nang mahati ang La Liga Filipina sa dalawang paksyon – isa ang Cuerpo de Compromisarios na nanatiling naniniwalang kailangan lang ng reporma sa pamahalaang Espanyol; at ang isa ang bumuo ng gulugod ng  Katipunan na nagsasabing wala nang kakahantungan pa ang reporma at kailangan na ng rebolusyon – nanatiling repormista si Mabini at piniling sumama sa Cuerpo.

Ang pagdakip, pagpapatapon at sa huli’y ang pagpatay kay Rizal at iba pang mga rebolusyonaryo ang nagpabago sa paninindigan ni Mabini. Nakumbinsi siyang kailangan na nga ng isang armadong paghihimagsik na tatapos sa kolonyal na pananakop ng mga Espanyol.

Nagkataon namang bago iyon, nagkasakit na siya ng polio at naparalisa ang dalawang paa.  Kaya kahit na kasama siya sa mga hinuli ng awtoridad sa paghihinalang kasangkot sa himagsikan, pinawalan pa rin siya mula sa piitan dahil sa kanyang medikal na kalagayan.  Hindi niya sinapit ang naging kapalaran nina Rizal, ang 13 martir ng Kabite, at ilan pang naging biktima ng malawakang pagpatay sa mga pinaghihinalaang rebolusyonaryo.

Habang nagpapagaling sa Los Baños, ipinatawag siya ni Aguinaldo upang himukin na maging tagapayo nito.  Sa talino at kakanyahang magpaliwanag ng mga batayang konsepto ng rebolusyonaryong paninindigan, nakumbinsi ni Mabini si Aguinaldo sa ilang mga sulatin nito. Hindi na lamang siya naging tagapayo, kinilala ni Aguinaldo ang kakanyahan niyang isulat ang ilan sa pinakamahahalagang dokumento ng rebolusyong Pilipino.  Ang mga kasulatang ito ang gagabay sa bagong tatag na republika sa kanyang unang hakbang sa kalayaan.

Ilan sa mga sinulat niya ang  El Verdadero Decálogo at Ordenanzas de la Revolución.  Ang una ang naglinaw sa moral at etikal na tindig ng himagsikan, samantalang ang ikalawa naman ang nagbigay ng balangkas sa pagsasakatuparan ng administrasyon ng rebolusyon.  Isinama ni Aguinaldo si Mabini sa Malolos sa binuong Kongreso sa Barasoain.  Doon naging hayag ang tindig ni Mabini sa iba’t ibang usaping konstitusyonal at rebolusyonaryo.  Sinulat niya ang borador ng konstitusyon sa pamamagitan ng Programang Konstitusyonal ng Rebolusyonaryong Pamahalaan.

Pinagkatiwalaan din siya ni Aguinaldo na maglabas ng mga dikretong magsasaayos sa pagsasakatuparan ng rebolusyon sa iba ibang lokalidad sa kapuluan.  Sa pagtatatag ng rebolusyonaryong gabinete, itinalaga ni Aguinaldo si Mabini bilang Unang Punong Ministro kasabay ng pagiging Unang Kalihim Panlabas ng gabineteng rebolusyonaryo.

Nahayag ang posisyon ni Mabini sa iba’t ibang sigalot dahil na rin sa komposisyon ng mga delegado sa Kongreso sa Malolos.  May ilang hindi komportable sa kanyang pagiging mason at sa kaisipang dala nito na nakakaimpluwensya sa administrasyon ng rebolusyon at sa konstitusyonal na balangkas na maaaring maimpluwensyahan nito.  Mayroon namang ilan na hindi payag sa pagiging tila madilim na anino ni Aguinaldo si Mabini, at ang kapangyarihang ipinagkatiwala ni Aguinaldo dito ang nagpabagabag sa ilan sa iniisip na lumalawak na kapangyarihan at impluwensya ni Mabini sa rebolusyon.  Hindi rin nag-atubili ang ilang ipakita na iba ang pinagmulang maralitang pamilya ni Mabini kaysa sa nakararami sa mga pinunong ilustrado ng Kongreso sa Malolos.

Ang naging agawan sa kapangyarihan at tunggalian sa posisyon ang nagdulot ng pagbibitiw ni Mabini sa gabinete ni Aguinaldo.  Mapapalitan siya sa pamumuno ni Pedro Paterno kasama nina Felipe Calderon, Felipe Buencamino, Leon Maria Guerrero at Maximo Paterno.  Mababago ang katangian ng pamunuan ng Malolos sa pagpapalit ng mga katauhang ito.

Naganap ito sa panahong naharap ang pamahalaan sa Malolos sa pagkakasangkot ng isang bagong kaaway – ang Estado Unidos ng Amerika.  Naging bukas sa negosasyon si Mabini sa simula, subalit nang mahalata niyang walang interes ang mga Amerikano sa pagkakaroon ng tigil putukan at kapayapaan, inabandona na rin ni Mabini ang posibilidad na matapos ang tunggalian sa pamamagitan ng negosasyon.  Isa pa ito sa mga bagay na hindi nila ipinagkasundo ng mga grupo ng mga ilustrado na nakakuha ng kapangyarihan sa Malolos. Mapapansin na ang ilan sa mga pumalit kay Mabini ang siyang mangunguna sa pagkampi sa bagong dating na mananakop at magiging kabahagi pa nga ng itatatag na Philippine Commission sa ilalim ng mga Amerikano.  Sila rin ang magtatatag ng Partido Federal na siyang lalahok sa halalan sa plataporma ng paglalapit ng dalawang bayan hanggang sa matamo ang kalayaan sa matagalang panahon.

Sa kabilang banda, mananatili sa pakikipaglaban sa mga Amerikano si Mabini.  Masusukol siya at mahuhuli sa Nueva Ecija noong Disyembre 1899 at sa buwan ng Enero 1901, mapapatapon sa Guam kung saan makakasama niya ang ilang mga itinuturing na insurectos irreconcables gaya nina Tandang Sora at Artemio Ricarte.  Sa pagbabalik ni Mabini sa Pilipinas noong 1903 at kahit na ipinangako niya ang pagkilala sa mga Amerikano, nagpatuloy pa rin ito sa ahitasyon sa mga Pilipino upang mag-aklas.  Sa kasamaang palad, isa si Mabini sa magiging biktima ng epidemya ng kolera ng taong iyon na magiging sanhi ng kanyang kamatayan.

Paano susuriin ang buhay at kontribusyon ni Mabini sa bayan?  Ano ang tindig at paano niya tiningnan ang naging kapalaran ng rebolusyon?  Sa kanyang tala ng himagsikang pinamagatang La Revolucion Filipina, na kanyang isinulat habang nasa eksilo sa Guam, sinabi niya ang dahilan ng pagkabigo ng himagsikan:

Nabigo ang Rebolusyon sapagkat hindi ito napangasiwaan nang wasto.  Sapagkat naluklok sa puwesto ang tagapangasiwa nito hindi dahil sa gawang kapuri-puri kundi sa gawang kasumpa-sumpa.  Sapagkat sa halip na tulungan ang mga taong lalong kapaki-pakinabang para sa bayan, ginawa niyang walang silbi ang mga ito dahil sa inggit.  Sapagkat naniniwalang patas lamang ang ikatataas ng bayan sa ikatataas ng sarili, hindi niya pinahalagahan ang mga tao sa bigat ng kanilang kakayahan, pagkatao, at pagkamakabayan kundi sa lapit ng pagiging kaibigan o kamag-anak ng mga ito sa kaniya.  At sapagkat hangad niya na maging handang magsakripisyo para sa kaniya ang mga taong kaniyang kagigiliwan, sinang-ayunan niya maging ang mga pagkakamali ng mga ito.  Sapagkat hinamak niya ang bayan, tumalikod sa kaniya ang bayan; at sapagkat tinalikdan siya ng bayan, bumagsak siyang tulad ng diyos-diyosang gawa sa kandila na nalulusaw sa liyab ng mga pagdaralita.  Huwag nawa nating malimutan ang isang nakakikilabot na aral na natutuhan kapalit ang mga di-masasambit na pagpapakasakit.

 

 

 Batay na rin sa kakulangan ng pamunuan ang dahilan ng pagkabigo ng himagsikan, ayon kay Mabini.  Habang sinusuri ang karanasang personal sa kanyang pakikisangkot sa rebolusyon at sa pagtatasa sa papel ng iba’t ibang uri at indibidwal sa himagsikan, nilinaw niya ang naging sanhi ng kabiguan ng pamumuno ng himagsikan.  Kung kapakanan ng mga kakampi at hindi ng sambayanan ang isinusulong ng pinuno, mawawala ang saysay ng paghihimagsik.  

Ang kapakanan ng sambayanan ang lohika ng pagpapatuloy ng paghihimagsik.  Kung mawawala ang kapakanan ng bayan sa isinasakatuparan ng pamumuno at pamahalaan, mawawala na rin ang batayan at lohika ng pamumuno at paghihimagsik.  Sinabi ni Mabini ang aral na ito mahigit isandaang taon na ang nakaraan.  Hanggang sa kasalukuyan, marami pa ring usapin sa hindi matapos-tapos na himagsikan na nagaganap sa Pilipinas. Patuloy pa rin ang paghahanap sa sapat na pormularyo sa paninindigan ng dapat na mamuno sa bayan.  Nauulit ang pagkabigo dahil hindi pa rin nakikintal sa kaisipan ng mga pinuno ang diwa ng pamamahala na matagal nang tindig at nasambit noon pa mang panahon ni Mabini – at ito ang paglilingkod sa bayan at pagpapauna sa kapakanan at kagalingan ng bayan bago ang sarili.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

Ref:

Apolinario Mabini.  Ang Rebolusyong Filipino (salin ni Michael M. Coroza). Manila:  Pambansang Komisyong para sa Kultura at mga Sining:  Komisyon sa Wikang Filipino, 2015. p. 94.

The post Ang tindig ni Mabini sa pamumuno ng Republika appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version