Site icon PinoyAbrod.net

Ang undas para sa mga makatang bayani sa bisperas ng kanilang burol

Marami sa mga Pilipino ang gumugunita ng Undas sa pamamagitan ng pagdalaw sa libingan ng mga namayapang mahal sa buhay. Ito ang kanilan paraan upang manatiling nasa alaala ang mga namatay, at bigyan din ng parangal ang kanilang mga nagawa noong nabubuhay pa sila. Tila gaya ito ng paggunita ng kamatayan tuwing Biyernes Santo na tradisyonal na inaalala sa pamamagitan ng pagsisimba mula tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon upang gunitain ang pitong huling salita ni Hesus. Bukod sa huling hapunan, parating simboliko ang pitong huling salita sa pagpapakita na nalalaman at naitatala ng nagsasambit ang magaganap na trahedya sa hinaharap ng mismong makararanas nito. Ang tinatawag na prescience o kaalaman sa mga mangyayari sa hinaharap ang naghiwalay sa may kaalaman kaysa sa wala ukol sa kahahantungan ng kapalaran, lalo na kung ukol sa kamatayan.

Sa mga karaniwang tao, bayaning kilala man o hindi, bibihira ang nagkakaroon ng ganitong kaalaman ukol sa kahahantungan ng kanilang buhay. At higit na kakaiba na makakapagsulat pa ng akdang pampanitikan ang mga magiging bayani na tila prediksyon sa kanilang kinabukasang kakikitaan ng malagim nilang kamatayan.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, isa sa pinakatampok na teksto na karaniwang bahagi ng babasahin ng mga mag aaral ang Mi Ultimo Adios na sinulat ni Jose Rizal. Kahit na maraming nagdududa, sinasabi pa rin ng nakararaming mga historyador na naisulat ni Rizal ang tula sa bisperas ng pagbitay sa kanya noong 29 ng Disyembre 1896.

Sa wikang Espanyol na naging pamilyar sa mga ilustrado nasusulat ang tula. Puno ng simbolismo ukol sa bayan, pamilya, lipunan at mga karanasan sa buhay at kamatayan ang nilalaman ng tula. May inaasahang pangungulila ang tema ng tula. Kakaiba naman kung parang pagdiriwang ang magiging tono ng tulang isinulat ng makata para sa kanyang napipintong kamatayan! Subalit ang pagkakaroon ng pag asa sa hinaharap ang higit na makikita sa nilalaman ng tula. May kalungkutang baka mabaon sa limot; baka mawalang saysay ang lahat ng mga isinagawa habang nabubuhay; at baka hindi matamo ang mga pinapangarap sa lipunan at pamilya kung mamamatay ang makata. Subalit sa bandang huli, may pagtanggap sa walang ibang kahihinatnan kundi kamatayan ang tono ng tula, kaya pamamaalam na lamang ang maaaring magawa.

Sa Mi Ultimo Adios, nilinaw ni Rizal ang kanyang mga adhikain sa pagkakaroon ng higit na maayos na buhay sa hinaharap para sa nakararaming mga kababayan. Pero kahit ganoon, higit na personal na liham ang kanyang ginawa. Kahit sa pagtatapos ng tula, inialay pa rin niya ito sa kanyang huling minahal na si Josephine Bracken na may natatanging pagkilala bagaman hindi tuwirang ipinangalanan.

Ang isa pang hindi nabibigyan ng pag aaral ay ang pagtatangka ng isa pang pambansang bayani na si Andres Bonifacio na isalin sa Tagalog ang tula ni Rizal. Lubusang humanga si Bonifacio sa mga ideya ni Rizal at laging tinitingala ito bilang inspirasyon sa pagkakaroon ng kilusang magpapalaya sa bayan. Bagaman hindi tinanggap ni Rizal ang alok ni Bonifacio na siya ang mamuno sa himagsikan sa aktwal man o kahit simbolikong pamumuno lamang, kinilala pa rin ni Bonifacio at ng mga Katipunero ang kabayanihan ni Rizal bilang isa sa pangunahing motibasyon para mapatatag ang hanay ng mga rebolusyonaryo. Sa bandang huli, igigiit ni Rizal ang pangangailangan sa reporma ayon sa mapayapa at matagalang pagbabago. Ang mga Katipunero naman, kahit na may pagbatikos mula sa mga ilustradong gaya ni Rizal, ang maglulunsad ng kilusan para sa armadong pagpapalaya ng bayan para sa kagyat na kalayaan.

Maraming pumuna sa ilang limitasyon ng pagsasaling ginawa ni Bonifacio sa tula ni Rizal. Maraming mga linguistiko at historyador ang nagsabing hindi nakuha nang lubusan ni Bonifacio ang ilang malalim na simbolismo ng tula at nawala ang ilang kahulugan nito mula sa orihinal nang isinalin ito sa Tagalog. Kailangang banggitin na sa isinagawang pagsasalin ng tula ni Rizal, naging isang simbolikong pag aangkin sa mga ideya at diwa ng pagbabago ang isinagawa ni Bonifacio, isang pamamaraan ng apropriyasyon sa ideya at diwa ng orihinal na makata upang makapasok ang ideya ng tagasalin sa teksto at maging akma ito sa ideya ng tagasalin at hindi ng may akda. Dahil dito, higit na may historikal na lalim ang isinagawang pagsasalin ni Bonifacio kaysa sa ibang mga akademikong nagsalin ng nabanggit na tula. Ang ilan sa mga bahagi ng tula, na pinamagatang Huling Paalam ayon sa salin ni Bonifacio, ang mababasa sa sumusunod:

Huling Paalam

1
Pinipintuho kong Bayan ay paalam
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan
kaluwalhatiang sa ami’y pumanaw.

3
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba’y ang buhay na kipkip;
walang agam-agam, maluwag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.

5
Ako’y mamamatay ngayong namamalas
na sa silanganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.

6
Ang kulay na pula kung kinakaylangan
na maititina sa iyong liwayway,
dugo ko’y isabog at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw.

7
Ang aking adhika sapol magkaisip
nang kasalukuyang bata pang maliit
ay ang tanghalin ka at minsang masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.

8
Natuyo ang luhang sa mata’y nunukal,
taas na ang noo’t walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian
gabahid mang dungis niyang kahihiyan.

11
Kung sa libingan ko’y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo’y mangyaring ilapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.

16
Bayaang sinuman sa katotong giliw
tangisan maagang sa buhay pagkitil;
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin Bayan yaring pagkahimbing.

17
Idalanging lahat yaong nangamatay,
nangagtiis hirap na walang kapantay,
mga ina naming walang kapalaran
na inihihibik ay kapighatian.

18
Ang mga nabao’t pinapangulila,
ang mga bilanggong nagsisipagdusa,
dalanginin namang kanilang makita
ang kalayaang mong ikagiginhawa.

19
At kung sa madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga’t
tanging mga patay ang nangaglalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.

21
Kung ang libingan ko’y limot na ng lahat
at wala nang kurus at batong mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa’y asarulin at kanyang ikalat.

22
Ang mga buto ko ay bago matunaw
mauwi sa wala at kusang maparam,
alabok ng iyong latak ay bayaang
siya ang bahalang doo’y makipisan.

23
Kung magkagayon na’y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagkat himpapawid at ang panganorin,
mga lansangan mo’y aking lilibutin.

25
Bayang iniirog, sakit nyaring hirap,
Katagalugan kong pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas;
diya’y iiwan ko sa iyo ang lahat.

26
Ako’y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at berdugong hayop;
Pananalig doo’y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo’y haring lubos.

27
Paalam, magulang at mga kapatid,
kapilas ng aking kaluluwa’t dibdib,
mga kaibigan bata pang maliit,
sa aking tahanang di na masisilip.

28
Pagpasalamatan at napahinga rin,
pa’lam estrangherang kasuyo ko’t aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw,
mamatay ay siyang pagkakagupiling.

Maraming tula ng pamamaalam na nagbabadya ng kamatayan ng makata ang maisusulat matapos ang Huling Paalam ni Rizal. Sa kasalukyang henerasyon, ang tula ni Emman Lacaba na pinamagatang Kung Ako’y Mamamatay ang isa sa pinakapalagiang ginagamit na halimbawa ng pagpapatuloy ng tradisyon ng pamamaalam ng makata at ang antisipasyon ng kanyang kamatayan. Nito lamang Marso 18 ginunita ang ika-43 taon ng kamatayan ni Lacaba na pinaslang noong 1976 sa Asuncion, Davao del Norte dahil sa kanyang pakikipaglaban sa Batas Militar. Gaya ni Rizal, isa ring Atenista si Lacaba. At tulad ni Rizal, nagmula rin sa gitnang uri si Lacaba at nakahalubilo ang pinakatanyag, pinakangunguna at pinakamayayaman sa kanyang henerasyon.

Subalit di gaya ni Rizal, hindi nanatili lamang sa pagsusulat ang paghahanap ni Lacaba ng makabuluhang buhay. Pinili niyang makisama sa mga ordinaryong mamamayan – mga mahihirap na magsasaka at manggagawa – bilang pamamaraan ng pagbibigay kontribusyon sa tiningnan niyang pangangailangan sa pagbabagong panlipunan. At hindi gaya ni Rizal, hindi isang espektakulo na pinanood ng maraming mamamayan sa pambansang liwasan ang naranasan ni Lacaba kanyang pagpaslang.

Sa dalawang tula makikita na may pagkilala ang mga makata na maaaring sa kamatayan maganap ang pagiging bahagi ng kalikasan ang maiiwang katawang pisikal; ng posibilidad na walang maging pananda man lamang sa pinaglibingan matapos ang kamatayan; at sa pagtinging ang pagpanaw ay pagkakataong magkasama sama ang mga mahal sa buhay. Narito ang buong tula ni Lacaba:

Kung Ako’y Mamatay
Emman Lacaba

Kung ako’y mamatay, oo, marami nga
Ang mag-iiyakan: di lang kamag-anak
Kundi kaibigan sa iniwang lunsod –
Dating kaeskwela, kasama sa trabaho,
At intelektwal na mahilig sa tula.
At lalong-lalo na ang mga magsasaka
At manggagawang sa aki’y nagbuhos
Ng kasaysayan ng mapait nilang buhay.
Oo, matutuwa ako kung pupunta
Silang lahat sa aking luksa at libing,
Kung pupunuin nila ang buong lansangan
Sa huling martsa ng aking kabaong
Na nababalot ng banderang pula
Na may maso’t karet o tatlong bituin.
Higit na kung sila’y magsisimulang magtanong:
“Para kanino, bakit siya namatay?”
Subalit pareho lang sa akin kung
Sa kasukalan lamang ako malugmok
Upang ibaon ng uod at damo
Nang walang alaala, walang pangalan.
Sapat na kung masamang minahal ang magbangon:
Magwasak sa ating piitang bulok!
Lumikha ng lipunan ng liwanag, oo!
Liwanag na sa loob kung ako’y mamatay.

Malinaw kay Lacaba ang pagpapahalaga sa alaala ng mga magsasaka at manggagawa na sa tingin niya ay siyang gumawa ng kanyang kasaysayan at ng kasaysayan ng buong bayan. Sa huli, ang diwang ito, hindi ang pamamaalam sa estrangherang minahal ang naging mas makabuluhan kay Lacaba. Higit na tinuldukan ni Lacaba ang diwa ng pagbibigay liwanang sa lipunan upang mapalaya ito, at ang pagtanggap ng kanyang kamatayan bilang bahagi ng pagpapalaya ng bayan. Hanggang sa kasalukuyan, marami pang mga bayani ng ating bayan ang tulad ni Lacaba na naghandog ng buhay para sa inangbayan na kinakailangang alalahanin ng bayan, undas man o hindi.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Ang undas para sa mga makatang bayani sa bisperas ng kanilang burol appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version