Site icon PinoyAbrod.net

Ano ang kahulugan ng rebolusyon?

Sa pagtatapos ng Buwan ng Wika, magandang usisain ang kapangyarihan ng mga salita at ang mga salitang binabaluktot ng makapangyarihan.

Paunang halimbawa ang salitang Kapayapaan, isang reyalidad na mapapatotoo ng ganap na pagkilala sa mga karapatan. Ngunit oras na dumaan sa labi ng mapanupil na gobyerno, ito ay biglang nagtutunog Katahimikan. Ganito rin ang nagyayari sa salitang Protesta, na pilit nirerebisa ng estado bilang Ingay lamang. At ang mga salitang nakita natin sa landas na tinahak ng mga tulad ni Ka Randy Echanis at Zara Alvarez, ang katagang Pag-ibig sa Bayan. Gusto namang gawin ng administrasyong Duterte na kasing-kahulugan ng Pagpapaulol sa Gobyerno.

Ngayon, pati ang salitang Rebolusyon na nagdadala ng larawan ng masidhing pagbabago, gusto rin nilang angkinin.

May 300 katao raw ang nagtipon— pisikal at online—sa Clark Freeport para sa tinawag nilang “People’s National Coalition for Revolutionary Government and Charter Change”. Pinangunahan ito ng isa sa mga grupong nag-udyok kay dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagkapresidente, ang Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC), Napakaraming salita. Kaya siguro natatalisod sila’t nagmumukhang katatawanan. Anong masidhing pagbabago ang ibubunga ng “rebolusyonaryong gobyerno” na nakasandig rin naman pala sa kasalukuyang administrasyon?

Hindi ito unang beses na pinaglaruan ni Duterte ang salita at ideya ng rebolusyon. Agosto 2017 sabi niya hindi maaaring magkaroon ng rebolusyon sa ilalim ng pamumuno niya. Wala pang tatlong buwan ang lumipas, Oktubre 2017, nang magpalit-maskara siya at sabihing handa siyang magtatag ng rebolusyonaryong gobyerno kung may banta ng kaguluhan at pagpapatalsik.

Ayan na nga. Nahuhuli ang isda (buwaya) sa bibig. Para sa administrasyong Duterte at sa mga kaalyado nito, ang salitang Rebolusyon at konsepto ng Rebolusyonaryong Gobyerno ay pabalat lamang sa dalawang katotohanan.

Una, nangangatog sila sa takot na mapatalsik. Mabisa sigurong pangontra sa takot na ito ang pagtalaga ng mga retiradong militar sa Gabinete. At kasabay ng takot na ito ang pagkakataon na mapahaba ang termino ng mga nasa gobyerno oras na idikta ito ng mangunguna sa baluktot na rebolusyon.

Pangalawa, hindi alam ni Duterte paano maging mabisang presidente. Sabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, alam raw ng pangulo na kakailanganin lamang ang rebolusyon kung labas na sa kapangyarihan ng Konstitusyon ang pagtutuwid sa mga problema sa lipunan. Kung hindi rin naman daw maayos ang mga polisiya, limitado lang ang magagawa niya bilang presidente. Napakalaking kasinungalingan. May kapangyarihan sana si Duterte na magbunsad ng malaking pagbabago kung hindi nito tinalikuran ang inihaing Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms ng National Democratic Front of the Philippines.

Ganito magbaluktot ng kwento ang administrasyon. Ganito nila pinaglalaruan ang mga salita, pati na rin ang nakikita at dinaranas na katotohanan ng milyong Pilipino.

Pero hindi naman dapat mabahalaang mga Pilipino, giit nila. Ayon sa Malacañang, masyadong nakatuon ang presidente at ang gobyerno sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 para intindihin pa itong panawagan para sa rebolusyonaryong gobyerno. Dagdag pa ng tagapagsalitang si Harry Roque, may kalayaan naman ang mga nagtipon sa Clark para maghayag ng mga opinyon nila.

At sa puntong ito dadagdagan pa natin ang mga salita sa diksyonaryo ng mapanupil na estado: Kalayaan, pero para lamang sa mga kaalyado, mga tumulong sa eleksyon, mga “panyero”.

Paliwanag pa ni Panelo isang organisasyon lamang ito. Dumadagundong dapat ang panawagan ng mg tao, at sa ngayon, wala naman silang nakikitang ganito.

Mahina na siguro ang pandinig nito sa libu-libong protesta na inorganisa sa kabila ng limitasyon ng pandemya. Malabo na ang mata sa nagkalat ng mga panawagan para sa hustisya. Pero sige, para sa mahina nilang pandinig at para sa milyong Pilipino:

Tara na’t palakasin pa ang tunay na panawagan sa pagbabago. Bawiin natin ang wika ng kalayaan.

Exit mobile version