Site icon PinoyAbrod.net

Araw ng kababaihan, ginunita

“Wakasan ang imperyalistang pandarambong!” Ito ang panawagan ng humigit kumulang 25,000 kababaihang lumahok sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong nakaraang Marso 8 sa buong bansa. Ayon sa grupong Gabriela, mauugat sa mga dinidiktang patakaran ng mga imperyalistang bansa gaya ng US at China ang kahirapang nararansan ng mga Pilipino.

Tinatayang aabot sa 16 milyong kababaihang Pilipino ang walang seguridad sa kanilang mga kabuhayan dahil sa kasalatan ng oportunidad sa trabaho. Sinasabing aabot sa 7 milyon ang manggagawang kababaihang nakakaranas ng labis na pagsasamantala dahil sa mababang sahod, kontraktuwalisasyon at iba pang mga eskema ng labor flexibilization. Bukod pa rito, talamak din ang hindi ligtas na lugar ng paggawa para sa kababaihan.

Samantala sa kanayunan, siyam sa sampung magsasaka ang nananatiling walang lupa, ayon sa payahag ng Center for Women’s Resources (CWR). Dagdag pa rito, higit pang nakakaranas ng pagsasamantala ang kababaihan dahil nananatiling walang bayad o kulang ang bayad na natatanggap ng mga ito.

“Marami tayong hinaharap na hamon ngayon pero kami ay magpupursige para sa isang lipunang malaya, may pagkapantay-pantay, may hustisya, at may tunay na demokrasya. At lagi, kasama ang kababaihan para maging totoo ang lipunang aming inaasam,” pagtatapos ni Joms Salvador ng Gabriela.

(Kuha nina Cindy Aquino, Peter Joseph Dytioco

(Kuha nina Cindy Aquino, Neil Ambion at Peter Joseph Dytioco)

Exit mobile version