Sabado, Hunyo 17, ng alas-otso y medya ng umaga. Tahimik sa Phase 2, Seabreeze Homes sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City. Bigla, may putukan. “Akala namin, libintador,” kuwento ng isang tagaroon. Tabi-tabi ang mga bahay, rinig na rinig dito kung ano man ang ingay sa kalsada. Napalabas ang mga residente.
Nakita nila: Dalawang lalaki, sakay ng motorsiklo. Ang isa, nakasuot ng helmet. Ang isa, naka-bonnet. Ang huli, nambabaril sa dalawang taong nasa traysikel. Ang isa, lalaking tinedyer, nakahilata na sa kalsada. Ang isa, nakatatandang babae, nakasalampak na sa loob ng traysikel.
Ang mga pinaslang, sina Ryan Hubilla, 22, isang estudyante ng senior high school, at Nelly Bagasala, 69, residente ng Barcelona, Sorsogon, ay mga boluntir ng Karapatan-Sorsogon. Ayon sa naturang grupong pangkarapatang pantao, isa pang kasamahan nina Ryan at Nelly na si Maria Lagadia ang nakatakbo at nakaiwas sa pamamaril. Nakatakas din ang drayber ng traysikel.
“Yung pagbabaril, parang di talaga bubuhayin sila,” kuwento ng isang saksi. Dalawang kanto lang ang layo ng isang estasyon ng pulisya.
Umaayuda sa pagtatanggol
“Sila lang iyung mga nauutusang umasikaso ng mga dokumento (sa mga kaso ng Karapatan).”
Ito ang kuwento ni Joven Laura, abogadong pangkarapatang pantao sa Sorsogon. Aniya, abala sila noon sa pagtulong sa mga abogado at paralegal team na umaasikaso sa pagpapalaya ng tatlong bilanggong pulitikal na sina Carlito de Guzman, Hugo Fuentes at Joan Cuesta na ilegal daw na inaresto sa Sorsogon noong Abril 11.
“Palagi nilang nirereklamo iyung mga motor na sumusunod sa kanila,” kuwento ni Laura. “Nakaranas sila ng surveillance.” Huwebes noon, tatlong araw bago ang pamamaslang, inaasikaso nila ang pagpapalaya sa tatlo. Muli, inireklamo nila ang mga motor at sasakyang sumusunud-sunod sa kanila.
“Nasa traysikel ang dalawa para kunin ang naiwang cellphone ni Ryan sa van na ginamit nila noong naiwan nila ang cellphone ni Ryan noong Biyernes nang tulungan nila ang lumayang tatlong bilanggong pulitikal,” sabi ni Cristina Palabay, pangkalahtang kalihim ng Karapatan.
Inisyal na inulat ng Karaptan-Sorsogon na noong panahong lumaya ang tatlo, pinagsusundan ang nakalayang mga detinido, mga abogado nila at mga miyembro ng grupong paralegal ng “di mabilang na sinususpetsahang military intelligence agents”.
“(Pati) ang drayber ng isa pang van na ginamit ng lumayang mga detinido ay diumano’y kinuha ng sinususpetsahang mga sundalo,” sabi pa ni Palabay.
Katunayan, noong Abril 21, alas-10 ng gabi, binuntutan si Ryan, at tatlo pang kasamahan sa Karapatan-Sorsogon ng isang pick-up na sasakyang kulay-abo at isa pang itim na sasakyan. Walang plaka ang mga sasakyan. Nangyari ito matapos nila samahan ang abogadong si Bart Rayco ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa Albay na bumisita sa mga kliyente niyang nabanggit na mga bilanggong pulitikal sa estasyon ng pulisya sa Brgy. Cabid-an.
Iba pang atake
Samantala, sa Camarines Sur, sa rehiyong Bicol din, isa pang aktibista at tagapagtanggol ng karapatang pantao ang pinaslang – noong Lunes, Hunyo 17, o dalawang araw matapos ang insidente sa Sorsogon City.
Nakasakay sa motor si Nepthali “Nep” Morada, istap sa opisina ni Camarines Sur Vice Gov. Ato Pena at dating kampanyador ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Bicol at Bayan Muna Party-list. Mula Naga City, bumibiyahe siya papunta sa kapitolyo sa Pili, Camarines Sur. Pinagbabaril din si Nep ng di-kilalang armadong kalalakihan.
Matagal nang prominenteng aktibista si Nep. Mula dekada ’90 hanggang 2017, aktibo siya sa Bayan-Bicol, Bayan Muna, Karapatan, at iba pang progresibong grupo. Madalas ding aktibo siya sa mga relief and rehabilitation missions tuwing may sakuna tulad ng bagyo o pagputok ng bulkan saan man sa Bicol sa mahabang panahon. “Basta Bayan-Bicol noon, si Nep ‘yun,” kuwento ng kaibigan ni Nep na tumangging magpakilala.
Taong 2017 nang magtrabaho na siya sa opisina ng bise-gobernador. “Inirereklamo din niya na kahit nasa kapitolyo na siya, lagi pa rin siyang binubuntutan ng militar,” kuwento ng naturang kaibigan.
Samantala, nakaranas din ng sunud-sunod na pamamaslang ang probinsiya ng Masbate. Alas-otso ng gabi ng Hunyo 9 din, pinasok ng mga sundalo ang bahay ng aktibistang si Arnie Espenilla sa Brgy. Lahong, San Fernando, Masbate. Kinabukasan, alas-singko ng hapon, pinasok din ng mga sundalo ang bahay ni Zando Alcovendas sa Brgy. Buenavista at binaril siya. Noong Hunyo 14, si Pizo Cabug naman ng Brgy. Buenavista ang pinasok sa bahay at pinaslang ng mga sundalo.
Ang tatlo’y miyembro ng Masbate People’s Organization.
Maliban pa rito, iniulat naman ng rebolusyonaryong National Democratic Front-Bicol na may mga kasamahan silang hors de combat (o walang kakayahang lumaban) na pinaslang sa mga operasyong militar – sa parehong linggo.
“Sa loob din ng linggong ito, tinortiyur at pinatay ang hors de combat na si Edwin ‘Ka Dupax’ Dematera ng mga militar na nakahuli sa kanya,” pahayag ni Ka Ma. Roja Banua, tagapagsalita ng NDF-Bicol.
Kibit-balikat lang
Matapos umalma ang mga grupong pangkarapatang pantao, tila nagkibit-balikat lang ang pulisya sa sunud-sunod na ekstrahudisyal pamamaslang sa rehiyong Bicol.
Nang tanungin ng midya tungkol sa mga pamamaslang, sinabi ni PNP Director General Oscar Albayalde na kailangan muna raw “siguruhing tunay nga” na mga aktibista at human rights defenders ang mga napaslang.
“Who knows? Baka mamaya tine-take advantage lang din nila (Bayan at Karapatan) ‘yan,” giit ni Albayalde sa isang press conference , “alam niyo na, itong mga ‘to, sinasamantala na lang lahat.”
Nadismaya siyempre ang mga grupong pangkarapatang pantao. Para sa kanila, mistulang inaayawan pa ng PNP na imbestigahan ang naturang mga kaso. Parang kinukuwestiyon pa ni Albayalde kung karapat-dapat na imbestigahan ang kasong ito.
“Sa halip na mag-imbestiga, nakuha pang mang-intriga. Ano ang aasahang hustisya?” kuwestiyon ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, sa kanyang Facebook post.
Kagulat-gulat ba ang reaksiyong ito ng pulisya? Matatadaang sa Memorandum Order No. 32 ni Pangulong Duterte noong Nobyembre 2018, inutusan ng Pangulo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP na pakatan ng karagdagang mga puwersa ang Mindanao, gayundin ang rehiyon ng Eastern Visayas, isla ng Negros, at ang rehiyon ng Bicol, para supilin ang “lawlessness” at insurhensiya roon.
Noong huling bahagi ng 2018 at nitong Marso ngayong taon, sunud-sunod ang pamamaslang sa isla ng Negros sa mga magsasakang miyembro ng progresibong mga grupo. Sa Mindanao, nagpapatuloy ang implementasyon ng batas militar na target ang progresibong kilusan doon. May naiulat ding sunud-sunod na pamamaslang sa Samar sa rehiyon ng Eastern Visayas.
Ipinanawagan ng mga grupong pangkarapatang pantao na magkaisa ang mga mamamayan na kondenahin ang mga pamamaslang at mga atake sa karapatan ng mga mamamayan – mga atakeng sinasabing pinangungunahan ng mga puwersang militar at pulisya ng rehimeng Duterte kontra sa mga mamamayang lumalaban. Noong Hunyo 19, mahigit 5,000 katao ang nagprotesta sa Naga City para kondenahin ang mga pamamaslang.
“Sa lahat ng taong naninindigan para sa kalayaan, tumindig at sama-samang kondenahin ang walang awang pag-atake sa mga aktibista at human rights defenders,” giit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.