Site icon PinoyAbrod.net

Atake sa paggawa sa Pinas, lantad sa mundo

Bago nawalan ng hininga, nasambit pa ni Felipe sa anak kung sino ang bumaril sa kanya: isang intelligence officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kilala ni Felipe ang pumatay sa kanya. Tatlong beses na kasi siyang dinalaw nito para sabihang tumigil na sa pagsama sa mga protesta.

Pinatay si Felipe Dacal-Dacal, 65, lider ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), noong Hulyo 9 sa labas ng kanilang bahay sa Escalante, Negros Occidental. Isa siya sa pinakahuling biktima ng pagpatay sa mga unyonista sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Sa tala ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), umabot na sa 43 ang bilang ng mga unyonista at labor rights advocate na pinatay mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hulyo 23, 2019. Lumalabas na sa tatlong taon pa lang ni Duterte, naitala na nito ang halos kalahati ng 105 unyonistang pinaslang sa siyam na taon ni dating Pang. Gloria Arroyo at lampas naman sa 26 na pinaslang sa anim na taon ni dating Pang. Benigno Aquino III.

Ang datos na ito, kasama ng iba pang datos sa papatinding atake sa kilusang manggagawa sa Pilipinas ay labis na ikinabahala ng mga unyon, pederasyon at samahang manggagawa mula sa iba’t ibang dako ng daigdig.

Sa nagdaang International Labour Conference (ILC), ang taunang pagtitipon ng lahat ng samahang manggagawa sa buong mundo noong Hunyo, nagpasya ang International Labour Organization (ILO) na kagyat na magpadala ng high-level tripartite mission sa Pilipinas.

Ito’y para imbestigahan ang mga isinampang kaso ng pagpatay sa mga unyonista at paglabag sa karapatang pangmanggagawa sa bansa.

Larawan: Kontribusyon

Mga biktima

Pinakamarami sa mga biktima (19) ay mula sa Negros, lima naman ang mula sa Davao, at apat ay mula sa rehiyon ng Caraga sa Mindanao.

Kapansin-pansin na sa mga rehiyong ito rin naitala ang pinakamaraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao mula nang isentro sa mga ito ang kalakhan ng armadong puwersa ng gobyerno sa bisa ng Executive Order No. 70 at Memorandum Circular No. 32 na layunin umanong sugpuin ang insurhensiyang pinangungunahan ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines.

Gayunpaman, lumalabas sa mga kasong naitala ng CTUHR na ang lahat ng biktima ay lehitimong mga unyonista na nasa kasagsagan ng mga pakikibakang unyon. Isa sa tampok na kaso ang pagpatay kay Danny Boy Bautista, board member ng

Nagkaiusang Mamumuo ng Suyapa Farm (Namasufa). Nakilala si Danny Boy bilang isa sa mga nanguna sa welga ng mga manggagawa ng Sumifru noong Oktubre 2018. Ilang araw pagkaputok ng welga, binaril siya ng di-kilalang mga suspek sa palengke ng bayan ng Compostela sa Compostela Valley.

Bago ito, noong Setyembre 18, 2017, pinaslang naman si Reneboy Magayano, tagapangulo ng Maragusan Workers Association, ng pinaghihinalaang miyembro ng 66th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Maragusan, Compostela Valley dahil sa pangunguna nito sa laban ng mga manggagawa sa plantasyon.

Ilang araw matapos ang matagumpay na transport strike, pinagbabaril si Edwin Pura, lider ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa Sorsogon noong madaling araw ng Oktubre 25, 2017 sa Gubat, Sorsogon.

Si Edilberto Miralles naman, dating pangulo ng unyon ng R&E Taxi, binaril sa tapat mismo ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa Banawe, Quezon City noong Septyembre 24, 2016 habang papunta sa hearing ng kanilang kaso.

Isang araw bago ang protesta nila laban sa pagsasara ng palengke, pinatay sa palengke ng Trece Martirez, Cavite sina Merly Valgun at Dorie Mallari, tagapangulo at pangalawang tagapangulo, sa ,magkakasunod, ng Annex Vendors Association – Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Cavite noong gabi ng Oktubre 16, 2016.

Binaril at napatay naman si Leonides “Dennis” Sequena noong Hunyo 2, 2019 sa harap mismo ng kausap niyang mga manggagawa ng Cavite Export Processing Zone (CEPZ), sa General Trias, Cavite. Si Sequena ay pangalawang tagapangulo ng Partido Manggagawa (PM)-Cavite Chapter at ikaapat na nominado ng PM Party-list noong nakaraang eleksiyong 2019.

Sa rehiyon ng Negros, naitala ang pinakamaraming pagpatay ng mga unyonista at lider na manggagawang-bukid sa gitna ng paglakas ng paglaban ng mga ito para sa pagmamay-ari ng mga asyenda at tubuhang kanilang sinasaka.

Si Flora Gemola, residente ng Hacienda Susana at tagapangulo ng NFSW sa Sagay City, pinagsasaksak hanggang mamatay noong Disyembre 21, 2017.

Sa kasagsagan naman ng pangunguna sa pagtatanim ng gulay ng mga manggagawang bukid sa tubuhan na pagmamay-ari ng isang dating alkalde, binaril at napatay si Alexander Ceballos, regional council member at district coordinator ng NFSW sa Negros Occidental noong Enero 20, 2017.

Binaril si Ronald Manlanat ng hindi kilalang kalalakihan habang nagtatrabaho sa tubuhan noong Pebrero 22, 2018 sa Barangay Luna, Sagay City, Negros Occidental. Si Ronald ay kasapi ng NFSW-Hacienda Joefred Chapter.

Pinatay naman noong Hunyo 27, 2018 si Julius Broce Barellano, tagapangulo ng Hacienda Medina Farmworkers Association sa Brgy. Rizal, Murcia, Negros Occidental. Si Barellano ay dati ring koresponsal ng Aksyon Radyo Bacolod at nagtrabaho rin sa Radyo Bandero Sweet FM.

Kasama din sa mga itinala ng CTUHR ang mga manggagawang biktima ng mga masaker sa lugar paggawa gaya ng kaso nina Eglicerio Villegas, Angelipe Arsenal, Paterno Baron, Dodong Laurencio, Morena Mendoza, Marcelina Dumaguit, Bingbing Bantigue, Jomarie Ughayon Jr, at Marchtel Sumicad (Sagay 9).

Mga manggagawang bukid at kasapi ng NFSW sila na pinagbabaril sa kanilang tinutuluyang kubo sa gitna ng tubuhan ng Hacienda Nene, sa Sagay noong Oktubre 20, 2018.

Habang nag-aani naman ng tubo, pinagbabaril ng mga tauhan ng Nico Security Agency sina Jessebel Abayle, Carmelina Amantillo, Consolacion Cadevida, at Felimon Molero noong Pebrero 23, 2018 sa Brgy. Napacao, Siaton, Negros Oriental.

Tampok din sa ulat ng CTUHR ang kaso ni Francisco “Ka Antet” Guevarra, beteranong lider ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor – PLDT (GUTS-PLDT) at kapitan ng barangay Brgy. 106 sa Caloocan City.

Pinaslang siya ng riding-in-tandem matapos tumangging magbigay sa PNP Northern Police District ng listahan ng mga sangkot sa droga sa kanilang barangay. Hindi nagbigay ng listahan si Guevarra dahil una, wala itong alam na adik at pusher sa kanilang lugar at pangalawa, bilang unyonista ay matigas ang posisyon nito laban sa gera kontra-droga ni Duterte.

Pinatay si Guevarra sa kasagsagan ng malawakang patayan ng pinaghihinalaang mga sangkot sa droga sa Caloocan City kung saan naitala ang pinakamaraming bilang ng mga biktima ng giyera kontra droga o Oplan Tokhang ng PNP.

High-level mission

Ang mga nabanggit ay ilan lang sa isinampang mga kaso ng CTUHR at pambansang sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa ILO.

Naging batayan din ng ILO sa kapasyahang magpadala ng high-level mission ang ulat ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang lumalalang paglabag ng karapatang pantao sa Pilipinas sa ilalim ni Duterte. Nakadagdag pa sa pagkabahala ng pandaigdigang samahan ng mga manggagawa ang muli na namang pagkatukoy sa Pilipinas bilang pinakamasahol na bansa para sa karapatang pang manggagawa ayon sa pag-aaral ng International Trade Union Confederation (ITUC).

Tinukoy din ng ITUC ang matitinding mga atake sa kilusang manggagawa sa Pilipinas gaya ng pagpatay, ilegal na pag-aresto at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga organisador at lider unyon, ang marahas na pagbuwag sa mga welga at protesta, red-tagging at terrorist-tagging sa mga unyonista, at pagpapatupad ng mga kontra-manggagawang ba-tas bilang mga direktang paglabag sa mga karapatan sa malayang pag-oorganisa at pamamahayag.

Bilang tugon sa kapasyahan ng ILO na magpadala ng high-level mission sa Pilipinas, pinangunahan naman ng ITUC at iba pang mga Global Union Federations (GUF) gaya ng IndustriAll, Union Network International Global Union, Public Service International, International Transport Workers’ Federation, Education International at International Union of Food, Agricultural, Hotel, Restaurant, Catering, Tobacco and Allied Workers’ Association ang pagpapadala sa bansa ng mga kinatawan para maglunsad ng paunang imbestigasyon bago ang high- level mission noong Hulyo 2019.

Bagama’t wala pang inilalabas na ulat ang mga kinatawan ng GUF sa kanilang paunang imbestigasyon, mariin nang pinabulaanan ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasabing mga kaso.

Ayon sa DOLE, lima lang ang kasong may kinalaman sa gawaing unyon habang ang iba sa 43 kaso ay “isolated” (walang koneksiyon sa isa’t isa) lang at walang kinalaman sa gawaing pang-unyon ng mga biktima. Nagpahayag na rin ang Malakanyang na hindi ito papayag na makapasok sa bansa ang mga kinatawan ng ILO para mag-imbestiga sa mga kaso ng pagpatay sa mga unyonista at sinabing ang mga kaso ay pawang gawa-gawa lang para siraan si Duterte.

Gayunpaman, malinaw sa mga datos ng CTUHR at sa pag-iikot ng mga kinatawan ng mga GUF na may matibay na batayan para iturong ang mga pagpatay at paglabag sa karapatang pangmanggagawa sa bansa ay “state-sponsored” o pinangungunahan mismo ng gobyerno sa pamamagitan ng armadong puwersa nito.

Huling nagpadala ng high-level mission ang ILO sa Pilipinas noong 2008 sa kasag-sagan ng pagpatay sa mga uniyonista at lider manggagawa sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ni dating Pangulong Arroyo.

Pandaigdigang pagkondena

Samantala, muli namang lumakas ang panawagan ng mga manggagawa sa iba’t ibang dako ng daigdig sa rehimeng Duterte na payagang makapasok ang ILO High-Level Mission matapos ang ginawang reyd sa mga tanggapan ng KMU at NFSW sa Negros noong Oktubre 31.

Ayon kay Sharan Burrow, pangkalahatang kalihim ng ITUC, “Sa tabing ng paglaban sa kriminalidad, pinupuntirya ng gobyernong ito ang mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao at pangmanggagawa bilang bahagi ng pampulitikang estratehiya nitong nakasandig sa panunupil sa karapatan at kalayaan ng mga mamamayan.” (“Under the cover of being tough on crime, this government is targeting human and trade union rights defenders as part of a deliberate political strategy that relies on the suppression of people’s rights and freedoms.”)

Dagdag pa ng ITUC, sa kabila umano ng patuloy na pagtanggi ng gobyerno ng Pilipinas na papasukin sa bansa ang ILO mission ay wala namang pakundangang nagpapatuloy ang karahasan laban sa mga aktibista.

Samantala, nakatakda namang pangunahan ng ITUC at iba pang mga GUF ang isang Global Day of Action ng mga manggagawa sa iba’t ibang bahagi ng daigdig laban sa nagaganap na mga atake ni Duterte sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino sa Disyembre.

Nagsalita na rin ang nangungunang kandidatong Democrat sa pagkapresidente sa US na si Sen. Bernie Sanders. Sa kanyang Tweet kasabay ang link ng pahayag ng ITUC, kinondena ni Sanders ang lumalalang paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa Pilipinas.

Ayon kay Burrow, hindi umano ito palalampasin ng pandaigdigang kapatiran ng mga unyon. Nanawagan din ang ITUC sa rehimeng Duterte na itigil ang pagpatay at panunupil sa mga unyonista at payagan nang pumasok sa bansa ang ILO High-Level Mission para kagyat na imbestigahan ang kasalukuyang sitwasyon.


Featured image: Likhang sining ni Renz Lee (2017, ‘Down with Imperialism, Fight Fascism, Resistance is not Futile’)
Exit mobile version