Mula nang maging pangulo si Rodrigo Duterte noong Hunyo 2016, naging mas madalas at tampok na usapin ang paglabag ng China sa teritoryo at yamang dagat ng Pilipinas. Umani ng malawak na pansin at galit ng mga mamamayan ang mga paglabag na ito. Lalo pang nakadagdag sa pansin at galit ang mga pahayag ng rehimeng Duterte, na tahasang nagtatanggol sa China at tumatalikod sa pagtatanggol sa ating teritoryo at yamang-dagat.
Paglilinaw sa mga salitang ginagamit: tinutukoy ng “teritoryo” ang mga isla at kalupaan na kapwa inaangkin ng Pilipinas at China. Mula sa ating punto-de-bista, sa Pilipinas ang mga ito, saklaw ng soberanya ng bansa. Tinutukoy naman ng “yamang-dagat” ang mga bahagi ng karagatan na saklaw ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas. Sa mga ito, may eksklusibong karapatan ang Pilipinas na makinabang sa yamang-dagat, bagamat hindi ito makakapagpataw ng mga patakaran sa paglalakbay o iba pang aktibidad dito. Saklaw naman ito ng hurisdiksiyon ng ating bansa.
May pangangailangang tipunin at talakayin ang mga impormasyon hinggil sa mga paglabag na ito ng China, isiwalat ang mga sanhi nila, at ilinaw ang marapat na tindig at panawagan ng mga mamamayang Pilipino.
(1) Ano ang pinakahuling tampok na insidente ng paglabag ng China sa teritoryo at yamang-dagat ng Pilipinas?
Nitong Hunyo 9, 2019, sa West Philippine Sea, partikular sa bahaging kung tawagin ay Recto Bank, binangga ng Yuemaobinyu 42212, isang trawler (pleasure boat o barkong panlibangan) ng China ang F/B Gemvir 1, isang malaking bangkang pangisda, na naglalaman ng 22 mangingisdang Pilipino na residente ng Occidental Mindoro.
Dahil sa pagbangga, nasira at lumubog ang bangka. Habang lumulubog, binalikan ito ng barko, tila tiniyak na palubog, at iniwan. Muntikan nang malunod at mamatay ang mga mangingisda. Mabuti na lang at may mga mangingisdang Vietnamese na nasa lugar at nagligtas sa kanila. Bantog na ngayon ang sinabi ng mga mangingisdang Vietnamese, na hindi marunong mag-Ingles o mag-Filipino: “Philippines. Vietnam. Friends.”
Ang Recto Bank ay matatagpuan sa hilagang silangan ng Spratly Islands at malapit sa probinsiya ng Palawan. Bahagi ito ng West Philippine Sea na ang kalakha’y inaangkin ng China na bahagi ng teritoryo nito. Malinaw naman sa Pilipinas na saklaw ito ng territorial waters o teritoryong katubigan ng bansa at sa gayon ay nasa ilalim ng ating hurisdiksiyon.
Sa hatol ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, The Netherlands noong Hulyo 12, 2016, bahagi ang Recto Bank ng EEZ ng bansa. EEZ ang buong katubigan sa loob ng 200 nautical miles mula sa pampang ng teritoryo ng bansa. Kapag sinabing EEZ, may espesyal na karapatan ang isang bansa na alamin, linangin at gamitin ang mga yamang marino, kasama na ang enerhiya mula sa tubig at hangin dito.
Noong 2013, nagsampa ng kaso ang gobyerno ng Pilipinas sa PCA laban sa kaliwa’t kanang paglabag ng China sa teritoryo at yamang dagat ng bansa. Ang batayan ng China, ang tinatawag nitong “nine-dash line” na batay sa isang mapa noong 1947 at sumasaklaw sa halos 85 porsiyento ng West Philippine Sea. Ayon sa PCA, walang batayang legal o historikal ang pag-angkin dito ng China. Absurdo ang “nine-dash line”: ang Scarborough Shoal ay 120 nautical miles ang layo sa Zambales habang 500 nautical miles ang layo sa China. Kung gagamitin ang lohika nito, puwedeng angkinin umano ng bansang Italya ang buong kontinente ng Europa.
Sang-ayon ang konsepto ng EEZ sa United Nations Convention of the Laws of the Sea (UNCLOS) na pinirmahan noong 1994 ng 120 bansa kasama ang China. Pero simula’t sapul, hindi kinilala ng China ang PCA.
Ayon sa Konstitusyong 1987, partikular sa Artikulo XII, Seksiyon 2: “Poprotektahan ng Estado ang yamang dagat ng bansa sa mga katubigan ng arkipelago, katubigang teritoryal, at exclusive economic zone, at irereserba ang paggamit at pakinabang nito eksklusibo para sa mga mamamayang Pilipino.”
Sa kabila ng sinapit ng mga mangingisda, ng malinaw na isinasaad ng batas pandaigdig at Konstitusyon, at ng malawak na pagkondena at protesta, minaliit ng rehimeng Duterte ang nangyari, at tinawag itong “simpleng aksidenteng pandagat” – tulad ng sinabi ng gobyerno ng China bago nagsalita si Duterte. Bago nito, kinukuwestiyon ng mga tagapagsalita ng rehimen ang katotohanan ng kuwento ng mismong mga mangingisdang Pilipino.
Hindi nagtagal, sinuhulan at tinakot ng rehimen ang mga mangingisda para patahimikin tungkol sa nangyari. Hindi nga lang pagpapatahimik ang ginawa, itinulak pa silang humingi ng paumanhin kay Duterte para sa pagkukuwento ng nangyari.
Pinapalutang ng rehimen na dalawa lang ang pagpipilian ng Pilipinas – ang giyerahin ang China o maging sunudsunuran dito. Pinagtakpan nito ang posibilidad ng mapayapang paggigiit ng ating teritoryo at yamang dagat sa China. Sa dulo, sinabi nitong puwedeng mangisda ang China sa katubigan ng Pilipinas dahil “kaibigan” ang naturang bansa.
Sa panig ng China, noong una, sinabi nitong inaatake ang bangkang pangisda nito ng walong barkong pangisda ng Pilipinas. Pero pinasinungalingan ito ng mga larawang kuha ng satellite sa lugar sa panahong iyon.
Pagkatapos, nagpahayag ito ng pakikiramay sa mga mangingisdang nasiraan ng bangka at muntik malunod at nagpanukala ng magkasamang imbestigasyon ng Pilipinas at China sa insidente. Agad naman itong sinang-ayunan ng rehimeng Duterte. Tinutulan ito ng mga kritiko dahil malinaw na naganap ang insidente sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Ang gayong imbestigasyon, anila, ay isa na namang pagsuko sa kontrol ng Pilipinas sa sariling teritoryo at yamang dagat.
(2) Anu-ano ang paglabag ng China sa teritoryo at yamang dagat ng Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Duterte?
Pinakahuli lang ang nangyari sa Recto Bank sa maraming insidente ng arogante at agresibong pagangkin ng China sa halos buong West Philippine Sea – kasama ang Spratly Islands, Scarborough Shoal, at Paracel Islands na teritoryo ng Pilipinas, gayundin ang saklaw na yamang-dagat ng bansa. Matagal nang ginagawa ng China ang iba’t ibang hakbangin para angkinin ang mga teritoryo at yamang dagat ng Pilipinas sa lugar.
Sa panahong 2011-2015, narito ang mga paglabag ng China sa teritoryo at yamang dagat ng Pilipinas:
- pagtataboy sa mga mangingisdang Pilipino (sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril at water cannon),
- pagtatayo ng mga istrukturang militar,
- pagpasok ng mga bangka at barkong pangisda,
- pagkuha ng endangered species,
- pagharang sa mga sasakyang Pilipino na makapasok sa Scarborough Shoal,
- pagpapalayas sa mga barkong Pilipino,
- pagharang sa mga barko ng gobyerno na maghahatid ng rekurso sa puwestong militar ng Pilipinas,
- pagbabantang banggain ang isang barko ng Pilipinas,
- pagpapataw ng patakaran tungkol sa fishing permit,
- pagtatayo ng paliparan sa Johnson Reef,
- pagtatayo ng 3,125 metrong paliparan sa Fiery Cross (Kagitingan) Reef,
- pagtatayo ng daungan ng mga submarine sa Mischief (Panganiban) Reef, at
- paglulunsad ng taunang war drills.
Isa sa pinakatampok na insidente noon ang standoff o girian sa pagitan ng navy ng Pilipinas at China simula noong Abril 11, 2012 at tumagal nang tatlong buwan. Matapos makakita ng mga sasakyang pangisda ng China sa Scarborough Shoal, idineploy ng Philippine Navy ang BRP Gregorio del Pilar, ang pinakamalaking barkong pandigma ng bansa. Nagpadala naman ang China ng mga barkong paniktik para balaan ang Philippine Navy na umalis sa lugar.
Ang nangyari, namagitan ang US at nagtulak ng kasunduan na aalis pareho ang Pilipinas at China sa lugar. Umalis ang Pilipinas, pero hindi ang China. Mas malala, nagdala ito ng mga barkong pandigma. Nobyembre 2012, naglabas ang China ng bagong e-passport na naglalaman ng larawan ng “nine-dash line,” patunay ng paggigiit nito.
Simula naman 2016, partikular nang maging pangulo si Duterte, narito ang mga paglabag ng China sa teritoryo at yamang-dagat ng Pilipinas: pangha-harass ng coast guard ng China sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal, pagharang sa bukana ng Scarborough Shoal para hadlangan ang pagpasok dito, pagpapatrolya ng coast guard ng China sa naturang shoal, pagtugis-pagpapalayas sa mga mangingisdang Pilipino sa Union Banks matapos magpaputok ng baril sa ere, paglalagay ng mga eroplanong pambomba sa Woody Island na parte ng Paracel Islands (pinakamalaking base ng China sa West Philippine Sea at saklaw ng target ang buong Pilipinas), pag-agaw sa huling isda ng mga mangingisdang Pilipino, paghadlang sa midya ng Pilipinas na kumuha ng footage sa Panatag Shoal, at paglalagak ng mga barkong pandigma.
Noong Enero 2018, nagsimula ang epektibidad ng permit na ibinigay ng rehimeng Duterte sa China para magsaliksik sa kanlurang dalampasigan ng bansa, kasama ang Benham Rise. Umabante pa ang China sa pagbibigay ng pangalang Tsino sa mga bahagi ng Benham Rise. Noong Pebrero 2018, nalathala ang mga larawan na nagpapakitang nagsasagawa ng reklamasyon ang China sa West Philippine Sea. Nagtayo ito ng artipisyal na mga isla sa ibabaw ng mga bahura sa Spratly Islands kung saan may mga nakalagak nang base ng mga sasakyang panghimpapawid, mga pasilidad pandagat, at mga kagamitang pangkomunikasyon. Nangyari ito sa kabila ng pangako ng China na hindi ito magsasagawa ng reklamasyon sa naturang lugar. Paglaon, napabalitang mayroon na ring missiles ng China sa naturang lugar.
Noong Abril 2018, nagpanukala si Duterte ng hatiang 60-40 sa mga makukuhang rekurso mula sa pinagsamang eksplorasyon ng West Philippine Sea. Ayon sa mga kritiko, pagsuko ito sa tagumpay na nakamit ng Pilipinas sa PCA noong 2016. Hulyo 2018, dumaong sa Davao City ang barkong pansaliksik na Yuan Wang 3, ginagamit para subaybayan at suportahan ang mga satellite at intercontinental ballistic missiles ng China.
Nitong Enero 2019, may nakitang 657 sasakyang Tsino, pinaghihinalaang kabilang sa People’s Liberation Army Maritime Militia Forces, ang nakita ng militar ng Pilipinas.
Sinasabi namang 275 sasakyan na may makabagong electronic communication at posibleng armado ang pumalibot sa Pag-asa Island, parte ng Spratlys.
Kaiba sa mga bansang naggigiit ng kontrol sa mga teritoryong pinag-aagawan – tulad ng Pilipinas, Vietnam, Taiwan, Malaysia at Brunei – hindi naghapag ng petisyon ang China sa International Tribunal for the Laws of the Sea o Itlos. Para sa pagangkin nito, ginagamit nito ang armadong lakas nito, ang People’s Liberation Army Navy.
Ayon sa mga eksperto, maliban noong Mayo 1988, kung kailan inagaw ng China ang anim na isla sa Spratlys at pumatay ng 72 mandaragat ng Vietnam, gumagamit ang China ng mga taktikang hindi hayagan para igiit ang pag-angkin nito sa mga teritoryo: mapanindak na mga maniobra sa ere at dagat, kiskisan, at pagkuyog ng mga sasakyang pandagat para harangan ang mga dadaan sa teritoryong inaangkin.
Noong Hunyo 2012, itinayo ng China ang Sansha, isang lungsod na sumasaklaw sa Spratly Islands, Paracel Islands, at Macclesfield Bank, na kinabibilangan ng Scarborough Shoal. Ang tawag nito sa naturang mga lugar ay Nansha, Xisha at Zhongsha.
Nitong mga nakaraang taon, pinalaki ng China ang puwersang milisya at paramilitar nito na lumilibot sa mga pinagtatalunang bahagi ng dagat. Ang naturang puwersang milisya ay nakakatanggap ng subsidyo sa gasolina at batayang pagsasanay-militar mula sa gobyerno. Nangako rin sa kanila ang gobyerno ng China ng suporta kapag humarap sa komprontasyon sa mga sasakyang pandagat ng ibang bansa. Ayon sa gobyerno ng China, “ekstensiyon” sila ng PLA Navy.
Gumagamit din ng panlalansi ang China sa mga layunin nito. Noong 2015, nangako si Xi Jinping, presidente ng China, kay Barack Obama, presidente ng US, na hindi magmimilitarisa sa South China Sea. Pero noong Hunyo 2018, nang makapagtayo na ito ng mga base-militar sa lugar, pinanindigan na nito ang hakbangin.
Pahayag ni Xi noong 2016: “Ang mga isla at bahura sa South China Sea ay mga teritoryo ng China simula pa sinaunang panahon… Ipinamana sa China ng aming mga ninuno. Hindi papayagan ng sambayanang Tsino ang sinuman na makialam sa soberanya at kaugnay na karapatan at interes ng China sa South China Sea.”
Babala ng mga eksperto, plano ng China na magtayo ng “exclusion zone” sa naturang bahagi ng karagatan: may hadlang sa kalayaan sa paglalayag (freedom of navigation) at maging sa paglipad sa ere ng mga ito.
(3) Ano ang naging tugon ng rehimeng Duterte sa naturang mga paglabag?
Makikita sa naging tugon sa insidente sa Recto Bank ang laging tugon ng rehimeng Duterte: pangmamaliit sa insidente, pagtatanggol sa China, pagkontra’t pagpapatahimik sa mga tumutuligsa. Anu’t anuman, hindi ito gumagawa ng paraan para mapayapang igiit ang ating teritoryo at yamang dagat.
Halimbawa, nang minsang mapabalita ang pagkuha ng Chinese Coast Guard sa mga huling isda ng mga Pilipinong mangingisda, pilit ang sabi mismo ni Duterte: barter raw ito sa pagitan ng dalawang panig. Sabi naman minsan ni Salvador Panelo, tagapagsalita ng pangulo kaugnay ng isa na namang napabalitang paglabag: “Ang tanong ko naman sa ‘yo, may magagawa ba tayo eh sila ang may control as of now ‘di ba? Mayroon silang puwersa doon.” At marami pang iba.
Pana-panahon lang ito napupuwersang magpahayag ng pabalat-bungang pagkondena kapag malakas ang pagtutol at protesta. Nagsasalita rin ito kontra sa China kapag napapabalita ang panghaharas ng mga puwersang pandagat ng China sa mismong mga puwersang pandagat ng Pilipinas – kung saan tuluy-tuloy na nagpapalakas si Duterte. Kapansin-pansin ding naganap ang mga pahayag na ito bago ang eleksiyong 2019, sa pangamba ng rehimen na maging isyung pang-eleksiyon ang pagkapapet nito sa China at ikatalo ng mga kandidato nito.
Pilit pinapalabas ng rehimen na ang tanging magagawa ng Pilipinas ay ang pumili sa pagitan ng paglulunsad ng giyera o pananahimik. Sa dahilang hindi kaya ang una, ang gusto nito ay tanggapin na lang natin ang paglabag ng China sa ating teritoryo at karagatan.
Hindi rin iginigiit ni Duterte sa kahit saang larangan ang mahalagang desisyon ng PCA noong 2016. Sa halip, tuluy-tuloy niya itong minamaliit at tinatangkang ikutan sa pamamagitan ng iba’t ibang panukalang kasunduan at hakbangin kasama ang China.
Katunayan, kahit sa antas ng Association of Southeast Asian Nations o Asean, tutol si Duterte sa paggawa ng kolektibong tindig laban sa militarisasyon ng China sa South China Sea.
Matatandaang sumikat si Duterte dahil sa pangako niya noong eleksiyong 2016 sa isang debate sa telebisyon: sasakay siya ng jet ski, itatarak ang watawat ng Pilipinas sa mga teritoryong inaangkin ng China, at handang mamatay para rito. Noong Marso 2018, nang hamunin siyang isakatuparan ang pangako, sinabi niyang isa na naman ito sa kanyang mga biro.
Kung matatandaan, noong eleksiyong iyon din, nagbanta siya sa mga unyonista. Aniya, hahayaan niya ang China na magtayo ng mga lungsod sa mga isla ng bansa. Banta niya, kapag nag-unyon dito ang mga manggagawa – at pinangalanan niya ang Kilusang Mayo Uno – ay papatayin niya sila.
Nang maging pangulo, nagdeklara si Duterte ng “independiyenteng patakarang panlabas,” na ang kahulugan lang ay pagiging sunud-sunuran din sa China bukod sa US. Hindi kataka-takang kasabay ito ng deklarasyon niya ng “Pivot to China” ng Pilipinas.
Mula rito, sunud-sunod nang pahayag ang ginawa niya para papurihan ang China at palabasing sunud-sunuran dito ang Pilipinas. Pebrero 2018: “Kung gusto ninyo, gawin na lang ninyo kaming probinsiya.” Abril 2018: “Kailangan ko ang China.” Mayo 2018: “Nakakahikayat ang mga pangako ni Xi Jinping… ‘Hindi kami papayag na matanggal ka sa puwesto, at hindi kami papayag na magkagulo sa Pilipinas’.” At marami pang iba.
(4) Bakit nilalabag ng China ang teritoryo at yamang-dagat ng Pilipinas?
Sa kagyat, iisiping dahil iginigiit nito ang pag-angkin sa teritoryo at yamang dagat na itinuturing nitong saklaw nito. Pero ang totoo, dahil isa na itong kapangyarihang imperyalista sa daigdig, na nangangailangan ng kontrol sa paparaming likas na yaman at bagong saklaw na teritoryo.
Maraming yamang natural ang matatagpuan sa West Philippine Sea: 11- Bg bariles ng langis, 190 trilyong talampakan ng natural gas, at 10 porsiyento ng yamang pampangisdaan ng daigdig. Partikular sa Recto Bank, halimbawa, kapag hindi nalinang ang enerhiya mula rito sa loob ng 8-10 taon, mapuputol ang suplay ng enerhiya sa Luzon, at magkakaroon ng mga brownout tulad noong dekada 1990.
Gusto rin nitong magpakita ng lakas sa mga rehiyong malapit sa kanya – lalo na sa itinuturing na mahalagang lugar gaya ng Timog Silangang Asya. Bukod sa mahalagang ruta ng kalakalan at transportasyon ang West Philippine Sea at ang China Sea, lugar din ito para igiit ang lumalakas na kapangyarihan laban sa nangungunang imperyalistang kapangyarihan sa daigdig, ang US. Sangkatlo (1/3) ng pandaigdigang kalakalan ang dumadaan sa West Philippine Sea, nagkakahalaga ng tinatayang $5 Trilyon. Umaabot sa 2.2-Bg konsiyumer ang nakikinabang sa kalakalang dumadaan dito, malaking bahagi kung ikukumpara sa 7.6-Bg populasyon ng daigdig noong 2017. Sinasabing kapag naangkin ng China ang mga teritoryong inaangkin din ng Pilipinas, magkakaroon ito ng batayan na mang-angkin pa ng karugtong na mga lugar. At kapag nagawa ng China ang pagkontrol sa lugar, sinasabing lalong mapapahina nito ang kontrol ng US sa tinatawag na Pacific Rim.
Sa maraming bansa sa mundo, ginagamit ng China ang pagpapautang para makontrol ang mga yamang-likas, teritoryo at ekonomiya ng iba’t ibang bansa. Sa balangkas ito ng higanteng proyektong pangimprastruktura nito na Belt and Road Initiative. Ang problema, maraming bansa ang hindi makabayad sa pautang, at bilang kolateral, kinukuha ng China ang kanilang mga likas na yaman at mahahalagang ari-arian.
Ito ang tinatawag ngayong “debt trap diplomacy.” Binigyan ng Sri Lanka ang China ng 99-taong lease sa estratehikong Hambatota Port matapos nitong mabigong magbayad ng utang. Ganito rin ang panganib na mangyari sa Mombasa, sikat na lungsod sa tabing-dagat sa Kenya, kung saan gumawa ang China ng US $3.8-Bilyong riles ng tren. Pumayag naman ang Djibouti ang paggawa ng unang base militar ng China sa labas ng bansa dahil sa napakalaking utang nito sa China. Sa pamamagitan ng ganitong hakbangin, napapalawak ng China ang kontrol nito sa daigdig, at napapasunod ang gobyerno ng maraming bansa – patunay at halimbawa ng neokolonyalismo. Sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Duterte, sinasabing kapalit ng pautang ang teritoryo at yamang dagat ng bansa – kahit pa marami pang teritoryo at likas na yaman ang puwedeng makuha ng China kapag hindi nakabayad ang bansa sa mga pautang nito.
Kung matatandaan, isang bansang sosyalista ang China simula 1949, nang magtagumpay ang rebolusyon ng sambayanang Tsino. Sa panahong ito, naglabas ang China ng mapa ng teritoryo nito na gumagalang sa pagangkin ng iba’t ibang bansa sa mga teritoryong inaangkin din ng China. Malinaw sa panahong ito ang pagrespeto ng China sa pambansang kalayaan at soberanya ng iba’t ibang bansa.
Nang mamatay si Mao Zedong, sosyalistang lider ng China, noong 1976, gayunman, nanumbalik sa kapangyarihan ang bagong burgesya na nagpapanggap na sosyalista – ang mga modernong rebisyunista – sa pamumuno ni Deng Xiaoping. Sa panahong ito, binaligtad ang mga patakarang sosyalista ni Mao at pinapasok ang mga hakbanging kapitalista sa China – na lalo pang bumilis simula dekada 1990.
Sa kabila nito, tinanganan ng China ang soberanya nito: pinapasok ang dayuhang pamumuhunan at kapital pero pinalakas ang sariling ekonomiya. Panandang-bato ang taong 2005 sa paglakas ng China, kung kailan sinimulan nitong imanupaktura ang mga produktong dati nitong inaangkat.
Sa ilalim ng kasalukuyang lider nitong si Xi Jinping, na naging pangunahing lider noong 2012 at nagtulak ng Belt and Road Initiative at Maritime Silk Road noong 2013, tumatanaw ang China ng mas malaking papel sa ekonomiya at pulitika ng daigdig. Patuloy na lumalalim ang ugnayan nito sa mga bansa sa Asya, Aprika at Latina Amerika.
Sa Timog Silangang Asya, pinapalakas nito ang kapangyarihan laban sa pagtutol ng Vietnam at Malaysia. Mayroon ito ngayong maingay na alyado sa rehimeng Duterte ng Pilipinas. Kung hindi lalabanan, magpapatuloy ang China sa kasalukuyang direksiyon nito ng pag-angkin sa teritoryo at yamang-dagat ng bansa.
(5) Bakit tiklop ang rehimeng Duterte sa mga paglabag ng China sa teritoryo at yamang dagat ng Pilipinas?
Sinasabing nasa isang “ginintuang panahon” ngayon ang ugnayang Pilipinas-China dahil sa rehimeng Duterte – kahit pa nananatiling tuta rin ito ng US.
Dahil sunud-sunuran ito sa China, kasabwat sa mga hakbangin nito sa pulitika at ekonomiya ng bansa, at tumatanggap ng premyong kurakot at suhol.
Ekonomiya. Noong 2016, nag-uwi si Duterte ng US $24- B na pautang at pangakong pamumuhunan mula sa China para sa mga proyektong pangimprastruktura. Sa 75 proyekto sa programang “Build, Build, Build” ni Duterte, kalahati ang nakalaan sa pautang, tulong at puhunang Tsino.
Sa unang bahagi ng 2017, sumirit agad ang angkat ng Pilipinas mula sa China nang 26 porsiyento, lampas-lampas sa paglago ng angkat ng China mula Pilipinas na lumago lang nang 9.8 porsiyento. Habang lumago nang husto ang pamumuhunan ng China sa parehong panahon: US $181-Milyon sa unang walong buwan ng 2018, kumpara sa US $28.8-M sa buong 2017. Kaakibat ng mga hakbanging ito ang paglakas ng kontrol at paglaki ng pakinabang ng China sa ekonomiya ng bansa.
Pinapalabas ng rehimen na makakatulong sa Pilipinas ang mga pautang ng China, pero may interes ito na dalawa hanggang tatlong (2- 3) porsiyento, habang ang sa Japan ay 0.25 hanggang 0.75 porsiyento lang. Ibig sabihin, mahal na pautang. Ang sagot ng rehimen, mas madaling maglabas ng pera ang China – bukas samakatwid sa suhulankatiwalian at sabwatan. Ang masama pa, rekisito ng mga pautang ang paglahok ng mga Tsinong kontraktor sa mga proyekto.
Ang naunang pangulo na pumasok sa mga kontrata sa China ay si Gloria Macapagal-Arroyo – na siya ring itinuturing na arkitekto ng relasyong China-Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa panahon niya lumabas ang katiwalian sa proyektong NBN-ZTE, na nagkakahalaga ng US $329-M. Sa panahon din niya naganap ang proyektong Northrail na kung hindi naayos ang obligasyon ng bansa ay magbabayad ang Pilipinas ng US $100-M pataas. Sa ngayon, may tatlong proyektong priyoridad sa pagpopondo ng China: Chico River Pump Irrigation Project (US $60-M), New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project, at ang North-South Railway Project-South Line. Lahat nang ito, magpapalayas ng mga nakatirang katutubo at maralita, at sisira sa kalikasan ng bansa.
Kaalinsabay nito, pinayagan ni Duterte ang maramihang pagpasok ng mga ilegal na manggagawang Chinese sa Pilipinas, gayundin ng online gambling casino at online gaming. Papasok din ang isang kompanyang Chinese sa sektor ng telekomunikasyon sa bansa. Pulitika. Suportado ng China ang madugong “giyera kontra-droga” ng rehimeng Duterte. Nanawagan pa ito sa ibang bansa na suportahan din ang naturang kampanya. Nagpondo ito ng mga drug rehabilitation center, pampabango sa esensya ng kampanya na patayin ang mga pinaghihinalaang adik at tulak ng bawal na droga.
Kahit ang giyera ni Duterte sa Marawi, suportado ng China. Nagbigay ito ng libulibong armas na nagkakahalaga ng US $7.35-M para umano labanan ang mga terorista. Nagsusuportahan din si Duterte at ang China sa paggigiit sa prinsipyo ng “non-interference” o hindi pakikialam ng mga Kanluraning kapangyarihan sa mga isyu sa Asya – halimbawa sa United Nation Human Rights Council. Makikinabang ang China rito dahil gusto nitong maigiit sa pamamagitan ng lakas ang kontrol nito sa maraming bahagi ng Asya. Makikinabang si Duterte rito dahil gusto niyang makaligtas sa imbestigasyon at pagpaparusa sa kanyang madugong rekord sa karapatang pantao.
Premyo sa porma ng suhol at kurakot. Pakinabang ng pamilya Duterte at mga kroni sa komisyon mula sa mga pautang ng China na mataas ang interes at mga proyektong pang-imprastruktura na overpriced. Nakikinabang din sila sa malawakang smuggling at distribusyon ng ilegal na droga ng mga sindikatong kriminal na Chinese. Kapansin-pansing libu-libong maralita na ang pinatay sa “giyera kontra-droga” pero wala pang malaking druglord ang napapanagot.
(6) Ano ang tugon ng US sa harap ng lahat ng ito? Makakasandig ba tayo rito para tulungan tayo sa ginagawa ng China?
Makikita ang tugon ng US sa mga paglabag ng China sa teritoryo at yamang-dagat ng Pilipinas sa naging tugon nito sa insidente sa Recto Bank.
Nag-ingay ang US at nagbanta ng interbensiyong militar. Ayon mismo kay US Secretary of State Mike Pompeo, ang insidente’y puwedeng magtulak ng paggamit sa Mutual Defense Treaty ng 1951. Inanunsiyo rin nito ang pagpapalaot ng USS Stratton, isang US Coast Guard cutter, para umano protektahan ang teritoryo ng Pilipinas. Sabi naman ni Sung Kim, embahador ng US sa Pilipinas, na ang pag-atake ng mga milisyang dagat ng China ay puwedeng maghudyat ng interbensiyong militar ng US.
Sa madaling salita, sinasamanatala ng US ang mga paglabag ng China para palakihin ang presensiyang militar nito sa Pilipinas at sa West Philippine Sea. Katunayan, naganap nito lang ang mga pinakamalaking pagsasanay-militar sa pagitan ng US at Pilipinas.
Sa kabilang banda, taliwas sa sinasabi at pag-asa ng mga maka-US sa bansa, hindi naman makapagsabi ang US na ipaglalaban at poprotektahan nito ang interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Dahil ang totoo, bagamat umiigting ang girian ng US at China, hindi pa hinog ang kalagayan para magdigmaan ang mga ito – lalo na para sa interes ng isang bansang mahirap katulad ng Pilipinas.
Ni hindi rin mabangga nang direkta ng US ang mga hakbanging maka-China ni Duterte. Ang ginagawa nito, pinagsasalita ang mga opisyal-militar at pamunuan ng Department of National Defense na mas matapat dito kaysa sa China laban sa mga hakbangin ng China at mga hakbangin ni Duterte na maka-China.
Katunayan, nakikipagmabutihan ang gobyerno ni Donald Trump sa rehimeng Duterte. Makikita ito sa pagpuri mismo ni Trump sa madugong “giyera kontra droga” ni Duterte.
Sa panig naman ni Duterte, pinapanatili niya ang mga kasunduan at patakarang pabor sa imperyalismong US sa Pilipinas. Para ito mapanatiling masaya ang kanyang among US, at para mapanatili ang suporta ng pamunuan ng militar na malinaw na maka-US. Kilala si Duterte sa pagligaw sa militar para mapanatili ang suporta sa kanyang paghahari.
Ibig sabihin, hindi makakaasa ang sambayanang Pilipino sa imperyalismong US na ipagtanggol ang Pilipinas laban sa China. Parehong ang gusto ng US at China ay palakihin ang kanilang presensiyang militar sa Pilipinas at West Philippine Sea – sa kapinsalaan ng teritoryo, yamang-dagat at soberanya ng Pilipinas.
(7) Ano ang dapat tindig nating mga Pilipino sa paglabag ng China sa ating teritoryo at yamang-dagat?
(a) Ang tindig ng sambayanang Pilipino, ay para sa tunay na pambansang kalayaan, soberanya sa ating mga teritoryo, at hudikatura sa ating mga yamang-dagat. Ipaglalaban ito sa sinumang lumalabag dito, China man o US. Ipaglalaban ito sa rehimeng Duterte na sunudsunuran sa naturang mga dayuhang kapangyarihan.
(b) Tutol tayo sa paglabag ng China sa ating teritoryo at yamang-dagat. Napakaraming puwede at dapat nating gawin para maipahayag ang ating pagtutol, hindi kailangan ang giyera. Pabor tayo sa paggamit ng lahat ng mapayapang paraan para ipaglaban ang ating teritoryo at yamang dagat.
(c) Partikular sa nangyari sa Recto Bank, dapat malakas na magpahayag ang gobyerno ng pagkondena, at maggiit ng kompensasyon at kaparusahan para sa mga nagpalubog sa bangkang Pilipino. Ganito rin ang dapat na mga hakbangin nito sa mga katulad na insidente na tiyak na magaganap sa hinaharap. Sa pagtanggi nito sa mga hakbanging ito, lalo nitong inilalantad ang sarili na tuta ng China.
(d) Dapat itigil ng China ang militarisasyon sa West Philippine Sea. Dapat itong umalis sa mga nilikha nitong artipisyal na isla. Dapat din itong magbigay ng kompensasyon kapalit ng pagkasira at pagkawasak ng kapaligirang pandagat.
(e) Kinokondena ng mga mamamayan ang pampulitikang pagsuporta ng China sa kontra-mamamayang mga patakaran ng rehimeng Duterte, tampok ang giyera kontra-droga at iba pang giyera.
(f) Dapat matamang suriin ang mga pang-ekonomiyang hakbangin ng China sa Pilipinas. Hindi puwedeng ituring na kapalit ng paglabag sa teritoryo at yamang-dagat ang mga pang-ekonomiya at pampulitikang hakbangin ng China. Hindi rin dapat na tumatapak ang mga hakbanging ito sa karapatang pantao, kalikasan at tunay na kaunlaran ng bansa. Hindi dapat malubog sa pagkakautang ang Pilipinas sa China.
(g) Tutol din ang mga mamamayan sa mga paglabag ng US sa teritoryo at yamang-dagat ng Pilipinas. Dapat ibasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng 2014, Visiting Forces Agreement ng 1999 at Mutual Defense Treaty ng 1951 sa pagitan ng Pilipinas at US. Dapat lumayas ang mga tropa at kagamitang Amerikano sa teritoryo at yamang-dagat ng Pilipinas.
(h) Tutol ang mga mamamayan sa pag-igting ng alitan ng US at China sa Pilipinas. Tutol tayo sa pagsasamantala nila sa mga usapin sa West Philippine Sea para palawakin ang kanilang presensiyang militar at pandagat sa anumang usapin. Hindi kapakanan ng Pilipinas ang pakay nila, kundi ang sariling imperyalistang interes.
(i) Kaalinsabay, dapat na inililinaw na ang katunggali ng bansa ay ang gobyerno ng China, hindi ang mga mamamayang Tsino. Gaya rin ng hindi ang mga mamamayang Amerikano ang kalaban, kundi ang imperyalismong US.
(j) Dapat kondenahin at labanan ang pagpapakatuta ni Duterte kapwa sa US (na pangunahing among imperyalista ng rehimen) at China (umuusbong na imperyalista na lumalakas ang kapangyarihan sa bansa). Dapat tutulan ang mga panlilinlang at kasinungalingan nito, tampok ang pagpapalabas na giyera ang kahulugan ng paggigiit ng teritoryo at yamang dagat ng bansa.
(k) Sinisingil at pinapanagot ng mga mamamayan si Duterte sa pagpapakatuta sa China at sa US. Tampok na bahagi ito ng napakarami na niyang krimen sa sambayanang Pilipino. Ang hindi niya paglaban para sa teritoryo at yamang-dagat ng bansa ay pagtataksil sa sambayanang Pilipino at patunay na hindi na siya dapat pang maging pangulo.