Ni EDEN BRILLO
Napilitang magpalit ng damit na mas maalwan.
Dahil mainit na naman.
Ang aparador,
Pulos panlamig ang laman.
Sukat ng isang damit,
Hubad agad.
Kasi ang gaspang sa pakiramdam.
Dal’wa,
Tatlo,
Hanggang apat.
Bawat palit,
tila balabal
ng malamig na bangkay.
Wala talagang makasapat.
Sa kada liwan,
Nanunumbalik ang mga paboritong pantaas.
Sabay hanap
Kina Bob, Che at Star.
Mao, eLaRPs at iba pa.
Ay…
Nadispatsa na pala.
Kainit nga naman kasi.
Nanlamig tuloy ako
Na wala na sila.
Sa aparador
Na tila freezer,
Ako’y ngayo’y tulala.
Mananatili bang
walang saplot,
At balutin ng lamig ang buong katawan
O hahanapin muli sa labas
Ang mga damit na maalwan?