Awit vs ‘endo’

0
213

Davao City – Todo-suporta ang mga grupong pangkultura ng Mindanao sa paglulunsad ng mga manggagawa ng plantasyon ng saging na Sumifru ng kanilang extended play (EP) at music video noong Setyembre 7 sa Zero82 Lokal Restobar sa F. Torres Street sa Davao City.

Isang benefit at solidarity gig na pinamagatang Asdang (Suking) ang isinagawa nila sa pangunguna ng Sining Obrero upang patuloy na isulong ang mga panawagan laban sa kontraktwalisasyon at di-makataong mga patakaran sa loob ng pabrika.

Kasamang nagtanghal ng Sining Obrero ang mga bandang Banika, Sining Kamalayan, Sining Tuburan, Agos, at TUBAW Music Collective.

Binubuo ng tatlong bagong awitin ang EP ng Sining Obrero na produkto ng mga pagsasanay sa pagsusulat ng kanta na isinagawa ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) at Tambisan sa Sining noong Enero 2019 sa piketlayn ng mga manggagawa.

Ang mga awiting “Ama’t Inang Manggagawa,” “Singgit sa ComVal” at “Mananagot ka” ay nabuo mula sa personal na mga karanasan at naratibo ng mga manggagawa. Isinasalarawan nito ang mithiin at panawagan ng mga manggagawa sa pagsulong ng kanilang karapatan at kagalingan sa pagtitiyak ng kinabukasan ng kanilang mga anak at komunidad.

Noong Oktubre 1, 2018, inorganisa ng Namasufa-Naflu-KMU ang isang strike matapos ang deadlock sa negotiations sa pagitan ng management at unyon. Pabor sa unyon ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong isinampa laban sa kumpanya. Matagumpay na naparalisa ng strike ang operasyon ng Sumifru sa loob ng walong packing plants. Marahas naman silang binuwag ng mga bayarang goons, pulis at militar.

Sa loob ng siyam na buwan mula Nobyembre 2018 hanggang Agosto 2019, nagkampuhan ang mahigit 300 manggagawa sa Mendiola, Liwasang Bonifacio at Commission on Human Rights upang igiit sa Department of Labor and Employment (DOLE) na resolbahin ang kanilang isinampang kaso. Walang pakundangan naman itong nilalabag ng Sumifru.

Layon ng paglulunsad ng EP na makibahagi sa mas nakararami ang kanilang panawagan upang maipagpatuloy ang kampanya ng mga manggagawa sa rehiyon ng Compostela Valley.

Maaari nang ma-download ang kanilang bagong awitin sa Facebook page ng Sining Obrero at CAP.

Samantala, nagpapatuloy ang mga pagsasanay ng CAP sa mga piketlayn at pagawaan. Nitong mga nakalipas na linggo ay nakabuo na ng mga piyesa ang mga manggagawa ng Pepmaco at Nutriasia. Nananawagan rin ang CAP sa mga artista at manggagawang pangkultura na mag-volunteer sa nakatakdang pagsasanay sa iba pang pagawaan. Bahagi ito ng kampanya at programang Artists Fight Back na nagsuuslong ng isang sining at kulturang makabayan, makamasa at siyentipiko.

Inaasahang makakabuo ng isang buong album ng mga bagong kanta ang CAP sa Disyembre 2019.