Site icon PinoyAbrod.net

Ayuda sa nagsilikas

Ikinagulat ng mga mamamayan ng iba’t ibang bayan ng Batangas ang biglang pagputok ng bulkang Taal, hapon ng Enero 12. Sa mga bayang malapit sa lawa ng Taal, kung saan matatagpuan ang pumutok na bulkang isla, tanaw ang matayog at makapal na ulap ng abo. Maya-maya gumuhit na rin ang kumukulong putik o lava na mula sa bulkan. Di nagtagal, kumidlat, at tumama sa mismong bibig ng bulkan. Karimarimarim ang eksena.

Anumang nasa langit, babagsak din sa lupa. Kung kaya, di nagtagal, bumagsak din ang abo, sa maraming bayan ng Batangas, gayundin sa karatig na mga probinsiya ng Calabarzon, at hanggang National Capital Region. Maraming kabahayan sa San Nicolas, Talisay, Mataas na Kahoy, Balete, Laurel, Tanauan City Lipa City, nakulapulan ng putik ang mga bubong. Marami ang bumigay.

Kanya-kanya ang pulasan ng mga mamamayan ng apektadong mga bayan. “Ikinalulungkot ko na sabihing ito, pero hindi handa ang Batangas sa sakunang ito. Dapat na minobilisa ang mga rekurso ng pamprobinsiya at pambansang gobyerno para ayudahan ang ebakwasyon ng mga residente ng LGUs (local government units) na nakapalibot sa bulkan,” paskil sa Facebook ni Rens Mayuga, abogado, at residente ng Batangas.

Marami ang nagpaskil sa Facebook ng katulad na pagtingin – mga residenteng di makaalis dahil walang transportasyon, o hirap na makabiyahe paalis sa mga bayang karatig ng lawang may pumutok na bulkan. Sa mga panayam sa midya noong unang mga oras at araw matapos ang pagsabog ng Taal, hindi makapagbigay ng bilang ang mga lokal na opisyal kung ilan pa ang hindi nakakalikas. “Ina-account pa namin (ang mga nagsilikas),” sabi ni Taal Mayor Fulgencio Mercado, sa panayam sa DZMM noong Enero 13 ng alas-8:45 ng gabi. “Siguro, mga 10,000 pa (sa bayan ng Taal).”

Hindi nila buong mai-account ang mga residente, dahil palagay nila’y nagsipuntahan sila sa mga kaanak nila sa Batangas o sa Kamaynilaan. Ibig sabihin, nagkanya-kanya ang ebakwasyon nila.

Sa mga panayam ng midya sa mga residenteng nagsilikas na nasa iba’t ibang evacuation centers sa Batangas, nagrereklamo sila na walang makain o mainom. Sa kalakhan ng evacuation centers, walang naihandang pagkain o inumin, o kaya’y matagal bago nakarating.

Naging problema rin sa apektadong mga lugar ang mabilis na pagkaubos ng N95 face masks na kailangan para maprotektahan mula sa masamang epekto ng ashfall. Sa panayam din ng DZMM kay Lemery Mayor Eulalio Alilio, sinabi niyang nangangailangan din ang mga evacuee ng mga gamot, lalo na sa mga batang may hika. Samantala, nagsara na sa pinaka-apektadong mga bayan ang maraming kainan at bilihan ng pagkain at iba pang suplay.

Samantala, ayon sa progresibong grupo ng mga mangingisda, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), karamihan sa mga miyembro nila na kasama sa pamprobinsiyang tsapter nito na Haligi ng Batanguenong Anakdagat (Habagat), ay lumikas na mula sa San Nicolas matungo sa Nasugbu. Pero katulad ng maraming mangingisda at magsasaka, ikinalungkot nila ang epekto ng pagputok sa kanilang mga kabuhayan – sa lawa man o sa mga sakahan.

“Iyung mga mangingisda ng Taal Lake na lumikas sa malapit na mga bayan, hindi naseguro ang kanilang mga fish cage (o hawla ng mga isda) at iba pang kabuhayan mula sa pinsala,” sabi ni Gregorio Arpon, presidente ng Habagat. Tantiya ng lokal na pamahalaan ng Batangas, aabot sa 8,000 katao ang nadisloka dahil sa inisyal na pagputok na ito ng bulkang Taal.

Kuha ni Bro. Ciriaco Santiago III

Habang nagaganap ito, nasa Davao City si Pangulong Duterte. Kinabukasan pa, Enero 13, nakalipad pabalik ng Metro Manila ang Pangulo. Sa press release ng Malakanyang, sinabi na rin nitong ginawang pagkakataon na rin ang paglipad ni Duterte papuntang Maynila para makita mula sa ere ang lawak ng pinsala ng pagputok ng Taal. Samantala, nagkumahog ang pambansang gobyerno na magtipon ng mga opisyal ng gobyerno. Noong araw din iyon, mahigit 24 oras matapos ang pagputok ng bulkan, tinipon ni Sen. Francis Tolentino, na alyado ni Duterte, ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa relief and rescue operations. Dating alkalde ng Tagaytay si Tolentino at dati nang naging pointman ng disaster response efforts ng rehimeng Duterte. Sa naturang miting, tinipon din niya ang lokal na mga opisyal ng iba’t ibang apektadong bayan.

Pero marami ang nagtanong: Bakit si Tolentino pa – na isang senador at mambabatas, at wala sa Ehekutibong kawing ng gobyerno – ang nanguna sa inter-agency meeting?

Anu’t anuman, inanunsiyo ni Tolentino na ibinukas na raw ang lahat ng barangay hall at gym sa Tagaytay para sa mga evacuee. Tinukoy din nito ang pangangailangang maghanda at mamahagi ng emergencvy food packs, tubig, kumot, panlatag na higaan, at iba pang pangangailangan. Inutusan din niya ang mga trak ng military na tumulong sa paglikas sa mga evacuee.

Pero nakapagtataka rin sa maraming tagamasid kung bakit hindi pinaghandaan ang posibleng pagputok ng bulkang Taal. Noong nakaraang taon pa kasi, Noong Marso 28, 2019, inanunsiyo na ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nasa Alert Level 1 ang Taal. Mula noon hanggang Disyembre 1, 2019, nagkaroon ng 4,857 lindol (volcanic earthquakes) sa palibot ng bulkan.

“May posibilidad ng magmatic disturbance na nagaganap sa ilalim ng bulkan,” ayon sa advisory ng Phivolcs noong Disyembre 1, 2019.

Evacuation center sa Tanauan, Batangas. Daan-daan ang nagsilikas patungo rito matapos pumutok ang bulkang Taan, marami sa kanila galing sa Brgy. San Isidro Pulo, sa mismong islang bulkan. Altermidya

Matatandaang nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte, pinangasiwaan niya ang pagkaltas ng badyet para sa National Disaster Risk Reducation and Management Council (NDRRMC) para sa pambansang badyet noong 2017. Bago ito, noong 2016, nasa P38.9 Milyon ang NDRRMC o Calamity Fund ng gobyerno. Nang pumasok si Duterte, ginawa na lang itong P15.7-M, at namantine ito hanggang sa 2020 pambansang badyet.

Noong panahong iyon, inireklamo na ng noo’y Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo ang maliit na badyet ng NDRRMC para tugunan ang iba’t ibang kalamidad na sumasapit sa bansa taun-taon.

Samantala, sa harap ng lumalabas na kalagayang kulang sa badyet at paghahanda ang pambansang gobyerno sa malulupit na mga kalamidad, inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) na maaari naman daw makautang ang mga magsasaka at mangingisda ng P25,000 nang walang interes at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon. Sa ilalim ito ng Survival and Recovery Assistance Program ng DA. Para naman sa nangangailangan ng mas malaking pondo para maihaon ang kabuhayan nila, maaari naman daw mangutang sa Micro and Small Agribusiness Loan Program ng naturang departamento.

Pero ikinatataka ng Pamalakaya na pagpapautang pa ang iniaalok na “tulong” ng DA – sa halip na ayudahan na lang ng pondo ang mga mangingisda at magsasaka. “Lumalabas na walang kahabag-habag naman ang pag-alok ng mga utang sa aktuwal na mga biktima ng likas na kalamidad na nangangailangan ng agarang relief and rehabilitation,” sabi ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.

Sinabi naman ni Arpon ng Habagat na malaki ang kawalan ng kabuhayan sa mga manggagawang nagtatrabaho sa fish cages sa Taal. Kumikita lang sila mula sa pangingisda ng P200 kada araw. “Iginigiit naming na matulungan ang mga mangingisdang ito ng isang porma ng economic relief and livelihood reparation,” sabi pa niya.

Pautang nga ang alok ng gobyerno sa mga biktima ng sakuna, kahit noong nakaraang taon. Noong Disyembre 2019, inialok ng Social Security System (SSS) bilang “tulong” sa mga miyembro nilang biktima ng bagyong Tisoy ang pagpapautang. Sa ilalim ng Calamity Assistance Package ng SSS, maaaring umutang ang mga biktima ng bagyo na miyembro ng SSS para sa pagpapaayos ng mga bahay nila, o kaya para mapunan ang nawalang sahod o kabuhayan.Samantala, noong Enero 13 din, ipinagtataka ng maraming netizens ang pagpaskil ni Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na nananawagan ng donasyong pagkain at iba pang pangangailangan ng mga evacuee. Sa kabila ito ng pagkakaroon ng sariling pondo ng gobyerno para sa agarang pagtugon sa pangangailangan nila.

Hindi na kailangang sabihin pa ni Año, pero agad namang tumugon ang iba’t ibang komunidad at organisasyon sa pagtipon ng relief goods para sa mga evacuees na nangangailangan. Hindi man ito makasasapat o makatatapat sa mga rekursong maaaring ilaan ng gobyerno, malaking tulong ang relief efforts ng mga mamamayan para ayudahan ang kapwa nilang mga Pilipino. Sa panahong di sumasapat (o sadyang di isinasapat) ang pagtugon ng gobyerno, mga Pilipino ang natutulak na tumugon sa pangangailangan ng kapwa nila sa panahon ng pangangailangan.


Featured image: Mga residente na sakay ng mga traysikel, nagsilikas mula sa makapal na abo mula sa bulkan sa bayan ng Agoncillo sa Batangas. Pinalikas silang mga residente na nasa loob ng 17-kilometrong danger zone. Kuha ni Jojo Riñoza
Exit mobile version