Saan mo ako ilulugar
Kung ako ang pumapaslang
Sa pumapaslang?
– Pangamuyo, Rebecca T. Añonuevo
* * *
Malaking bagay sa panitikan ang marinig (o mabasa) ang tinig ng isang mamamatay-tao, lalo na’t galing ito sa isang babae. Sinong nilalang ang malayang kumuha ng buhay ng kanyang kapwa? Sino ang may karapatang ilagay sa sariling kamay ang buhay ninuman?
* * *
Sa kasalukuyan, wala tayong parusang bitay sa bansa. Ito ang isa sa mga salik, ani Prop. Bomen Guillermo, kung kaya’t nahirapan tayong makipag-usap sa gobyernong Widodo (Indonesia) para mapalaya nang tuluyan (o ma-extradite man lang) si Mary Jane Veloso.
* * *
Matagal nang hinalaw itong salitang bitay—na nangangahulugang pagpatay sa pamamagitan ng pagbibigti—bilang katumbas ng ano mang parusang kamatayan.
Bukod sa pagbitay, pinili ng estado, noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang firing squad at garote. Maaalalang sa firing squad namatay si Rizal at sa garote namang namatay ang GomBurZa. Dalawang dekada matapos ibenta ng mga Kastila sa mga Amerikano ang bansa, silya elektrika na ang opisyal na metodo ng pagpatay.
* * *
Once again we have to stare at death in the face
through eyes so desperately strong.
– Have Mercy, Mary Jane, Ilang-Ilang Quijano
* * *
Walang pinipili ang parusang bitay. Mapa-lalaki o babae ay hinahatulan ng kamatayan.
* * *
Noong panahon ng kampanya para sa pambansang eleksyon 2016, dalawang kandidato sa pagkapangulo ang boto sa pagbabalik ng parusang bitay. Kasama ni Duterte ang isang babae, si Grace Poe.
Gaya ng nangyari, hindi sapat ang mga boto kay Poe para maluklok siya sa puwesto. Mahigit sa 16 milyong boto ang naglagay kay Duterte sa Malakanyang, gayong hindi nito kinakatawan ang mayorya ng mga bumoto (mahigit 25 milyon pa rin ang hindi bumoto sa kanya).
* * *
Makaraan ang dalawang taon ng kasalukuyang rehimen, hindi pa rin natutupad ang pangarap ni Duterte na maibalik ang parusang bitay. Ito pa rin ang panawagan niya sa kanyang ikalawang SONA. Sangkalan niya ang kanyang giyera kontra droga.
* * *
Sa aking palagay, ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa “[…] isang masamang makapangyarihan / Ang tahasang mangingikil ng buhay ng mamamayan” ang esensiya ng tulang “Pangamuyo” ni Añonuevo.
O hindi. Hindi ito pagsang-ayon sa pagbabalik ng parusang bitay, kundi isang ‘stamp of approval’ sa pagpatay sa mga pipitsuging drug runner, player, at user sa mga lungsod at barangay. Isang ‘two thumbs up’ sa extrajudicial killing o EJK, habang pinapawalang-sala ang mga drug lord.
* * *
Noong Marso 2017, sinaway ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang media sa pagbanggit ng ‘EJK’ sa mga kaso ng pagpatay na sinasabing may kinalaman sa droga. “Those killings were not sponsored by the state, or by the PNP,” diin niya.
Ilang buwan bago ang pahayag na ito, sinabi ni Assistant Interior Secretary Epimaco Densing III na walang EJK sa bansa. “If a country has no judicial killing, there’s no extrajudicial killing,” aniya.
Plakado ni Noynoy ang linyahan nina Bato at Densing. Noong Agosto 2017, sinabi niya, “Wala tayong death penalty so walang judicial killing. Kung walang judicial killing, walang extra judicial killing.” Kaya, aniya, wala ring EJK sa kanyang rehimen, kahit inamin na ito ng Commission on Human Rights.
Kung hindi EJK, eh ano? ‘Extra-legal’ ang gustong itawag ni Densing sa mga pagpatay. ‘Homicide under investigation’ naman ang termino ni Inspector General Alfegar Triambulo ng PNP Internal Affairs Service (IAS).
Nauuwi na lang sa semantics ang lahat. Pero kailangan pa bang magkaroon ng batas (de jure) kung patuloy naman ang pagpatay ng mga tinatawag na death squad, ng mga rumaraket dahil sa reward money, at ng ninja cops na nanlilikida ng kani-kanilang tauhan?
* * *
Sa wikang Cebuano, “pagsusumamo” ang kahulugan ng pangamuyo. “Ibig kong tularan ang panalangin / Ng nagtatanong sa Diyos” pasimula ng tula ni Añonuevo.
Panambitan ba ito para sa mga napatay o sa Diyos na pumapatay? Bakit ibig ng persona—isang babae?—na ilugar ang kaniyang pagpaslang sa pumapaslang?
* * *
Tiyak na hindi si Añonuevo ang “pumapaslang sa pumapaslang.” At least, sa literal. Ano ang alam natin? Kung metaporikal ito, tiyak na pagsuporta ito sa giyera kontra droga ni Duterte.
* * *
Inirehistro ko sa aking Facebook (FB) status ang paggalang ko kay Añonuevo (Ma’am Becky sa marami) bilang isang makatang babae. Isa siya sa mga naging biktima ng programang K-12 ni Noynoy, nang sapilitan siyang pagbitiwin bilang guro sa Miriam. Nagwagi naman siya sa pamamagitan ng tulong ng kanyang asawang abogado, si JP Anthony D. Cuñada. (Kahit isang beses ko lang nakita si Cuñada, kaibigan na rin ang turing ko sa kanya.)
Bukod sa pagsama ni Añonuevo sa mga kilos protesta ng Tanggol Wika laban sa K-12, napahanga niya ako nang suportahan niya ang kampanya para sa pagpapalaya sa noo’y detenidong politikal na si Sharon Cabusao, dating editor ng Pinoy Weekly. Ang dinig ko ay magkaibigan ang dalawa at nagkasama sila bilang fellows ng UP National Writers Workshop noong dekada ‘90.
* * *
Kaya naman sinabi ko sa aking FB status na nadurog ang puso ko nang ilabas ni Añonuevo ang “Freedom and Responsibility: A Statement from Concerned Writers in Luzon, Visayas, and Mindanao on the issue of the SEC decision to revoke the license of Rappler.”
Sa status na iyon, sinabi ko ring ine-expect ko nang mangyari iyon, dahil speechwriter ni Duterte si Añonuevo. Mabilis siyang nagkomento at nagsabing hindi iyon totoo. [Hindi na siguro. Bagama’t may narinig akong consultant siya sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) ni Andanar. ]
* * *
Ang nakakagulat, at lalong nakakadurog ng puso, kasama sa mga pumirma sa manifesto na iyon (na nang i-share ng For the Motherland – Sass Rogando Sasot ay nakakuha ng mahigit 1k likes) ang mga beteranong aktibista at makatang sina Nonilon Queano at Macario Tiu.
Sinadya kayang ang “Concerned Writers” ay kahawig ng “Declaration of the Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy,” isang manifesto ng mga artista at manunulat, sa pamumuno ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario, na nagdeklara diumano ng pagsuporta sa kandidatura ng diktador na si Ferdinand E. Marcos noong 1986?
Puna ni Reuel Aguila, “ang ilan sa mga pangalan [sa “Declaration”] ay basta na lang inilagay ng mga organizer.” Ganito rin ang naging tadhana ng “Concerned Writers.” May ilang manunulat (may kilala ako sa kanila) na bagama’t sumuporta sa kampanya ni Duterte noong pambansang eleksyon ay nagulat na lang nang makita sa listahan ang kanilang pangalan (binura din). Sa madaling sabi, hindi ka-DDS o Diehard Duterte Supporter.
* * *
Gusto kong basahin bilang isang peministang tula ang “Pangamuyo” ni Añonuevo. Pero naalala ko ang humanismo, sa tula niyang “Bago ang Babae,” sa mga linyang “Hindi ko kailangang itakwil ang sarili, / Hindi ko kailangang burahin / Na isa akong tao / Bago isang babae.”
Hindi ko tuloy malaman kung kailangang unahin ang kanilang pagiging tao (kontra kanino? Sa mga hayop o asal-hayop?) at segunda lang ang kanyang pagiging babae (nababawasan ba ang esensiya ng pagiging isang babae sa ibang usapin?). Sinabi ni Mao Zedong na “Kalahati ng langit ay pag-aari ng mga babae.” at/kaya “women’s (political and economic) rights are human rights.”
* * *
“Mapalad ako sa pagkakaroon ng isang komunistang ina!”
– Ma. Lorena Barros
* * *
Hindi ko ma-imagine na ang isang bagong babae ay pumupuri kay Mocha (ginawa ni Añonuevo) na pinapasuweldo ng taumbayan para kontrahin ang kabi-kabilang “fake news” ng Rappler (read: mga artikulong kritikal sa rehimeng Duterte), habang nagpapaskil ng kabi-kabilang fake news sa kanyang blog.
Hindi ko ma-imagine ang isang bagong babae na hindi umaalma sa sinabi ni Duterte na pagbaril sa puki ng mga amasonang NPA—nang hindi na makapanganak pa ng rebolusyunaryo?
* * *
“The new Filipina is one who can stay whole days and nights with striking workers, learning from them the social realities which her bourgeois education has kept from her. This means that she is also ready to picket for hours under the sun, ready to throw herself in front of a truck bearing scabs or materials for the factory’s machines to prevent it from breaking the picket line. More important, this means that she has convinced her parents of the seriousness of her commitment to the workers’ and peasants’ cause, a commitment which keeps her out of the house at all hours of the day and night, and requires all sorts of behavior previously way beyond the bounds of respectable womanhood.”
– Liberated Women II, Ma. Lorena Barros
Pugadlawin (Taon 18 Blg. 3; Enero-Pebrero, l971)
* * *
Isang tahimik na kanta
ng masa
patuloy na tumutugtog sa aking puso.
Wala nang iba.
Nang tinanong kung handa akong mamatay
Sinabi ko, Opo
Para sa Bayan
Sinabi ko, Opo.
– Hanguin sa Hukay, Melissa Roxas
* * *
“The new woman, the new Filipino, is first and foremost a militant,” ani Barros na kasama sa mga nagtatag ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka).