Nabalot ng takot ang isang komunidad ng mga residente sa isang barangay sa Calamba, Laguna nang mabalitaan nila ang pagtatayo ng isang cell tower sa isang kapirasong lupang malapit sa kanila nitong Hulyo.
Isa ang bahay ni Andrea (di-tunay na ngalan) sa pinakamalapit sa konstruksiyon. Naalala niya, taong 2018 pa, may lumapit na kinatawan ng ZTE Corp., isang kompanya ng telekomunikasyon mula sa China. Nag-alok ito na upahan ang lupain nila.
Noong gabing iyon, nanaliksik siya sa Internet. Napag-alaman ni Andrea na may panganib sa kalusugan ang mga cell site na masyadong malapit (di-lalayo sa 300 metro) sa mga tao. Tumanggi siya. Pero ngayong Hulyo, nalaman na lang niya, at ng mga kapitbahay niya, may naupahang lupa ang ZTE: di-lalayo sa 30 metro sa bahay nina Andrea.
“Walang public hearing hinggil dito,” kuwento ni Andrea. “May ilang napapirma sa consent letter na hindi alam ang kumpletong litrato o walang kaalam-alam kung ano ang pinirmahan nila.”
Sa barangay, mahigit 20 silang humarap sa kinatawan ng ZTE. Mayabang umano ang mga kinatawang ito. Matigas ang posisyon nila: “May permit na ang pagpapatayo. Hindi na ninyo mapipigilan ito.” Tumaas ang boses at naging emosyonal ang magkakapitbahay. Tumindig ang barangay na dapat ipatigil ang konstruksiyon.
Mahigit dalawang linggo ang nagdaan. Sa pambansang antas, nagbigay ng State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Duterte. Kinastigo niya ang dalawang malalaking telecommunications company (telcos) na Globe at PLDT Inc./Smart sa aniya’y pangit na serbisyo nito, lalo na sa pagbibigay ng akses sa Internet sa mga Pilipino.
“Pakiayos ang mga serbisyo ninyo bago ang Disyembre. Gusto kong tawagan si Hesukristo sa Bethlehem. Kailangan klaro ang linya,” seryoso pero pabirong sabi ni Duterte, sa wikang Ingles, sa kanyang SONA.
Matapos ang ilang araw, laking gulat nina Andrea: Nagtuloy ang konstruksiyon ng cell tower. “Wala kayong magagawa, Malakanyang na ang nagsabi,” pagmamayabang diumano ng mga taga-ZTE.
Kuwestiyon sa prangkisa
Isa lang ang ZTE Corp. sa ilang kompanya na nakontrata ng Dito Telecommunity (Dito Telecom) na magtayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa ng cell sites o cell towers. Ito’y matapos bigyan ito ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) ng Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission (NTC).
(Maaalalang nasangkot ang ZTE Corp. sa isiniwalat na US$329-M suhol diumano sa administrasyong Arroyo noong 2007 para makuha ang kontrata sa pagtayo ng isang National Broadband Network o NBN.)
Sa Malakanyang mismo, noong Hulyo 8, 2019, iginawad sa noo’y Mislatel Consortium ang CPCN. Ito’y para buwagin diumano ang duopolyo (dominasyon ng dalawang dambuhalang kompanya) ng Globe at Smart/PLDT sa industriya ng telco. Pinangunahan mismo ni Pangulong Duterte sa Palasyo ang paggawad sa Mislatel ng CPCN.
Pero bago pa man ang paggawad ng CPCN sa Mislatel, marami na ang kumuwestiyon sa operasyon nito – pati na rin sa mismong pagkuha ni Dennis Uy ng kontrol sa prangkisa nito.
Ang orihinal kasing Mislatel ay Mindanao Islamic Telephone Company, na ginawaran ng prangkisa para mag-opereyt bilang kompanyang telco noong Abril 1998, sa bisa ng Republic Act No. 8627. Pero matapos ang paggawad ng prangkisa, hindi ito agad nakapag-opereyt sa loob ng isang taon – na isang kondisyon sa prangkisa nito.
Taong 2015 nang bilhin ito ng bagong grupo ng shareholders, pangunahin na si Nicanor Escalante, na naging presidente at chief executive officer (CEO) nito. Kilalang may-ari din si Escalante ng mga operasyon ng pagmimina sa Mindanao. Sa pagdinig sa Senado noong 2019 hinggil sa prangkisa ng Mislatel, sinabi ni Escalante na totoong walang “aktuwal na operasyon” na isinagawa ang kompanya noong binili nila ito dahil hindi raw maganda ang “peace and order situation” sa Parang, Maguindanao kung saan dapat nag-oopereyt ang Mislatel.
Para kay Sen. Franklin Drilon, na nandoon sa pagdinig sa Senado, wala nang bisa dapat ang prangkisa ng Mislatel dahil sa kawalan nito ng operasyon. Sinang-ayunan din ito ng resource persons sa mga pagdinig na abogadong si Terry Ridon ng Infrawatch PH at abogadong si Robert Beltejar na kumatawan sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).
“Sa totoo, awtomatikong nabawi na (ang prangkisa ng Mislatel) noong 2003 nang nabigo itong sumali sa stock market. Tiningnan natin sa listahan ng mga kompanya na nasa PSE (Philippine Stock Exchange), at wala doong publicly-traded entity na Mislatel,” sabi pa ni Ridon, sa wikang Ingles, sa naturang pagdinig.
Kinuwestiyon din ni Drilon ang di raw pag-ulat ng Mislatel sa Kongreso na nabili na ng grupo ni Escalante ang 70 porsiyentong sapi o shares ng naturang kompanya. Paglabag diumano ito sa prangkisa ng Mislatel.
Kinuwestiyon naman ng kalabang bidder na Sear Telecom (na pinangungunahan ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson) ang pag-apruba sa Mislatel para maging “third player” sa industriya ng telco. Ayon dito, labag sa prangkisa ng Mislatel ang pagpasok sa consortium dahil may dati na itong kasosyo na kompanyang Tier1 (sa pamamagitan ng subsidyaryo nitong DigiPhil).
Ang sagot ng Mislatel: wala na raw bisa ang kasunduan nito sa Tier1 dahil may nilabag ito sa kontrata, at para sa “maliliit na proyekto” lang umano ang kontrata nito sa Tier1.
Pero kinatigan pa rin ng Senado ang Mislatel. Inaprubahan nito ang pagpapalit ng pag-aari ng Mislatel tungo sa kontrol ni Uy noong Pebrero 2019. Tatlong senador lang, kabilang si Drilon, ang bumotong di-pabor dito.
Kaiba ito sa naging aktitud ng Kongreso sa aplikasyon ng prangkisa ng ABS-CBN: samantalang itinuturo ng mga mambabatas ang mga “paglabag” diumano ng ABS-CBN sa prangkisa nito bilang batayan ng pagtanggi ng renewal, pumabor naman ito sa pag-“cure” o pag-areglo ng mga problema o isyu sa prangkisa ng Mislatel.
Biglaang oligarko
Ang pinasok na consortium ng Mislatel ay sa kompanyang Udenna Corp. at subsidyaryo nitong Chelsea Logistics, na kapwa pag-aari ng negosyanteng malapit kay Duterte na si Dennis Uy, at China Telecommunications (China Telecom), ang kompanyang telco na pag-aari ng gobyerno ng China at ikatlong pinakamalaking kompanyang telco sa China. Ginamit ng consortium ang prangkisa ng Mislatel, na pag-aari rin ni Uy, para makapag-aplay ng CPCN sa administrasyong Duterte.
Si Uy ang isa sa pinakamalaking kontribyutor ni Duterte noong eleksiyong 2016. Tinatayang mahigit P30-Milyon ang inambag niya sa kandidatura ng Pangulo. Mula nang maupo si Duterte, limang beses ang inilaki ng yaman ni Uy, na namili ng mahigit 50 kompanya. Ayon sa Forbes Magazine noong Setyembre 2019, umaabot na sa US$660-M ang yaman ni Uy, at dineklara nitong ika-22 pinakamayang Pilipino.
May mga kumukuwestiyon sa biglang pag-usbong ni Uy bilang mayor na oligarko sa Pilipinas. Sa ulat ni Ralf Rivas ng Rappler.com, sinabi ng ilang financial experts at banker na nakakabahala ang mabilis na pagyaman ni Uy dahil sa gahiganteng paglaki ng utang, kita at gastos (liabilities, profit at expenses) nito mula 2016.
Ayon sa artikulo, nalampasan na ng Udenna Corp. ni Uy sa gastos, kita at utang ang mga kakompetensiya nitong Ayala Corp. (may-ari ng Globe), Metro Pacific Investment Corp. (pag-aari ni Manny Pangilinan na may-ari rin ng PLDT Inc.) at kahit SM Prime Holdings ng pinakamayamang pamilyang Sy.
“Noong 2017, gumastos ang Udenna ng P71.4-Bilyon sa investments, na tumaas nang 606 porsiyento mula sa P10.1-B noong 2016. Ibig sabihin nito’y gumasot ang Udenna nang higit na higit sa AC (Ayala Corp.), na nagtalaga ng P63.8-B noong 2017,” ulat ni Rivas ng Rappler.
Sa kabila ng sobrang gastos at sobrang utang, tila patuloy ang pag-utang nito sa iba’t ibang bangko. Kabilang sa inutangan ng Chelsea Logistics ni Uy ang Bank of China, na nagkakahalagang US$220-M. Ginamit umano nito ang pondo para bumili ng “substansiyal na sapi” sa kompanyang 2Go, na pag-aari ng mga Sy.
Samantala, inanunsiyo ng Mislatel ang pagpalit ng pangalan nito tungong Dito Telecom noong Marso 28 – sa mismong kaarawan ni Pangulong Duterte.
‘Globe, Smart inaalog’
Yun nga lang, naideklara na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Kamaynilaan at may iba-ibang antas ng lockdown sa buong bansa dahil sa pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19).
Sa paggawad ng rehimeng Duterte ng CPCN sa Mislatel na naging Dito Telecom, ipinangako ng kompanya na maaabot na nito ang di-liliit sa 37 porsiyento ng populasyon ng bansa sa loob ng isang taon.
Pero sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinangunahan ni Sen. Grace Poe nitong Hulyo, napag-alamang mahigit 300 cell towers mula sa planong 1,300 sa unang taon ang nagawa pa lang ng Dito Telecom.
Paliwanag ni Adel Tamano, tapagsalita ng Dito Telecom, ito’y dahil daw sa mga lockdown kaya nahirapan ang pagtayo ng cell towers. Mahirap din daw ang proseso ng pag-aaplay ng mga permit para sa pagtatayo ng cell towers.
Ito rin ang inireklamo dati ng Globe at Smart – ang rekisitong di-bababa sa 29 permit para makapagtayo ng cell towers – kung kaya kulang na kulang umano ang 19,000 cell towers sa bansa. Ayon sa DICT, kinakailangan ng karagdagang 50,000 cell towers sa bansa para makamit ang istandard na 1,000 yunit ng mobile gadget-sa-bawat-cell site at maging mabilis at episyente ang serbisyo sa mobile Internet sa bansa.
Hiniling ng Dito Telecom na iekstend ang dedlayn nito tungong Enero 2021 para makamit ang 1,300 cell towers – kung kaya hindi nakapagtataka ang tila’y ura-uradang pagtatayo ng cell towers na nakita sa lugar nina Andrea sa Calamba, Laguna at iba pang lugar.
Samantala, nakipagsosyo naman ang DICT sa isa pang kompanyang Tsino para sa pagtatayo umano ng “common cell towers” o towers na maaaring gamiting ng iba’t ibang telcos. Noong Enero 2019, inanunsiyo ng DICT ang pagpirma ng kontrata sa China Energy Equipment Corp. para sa pagtatayo ng 50,000 common cell towers sa bansa.
(Ang China Energy Equipment Corp. ay nakapaloob sa China Energy Engineering Corp. o Energy China, na pag-aari pa rin ng gobyerno ng China.)
Sa SONA naman ni Duterte noong Hulyo 27, kinastigo nga niya ang dalawang gahiganteng telcos na Globe at PLDT/Smart. May mga kritikong nagsabi na maaaring pamamaraan lang ito ni Duterte para itulak ang Globe at Smart na ibukas ang cell towers nito sa paggamit din ng pinapaboran nitong Dito Telecom.
“Marami pang pasakalye…(G)usto lang ni Duterte na bigyan ng free ride ang kanyang 3rd telco sa cell towers ng Smart at Globe. Kaya niyuyugyog niya ngayon sina MVP (Pangilinan) at Ayala,” sabi ng kritikong si dating Sen. Antonio Trillanes IV, sa kanyang Tweet. May bahaging Ingles ang Tweet na isinalin sa Filipino ng Pinoy Weekly. “Gusto ng Davao group na laway lang ang kapital nila, may telco na sila.”
Samantala, batay sa karanasan nina Andrea sa Laguna, at iba pang mamamayan sa iba’t ibang lugar, tila niraratsada na nga ngayon ang pagtatayo ng cell towers ng Dito Telecom.
Sinabi pa ni Poe na may hakbang na raw ang gobyerno para “pabilisin ang proseso” ng mga aplikasyon para sa cell sites. Pero malaking kuwestiyon pa kung lalong mailalagay nito sa panganib ang mga residenteng tulad nina Andrea na nangangamba sa pangmatagalang epekto ng cell towers sa kanilang kalusugan.
“Nakaka-depress talaga itong nangyari dito sa amin,” kuwento pa ni Andrea. “Katabi mismo ng bahay ng lola ko ang cellsite na tinayo nila. Mga 5-10 metro sa kanila, mga 30 metro sa bahay namin. Kahit hindi pa usapin ng health hazard ng radiation, panganib ito kapag may bagyo o lindol.”
Pinagbabantaan umano siyang kakasuhan ng ZTE kung magpapatuloy ang pagrereklamo – kaya napilitan na lang siya at mga kapitbahay niyang tumigil. “Wala tayong magagawa, kay Duterte ito,” sabi umano ng mga kapitbahay niya. Pero ani Andrea, kung may paraan lang para labanan ito, gagawin nila.
May ilang tagamasid ang nagsasabing kung matapos ng Dito Telecom na makamit ang inisyal na 1,300 cell towers sa Enero 2021, posibleng ilunsad na ng Dito ang komersiyal na operasyon nito sa Marso 2021 – marahil, sa kaarawan muli ni Pangulong Duterte.