Sabi ng mga eksperto, at ayon sa uso sa mga publikasyong online, nagtapos ang dekada sa pagsasara ng 2019. Interesanteng pag-isipan ang tinakbo ng 2010-2019 sa bansa – bilang ehersisyo sa pagmumuni, pero syempre para makatulong na mas maunawaan kung nasaan tayo sa kasalukuyan.
Sa Pilipinas, nag-umpisa ang dekada sa pagiging pangulo ni Noynoy Aquino, at nagtapos sa gitna ng pagkapangulo ni Rodrigo Duterte. Isa ang pagpapalit-rehimen na ito, kaakibat ang mga pagpapatuloy at mga pag-iiba sa kanilang dalawa, sa mga mayor na tema ng dekada para sa bansa.
Kung matatandaan, para mahalal, tinuntungan at sinamantala ni Aquino ang disgusto sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo – na sumaklaw rin ng halos isang buong dekada, 2001-2010. Batbat ng katiwalian at pampulitikang panunupil, madaling nailarawan ang rehimeng Arroyo na katulad ng diktadura ni Ferdinand Marcos – na umiral naman sa tinatawag nang “mahabang dekada 70,” mula 1972 hanggang 1986. Sa pagkamatay ni Cory Aquino noong 2009, nagkaroon ng isang sentruhan ang burgis na oposisyong anti-Arroyo at pinalabas na pagpapatalsik ang eleksyong 2010, na bagong Edsa 1986 ang “daang matuwid.”
Katulad din ng unang rehimeng Aquino, demokrasyang neokolonyal ang pinairal ng ikalawang rehimeng Aquino – lamang ng ilang paligo sa lantad na diktadura ng rehimeng Marcos. Sa buong panahon ng rehimeng Aquino, umani ito ng malawak na suporta mula sa US at mayayamang bansa, malalaking negosyante at angkan ng pulitiko, Simbahan, at midya ng malalaking kapitalista. Sa ganitong kalagayan, nagawang irespeto ang mga burgis-demokratikong institusyon at proseso. Ang eksepsyon ay kapag kailangang umatake sa mga kalaban sa pulitika habang ipinagtatanggol ang mga katulad nila na kakampi, halimbawa.
Pero may mga inetsapwera sa hanay ng mga makapangyarihan, na lalong naging malinaw sa panahon ng rehimeng Duterte: ang pamilya Marcos at Macapagal-Arroyo, at ang China. Ang mga pwersang pampulitikang ito ang nagtipon at nagbuklod sa kandidatura ni Duterte noong 2016. Pero kahit sila, hindi sapat para maipanalo si Duterte; makakasama pa sa kandidatura niya kung malalantad na sila ang tagasuporta niya. Kailangang palawakin ang nakakabig, kahit magkasali-saliwa ang mga pangako at pahayag, at kahit lantad na labag sa mga prinsipyo ng demokrasyang burgis, o mga patakarang neoliberal.
Sa ganitong kalagayan, ng kagustuhang manalo sa kumpetisyong elektoral ng isang dayuhang kapangyarihan at mga paksyon ng naghaharing uri na naetsapwera sa isang malakas na rehimen, isinilang ang kakaibang penomenon ng kandidatong Duterte: Gera sa droga para kabigin ang militar, pulisya at iba pa. Pagtapos sa kontraktwalisasyon, malakihang pagmimina, at iba pa para sa mga mamamayan at Kaliwa. Trabaho, peace and order para sa mga OFW, na impluwensyal sa pamilya. Kahit gay marriage para sa LGBT. Retorika laban sa US at mga oligarko, “tunay na pagbabago” ng “unang pangulong maka-Kaliwa” umano.
Kaya narito ang bansa ngayon: nasa ilalim ngawtoritaryanismo, nahigitan ang rehimeng Macapagal-Arroyo, kung hindi man ang diktadurang Marcos. Walang deklarasyonng diktadura, pero lantad ang dahas at reyalidad nito. Nananatili ang mga institusyon at prosesong burgis-demokratiko, pero hungkag dahil lantarang nilalabag o binabaluktot ayon sa dikta ng pangulo. Pinapanatili ang paghahari sa pamamagitan ng pagpatay, pampulitikang panunupil, pananakot, panunuhol sa mga pulitiko at opisyal-militar at opisyal-pulisya, panlilinlang lalo na gamit ang social media, retorikang populista, at pana-panahong papogi.
Sa ganitong pag-iiba ng demokrasyang neokolonyal at lantad na diktadura, masasabing ang dekadang 2010-2019 ay kabaligtaran ng dekada 1980: mula sa nauna, napunta sa ikalawa. Mabuway ang ganitong pag-iiba sa mga bansang katulad ng Pilipinas, at may batayang ituring na magkakapareho ang lahat ng rehimen. Mas mapanupil rin ang ikalawang rehimeng Aquino sa nauna, at mas maiksi ang distansyang isinahol ng rehimeng Duterte sa pinalitan nito. Pero makabuluhan pa rin ang pag-iiba para makilala ang kasalukuyang kaaway ng sambayanan, at ang sistemang mabilis sumadsad sa diktadura, deklarado o hindi.
Bilang presidente, sagad-sagaring tuta ng US si Noynoy. Sa panahon niya naging maigting ang panghihimasok-militar ng US sa bansa, sa porma man ng pagpapalipad ng drones o operasyong militar. Dahil rin diyan, tinutulan niya ang mga hakbangin ng China – umuusbong pa lang noong katunggali ng US – sa West Philippine Sea, umabot pa sa puntong nagsampa ng kaso sa Permanent Court of Arbitration. Dumistansya rin siya sa mga transaksyong pang-ekonomiya sa China, bunsod na rin ng pagkakasangkot nito sa eskandalo sa korupsyon kaugnay ng kontrata para sa proyektong NBN-ZTE sa ilalim ni Arroyo.
Bagamat tuta rin ng US, hindi na maikakaila ang pagpapakatuta rin ni Duterte sa China, kahit pa nga sa mga usaping bumabangga sa US. Noong kampanya pa lang, maka-China na siya, hindi lang ipinahalata. Ang banta niya noong papatayin ang mga organisador ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno, ginawa sa konteksto ng pangakong magtatayo ng isla kung saan mamumuhunan ang China: huwag daw mag-uunyon doon. Wala nang pagpapanggap nang maupo siya sa pwesto: mula sa pagtatanggol sa pagkamkam ng China sa West Philippine Sea hanggang sa walang dangal na pagpuri at pagpapakaalipin sa China.
Ang dalawang rehimen, parehong umani ng malawak nabatikos dahil sa mga isyung luwal ng pagpapakatuta. Isa sa pinakamatinding isyu, kung hindi man siyang pinakamatindi, sa rehimeng Aquino ang pagkamasaker sa 44 operatiba ng Special Action Force ng pulisya sa Mamasapano noong 2015. Isa rin sa pinakamatinding isyu sa rehimeng Duterte ang mga hakbangin ng China sa West Philippine Sea, tampok ang pagpapalubog sa bangka ng 22 mangingisdang Pinoy nitong 2019. Bagamat nabatikos din ang mga naunang pangulo dahil sa pagpapakatuta, ibang antas ng pagtuligsa ang inabot nina Aquino at Duterte dahil dito.
Sa kanyang pagsisikap na ibuod ang paglakas ng awtoritaryanismo sa iba’t ibang bansa sa mundo, kung saan maraming katulad at kaibahan din ang rehimeng Duterte, ibinatong tanong ni Mario Candeias kung ano ang makauring batayan ng bagong penomenong ito. Sinipi niya si Etienne Balibar, pilosopong Pranses, na nagtuturo sa papel ng “mga uring indermedya,” o “mga saray ng uri na may relatibong pag-angat o pagsadsad na lumalahok sa gayong proyekto.” Sa kongkreto, tanong niya, “Anu-ano ang mga susing uring intermedya na gumagalaw nang pataas o pababa sa Brazil, sa India, o sa Pilipinas?”
Sinagot ito ng isang pagsusuri sa transisyon sa pagitan ng rehimeng Aquino at Duterte. Sinipi nito ang sinabi ni Julio Teehankee matapos ang eleksyon: “Tulak ng elite ang penomenong Duterte. Ito ang galit na protesta ng bagong panggitnang uri: manggagawa sa BPO, drayber ng Uber, at mga OFW.” Matapos mahalalal, “tumanggap si Duterte ng partikular na malakas na suporta mula sa mga Pilipinong edad 25-45, kumikita nang mataas-panggitna, at nagtapos ng kolehiyo” [Imelda Deinla at Bjorn Dressel, “Introduction,”From Aquino II to Duterte (2010-2018): Change, Continuity – and Rupture, 2019].
Sa naratibo ng mga awtor, ang mga saray na ito ang nakinabang sa “pag-unlad” na naganap ng bansa noong rehimeng Aquino – na nailarawan nang “non-inclusive” o hindi umaabot sa marami. Ayon kay Teehankee, nagbabanat sila ng buto, binubuwisan nang malaki, pero nagdurusa sa kawalan ng serbisyo at sa malalang trapik. Sila rin ang madalas nabibiktima ng mga suliranin sa “peace and order,” katiwalian, at ng iskemang malamang ay kagagawan nina Duterte noon, ang tanim-bala. Kung magigising kaya ang mga saray na ito sa pang-uuto at pambubudul-budol ni Duterte, lintik kaya ang walang ganti?
Ang isang malinaw na pagkakatulad-pagpapaigting sa pagitan ng dalawa ay ang pag-atake sa Kaliwa. Ipinagpatuloy ni Aquino ang ekstrahudisyal na pagpaslang ni Arroyo sa mga aktibista, at pinaigting ang iligal na pagdakip sa kanila – lalo na sa mga konsultant ng National Democratic Front sa usapang pangkapayapaan. Pinaigting naman ni Duterte ang pareho. Tampok na usapin ang Mindanao: ang pagtambak ni Aquino ng 60 porsyento ng militar simula 2014, pinaigting ng dalawa’t kalahating taong batas militar ni Duterte. Masasabi, batay sa tinakbo nito, na mas tinarget ng batas militar ang Kaliwa kaysa mga terorista.
Dinagdagan ito ni Duterte ng atake sa mahihirap na rehiyong Bicol, Negros at Samar – paalala ng ginawa ni Arroyo sa Mindoro, Central Luzon at Samar. Madalas masabi nitong huli na ibinaling ni Duterte ang gera sa droga sa mga aktibista. Totoo, pero ang sekundaryang modus operandi nito – mga lalakeng nakamotor para mamaril – ay unang ginamit ni Arroyo sa mga aktibista. Ang IALAG ni Arroyo, pabrika ng mga gawa-gawang kaso, ay binuhay ni Duterte sa IACLA.Bukod pa diyan ang iba’t ibang kautusang nagpapataw ng state of emergency sa bansa, nagkokoordina ng iba’t ibang ahensya para sa kontra-insurhensya, at iba pa.
Pero maging dito ay may kaibahan. Niligawan ni Duterte ang Kaliwa noong eleksyon, sa pamamagitan ng paggawa ng mga maka-mamamayang pangako. Tumawid ito sa pagtatalaga ng mga progresibong personalidad sa gabinete sa bungad ng rehimen. At nitong Disyembre 2019, nagbukas muli siya sa usapang pangkapayapaan – kaiba kay Aquino na noong tinapos ang usapan sa simula ng termino ay hindi na bumalik. Ginawa niya ito hindi dahil maka-Kaliwa siya, kundi sa kagustuhang palakasin ang sa totoo’y makitid na solidong base sa naghaharing-uri. At hindi nahadlangan ng mga hakbanging ito ang pasismo niya laban sa Kaliwa.
Syempre pa, mas maraming pagkakatulad-pagpapaigting sadalawang rehimen, at malinaw na mas masahol ang kay Duterte. Sa patuloy na pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal, lalong humina ang industriya at agrikultura, at mas sumandig sa sektor ng serbisyo. Lalong umasa sa mga salbabida ng ekonomiya, sa remitans ng mga OFW at sa call centers o BPO – at tanong ngayon ang epekto ng tanggalan sa mga pinapadalhang bansa at ng pagsasa-kompyuter o automation. Lumala ang mga suliranin ng bansa mula kahirapan, kawalang-trabaho at kawalang-lupa, hanggang trapik at komersyalisado pero palpak na serbisyo.
Masasabi namang may apat na pandaigdigang penomenon na malaki ang epekto sa Pilipinas nitong dekada. Una, ang nagpapatuloy na pandaigdigang krisis sa ekonomiya na pumutok noong 2008, na nakakapagpahina sa pamumuhunan at empleyo. Ikalawa, ang paglakas ng China bilang pandaigdigang kapangyarihan, na makikita sa mga isyu sa West Philippine Sea at sa ekonomiya. Ikatlo, ang pag-usbong ng awtoritaryanismo sa maraming bansa, sa gitna ng nagpapatuloy na pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal at ng krisis. At ikaapat, ang climate change na makikita sa bansa lalo na sa mga papatinding bagyo at baha.
Sa pagsasara ng 2019, maririnig ang ilang komentaristang anti-Duterte na nagpapahayag ng siphayo sa pagiging mahina ng oposisyon – na ang tinutukoy nila ay ang burgis na oposisyon. May pauna na ng malagim na hula na matatalo ito sa eleksyong 2022 at magpapatuloy ang paghaharing Duterte, sa pamamagitan ng mga pulitikong ginagawang bida ngayon.Mayroon pang pinag-iiba ang sitwasyon sa US kung saan may pananabik umano sa pagtalo sa eleksyon sa rehimen ni Donald Trump, o takot din sa pagkatalo rito – habang “pagtanggap” daw ang namamayani sa hanay ng mga pwersang anti-Duterte sa Pilipinas.
Nakakulong ang ganitong pagsusuri sa maraming prehuwisyo, na perwisyo: eleksyon ang tanging paraan para tanggalin ang pangulo, at ang burgis na oposisyon lang ang pag-asa. Ang tinatanggihan, ang mga aral ng pagpapatalsik sa diktadurang Marcos, isa pang dahilan para iugnay ang nagdaang dekada at kasalukuyan sa dekada 70 at 80: ang kilusang masa ang gulugod at nagsustine hanggang lumawak at lumapad. Malawak ang organisado kaya malawak ang ispontanyo.Malakas ang mga aksyong lansangan kaya nakapagpatalsik kahit pinalabas na natalo sa eleksyon. Kahit ang oposisyon, nakinabang sa lakas ng mga pwersa ng rebolusyon.