Puwedeng ipagharap ang paiba-ibang pandama ng militar at pabagu-bagong tindig ni Duterte sa mga isyu. Parehong balimbing, parehong umaayon sa interes ng mga naghaharing uri. Ang masama, sa labang ito, laging talo ang sambayanang Pilipino.
Nitong nakaraang mga buwan, nagpahayag ang militar ng pagkabalisa sa dumaraming trabahador at turistang Tsino sa Pilipinas. Ayon pa nga kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., maituturing na banta sa seguridad ng bansa ang pagdami ng mga manggagawang Tsino.
Ngayon, sa ngalan ng ilusyon ng pagkakapantay-pantay ng oportunidad para sa mga negosyante, handa ang militar itrato ang Dito Telecommunity Corp., isang joint venture sa China Telecom na pinagmamay-ari ng gobyerno ng Tsina, na walang pinagkaiba sa Globe Telecom at Smart Communications.
Tulad ng proseso sa dalawang telecommunications company, pumasok ang militar sa isang kasunduan na nagbibigay kapangyarihan sa Dito Telecommunity Corp. makapagbuo ng pasilidad sa luob mismo ng mga kampo.
Ikinabahala ito ng ilang senador dahil kilala ang Tsina sa mga batas na sumusuporta sa pagmamanman sa mga mamamayan nito. Kung pinagdududahan na ng ibang bansa ang isang pribadong kompanya tulad ng Huawei, paano pa kayo ang isang partnership na may impluwensiya ng mismong gobyerno ng Tsina?
Kitang kita ang biglang pagkamanhid ng militar sa usaping seguridad. Paliwanag nila, hindi naman raw ito itatayo sa mismong lokasyon ng mga communication satellite ng militar. Mayroon rin silang pinasok na masinsinang pagkakasundo ukol sa pagmamanman sa mga Pilipino. Inaanyayahan tayong magtiwala.
Saan natin kukunin ang tiwala, kung dahan-dahang sumasandal at dumedepende ang bansa sa kapangyarihan ng Tsina? Una, sa industriya ng offshore gaming na dinudumog ng mga manggagawang Tsino. Ngayon naman, sa bayad na inaasahan galing sa pagrenta ng Dito Telecom—mga workshop, dagdag na instrumento, at kung ano-ano pang kasangkapan ng militar na maaari naman nilang hagilapin nang hindi yumuyukod sa ibang bansa.
Inaanyayahan tayong magtiwala sa kabila ng pagsuko ng presidente sa soberanya natin. Pamahid puwet, aniya. Kaibigan naman natin ang Tsina, kaya ang bahagi natin ng karagatan ay kanila rin naman.
Bakit pa nga ba tayo magugulat sa biglang liko ng militar. Hindi naman talaga nalalayo ang kahol ng aso sa kabalbalan ng kanyang amo.