Bumabayo sa hangin
ang mga nakakuyom
at nakatanghal na
bisig at kamao;
sumusulong ang mga
yabag na lumilikha
ng maliit-malaking
burol at bundok ng
rumaragasang daluyong;
nagngingitngit-umiimpit
ang mga ngipin sa
isa’t isa habang
ang mata’y animo’y
Bagong Buwan-
pumipiglas ang mga ugat
at waring mata ng Diyos
na lumuluha ng dugo,
nakakakilabot at
nakakalambot ng laman,
buto at bungo;
telon ang katahimikan
ang pagsabog ay palakpakan
ang hiyaw ay silbato
ang tangis ay atas
ang sakit ay talas
ang hapdi ay bigwas
at ang pagbagsak ay hudyat
ng pagsilang ng alamat.
*Ang salitang bandillo ay nangangahulugang “town crier” o tagapagpabalita sa bayan-bayan; regular na kolum ni Randy Malayao ang bandillo sa Nordis, isang lingguhan at panrehiyunal na pahayagan sa Hilagang Luson.
Si Rene Boy Abiva ay dating bilanggong politikal at awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula (2018).
The post Bandillo 50 appeared first on Manila Today.