Matapos ang isang taon at limang buwan, mistulang nasa sukdulan na ang kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng “pasistang” presidente na si Rodrigo Duterte.
Mula sa presidenteng nagsasabing may malasakit siya sa mga mamamayan at bukas ang isipan sa progresibong mga reporma, ang Pilipinas ngayo’y pinamumunuan ng lider na itinuturing na pasista at diktador na tumalikod sa pangangailangan ng mga mamamayan upang mapagbigyan ang interes ng iilan.
Kung tutuusin, simula’t sapul, ayon sa grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, nariyan na ang senyales ng pasistang tunguhin ng rehimen: ang madugong giyera kontra droga, at pagpapatuloy ng programang kontra insurhensiya ng nakaraang mga rehimen.
Bago pa man ikansela ang usapang pangkapayapaan, ilang paglabag na sa karapatan pantao ang naganap magmula sa hindi makaturang pag-aresto at ilang mga pagpatay ang naitala ng Karapatan. Umigting ito noong tuluyan nang ianunsiyo na wala nang usapang sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng gobyerno ng Pilipinas at itinuturing na raw ng gobyerno na “terorista” ang New People’s Army (NPA) at Communist Party of the Philippines (CPP).
Batay sa mga aksiyong ito ni Duterte, para sa mga progresibo, tuluyan nang namili ang pangulo kung saang panig, kung kaninong alyado at kung anong bihis ang ipapakita nito. At malinaw sa kanila na hindi ito para sa mga mamamayang Pilipno.
Masaker sa masa
Umpisa pa lang ng termino ni Duterte, dugo na ang bumalot sa mga eskinita at kakalsadahan sa Pilipinas dahil sa kanyang Oplan Tokhang sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP).
Naging talamak sa programang giyera kontra droga ang brutal na pagpaslang sa maraming pinaghihinalaang tulak at gumagamit ng droga ng ilang kapulisan at di-kilalang armadong indibidwal.
Sa tantiya ng Karapatan, mula 4,000 hanggang 14,000 na ang naiulat na biktima ng giyerang ito.
Hindi rin nakaligtas ang maraming kabataan sa kalupitan ng giyerang ipinapatupad ng gobyerno. Base sa pagsusubaybay ng Children’s Rehabilitation Center (CRC), higit na sa 31 kabataan ang napapaslang kaugnay ng isinasagawang operasyon ng kapulisan.
Sina Kian delos Santos,17, Carl Arnaiz, 19, at Reynaldo de Guzman, 14, ay ilan lang sa kabataang brutal na pinaslang ng kapulisan. Sa kabila ng matibay na mga ebidensiya na nagpapatunay laban sa PNP, patuloy pa rin ang brutal na pagpaslang sa mga biktima.
Pampulitikang pamamaslang
Nitong Dis. 3, muling nagimbal ang madla sa balita: Patay ang isang pari matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilang indibidwal sa Jaen, Nueva Ecija.
Napagalamang dating pari ng Guimba at coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines sa Gitnang Luzon na si Fr. Marcelito “Tito” Paez ang biktima ng nasabing pamamaril. Bandang alas-otso ng gabi nang pagbabarilin si Fr. Paez sa kanyang sasakyan. Naisugod pa ito sa ospital ng San Leonardo ngunit kalauna’y binawian rin ng buhay.
Ayon sa Karapatan, tumulong pala ito sa pagpapalaya ng bilanggong pulitikal at organisador ng magsasaka na si Rommel Tucay.
Samantala, isang araw bago paslangin si Fr, Paez, patay rin sa pamamril ang isang pastor na si Lovelito Quiñones, 57, habang pauwi ito sa kanilang tahanan. Hinihinalang elemento ng Regional Mobile Group (RMG) na noo’y nakikipagsagupaan sa NPA ang pumaslang sa pastor. Pinagbibintangan ng 203rd Brigade ng Army na miyembro ng NPA si Quiñones. Agad naman itong pinasinungalingan ng pamilya ng biktima.
Samantala, hindi rin nakaligtas sa mainit na gatik ng gatilyo ang maraming magsasaka at ilang tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Nitong pagpasok ng Nobyembre, sunud-sunod ang pagpaslang sa mga lider-magsasaka ng ilang elemento ng militar at di-kilalang mga indibidwal. Halos lahat ng biktima’y pinaghihinalaang miyembro ng NPA, kundi man sumusuporta sa mga ito.
Tumataas din ang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa bansa. Ayon sa Karapatan, higit 121 na ang inaaresto sa ilalim ng administrasyong Duterte dahil sa gawa-gawang mga kaso. Sa kabuuan, mayroon nang 449 na mga bilanggong pulitikal. Kabilang sa kanila ang matatanda, may sakit at mga menor-de-edad.
Sukdulan na rin ang kinakaharap ng maraming katutubong Lumad sa Mindanao. Lumala na ang militarisayong nagaganap sa kanilang lugar na naging dahilan upang muling magbakwit nila. Dumadanas din sila ng pandarahas sa mga militar at maging ang mga donasyong bigas at pagkain ay hindi hinayaang makaabot sa mga bakwit.
Nitong huling dalawang linggo, lalong tumindi ang mga atake. Dis. 3, pinagbabaril ang walong katutubong T’boli at Dulangan na pawang mga magsasaka ng pinaghihinalaang mga miyembro ng 27th at 33rd Infantry Battalion ng Army sa probinsiya ng Saranggani.
Bandang ala-una ng hapon, dapat sana’y mag-aani ng kanilang mga pananim ang mga Lumad nang pagbabarilin sila. Kinilala ang mga nasawi na sina Victor Danyan, Victor Danyan, Jr., Artemio Danyan, Pato Celardo, Samuel Angkoy,To Diamante, at Bobot Lagase, Matend Bantal. Samantalang sina pawang sugatan naman sina Luben Laod at Teteng Laod. Kabilang ang mga napaslang sa grupong lumalaban para sa kanilang lupang ninuno na inagaw ng kompanyang Consunji/DMCI sa mahabang panahon.
Nagsimula na ring magbakwit ang ilang B’laan (Lumad) mula sa ilang barangay sa Saranggani dahil sa walang humpay na pag-atake ng mga militar. Tinatayang nasa 210 na pamilya ang nagbakwit.
“Hindi nila pinapayagang makapasok ang mga pagkain mula sa ilang nagbibigay-tulong kahit kasama namin ang ilang opisyal ng gobyerno. Hindi rin nila pinapayagang makapasok ang mga estudyante at guro sa kanilang lugar kung saan matatagpuan ang evacuation center,” ani Chad Booc, boluntaryong guro ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development Inc. o Alcadev sa Surigao del Sur.
Samantala, sa kabila ng paghupa ng labanan sa Marawi sa pagitan ng gobyerno at sinasabing mga miyembro ng grupong Maute, nananatiling nawawala ang libu-libong residente—hindi matukoy kung lumipat sila sa ibang lugar o nasawi sa mga pagbomba at labanan.
Palit-kulay
Sa maikling panahon ng panunungkulan, mabilis na nagpalit kulay ang dating administrasyong Duterte. Mula sa ultimo’y kulay puti dahil sa magagandang pangako para sa bayan, biglaang bumuhos ng mala-dugong kulay sa kalsada, bukid at kabundukan.
Ang mga sunud-sunod na hindi magagandang pangyayari sa hanay ng katutubo, magsasaka, at maralitang lungsod ay naghudyat ng pagkaalarma ng ilang grupo lalo na’t nakaamba ang pagpapahaba ng basta militar sa Mindanao at pagpapalawak ng implementasyon nito sa buong bansa.
Sa pagdeklara rin ni Duterte na mga “terorista” na ang mga nagrerebolusyong kasapi ng CPP-NPA-NDF, pinangangambahan ang pagtindi ng mga atake sa mga sibilyang komunidad at indibidwal. Samantala, sa pagdeklara rin ng Pangulo ng crackdown sa legal at sibilyang mga organisasyong masa, mistulang tumtutungo na ang bansa sa mala-batas militar na hayagang pagsupil sa karapatan ng mga mamamayan.
“Maraming aktibista, progresibong organisasyon, at mga target na komunidad ay alam ang brutal at mapangabusong kakayahan ng Estado, at at kami ay nangangamba na rito,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Pero ipinapakita ng karanasan ng bansa sa batas militar noon na sa harap ng mga panunupil ay lalakas lamang ang kilusang masa, lalakas lamang ang boses ng mga mamamayan na gumigiit ng pambansang kalayaan at demokrasya.