Alalahanin ang Balangiga! Ito ang panawagan ng nakararami tuwing magtatapos ang buwan ng Setyembre bilang paggunita sa simula ng naganap na madugong tunggalian sa pagitan ng mga Pilipino at mga Amerikano sa Balangiga, Samar noong 28 Setyembre 1901. Ang bilang ng mga nasawi; ang pinsalang idinulot sa kabuhayan ng mga pamayanan; ang pangdiplomatiko at pangmilitar na implikasyon ng mga naganap; at ang lamat sa sikolohikal na kapanatagan ng mga kasangkot sa mga pangyayari ang patunay ng bigat na dulot ng Balangiga sa kasaysayan. Hanggang sa kasalukuyan, marami pa ring bukas na usapin ang hindi pa resolbado kaugnay ang Balangiga na patuloy na nagsisilbing bahid sa ugnayan ng Amerika sa Pilipinas.
Isang trahedya sa kasaysayan ang naganap trahedya sa Balangiga. Trahedya ito dahil kahit na napakalalim ng sugat na idinulot nito sa pambansang kasaysayan tila nalimutan na ito ng mga karaniwang mamamayan. Bibihira ang mga teksbuk sa kasaysayan na nagbabanggit ng kasaysayan ng Digmaang Pilipino-Amerikano.
Kung may mga aklat mang pahapyaw itong matatalakay, kalimitang hindi mababanggit ang naganap sa Samar bilang bahagi ng kasaysayan ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Kalimitang nakatutok sa Luzon at ang mga sentro ng mga pangyayari gaya ng Kawit, Palanan, Cabanatuan, Tirad Pass at Palanan ang mga tinatalakay – mga lugar na matatagpuan lahat sa Luzon.
Sa maraming kasulatan din, kalimitan nang ipinapahayag na nagtapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano sa pagsuko ni Emilio Aguinaldo nang masukol ito sa Palanan, Isabela noong 23 Marso 1901. Lalo nang nabaon sa limot ang mga pangyayari dahil sa inagurasyon ng pamahalaang sibil ng kolonyal na gobyernong Amerikano sa pamumuno ng itinalagang Gobernador Heneral William Howard Taft noong 4 Hulyo 1901. Ibig sabihin, dahil umiiral na ang pamahalaang sibil at dahil sumuko na si Aguinaldo at nanumpa na ito ng katapatan sa pamahalaang kolonyal ng mga Amerikano, tila nabawasan na ang lehitimasyon ng mga kilusan ng mga Pilipinong naglulunsad pa rin ng armadong pakikipaglaban sa Amerika.
Bilang pagpapatuloy ng pakikipaglaban sa mga Amerikano, maraming mga Waray ang nakipaglaban sa mga bagong dating na kaaway sa iba’t ibang pamamaraan. May ilang hayagang nakipaglaban at nagpunta sa mga bundok upang maglunsad ng gerilyerong pagkilos. Ilang pananambang, pag-atake at pagsalakay sa mga destakamentong Amerikano ang isinagawa at panaka-nakang pumipigil sa paghimpil ng mga Amerikano sa mga pangunahing bayan ng Samar. May ilan namang nakipag-alyansa at nagbigay ng panlabas na kooperasyon sa mga sundalong Amerikano kahit na patalikod na sumusuporta sa mga gerilyerong nakikipaglaban.
Dahil sa patuloy na gawain ng mga gerilyero, ang Amerikanong heneral na pinuno ng pananakop ng Samar, si Brig. Gen. Robert P. Hughes, ay nag-utos na magkaroon ng blockade ng mga suplay ng pagkain, damit, at higit sa lahat ng sandata na maaaring makarating sa mga gerilyerong Pilipino. Dahil sa estratehikong lokasyon ng Balangiga mula daungan patungong interior ng Samar, isa ito sa naging sentro ng blockade na isinakatuparan. Sa utos ng Amerikanong pinunong militar na naitalaga sa Balangiga na si Capt. Thomas Connell, kinumpiska ng mga Amerikano ang mga bigas na nasa kabahayan ng mga tao; hinuli at ikinulong ang mga kalalakihang maaaring sumuporta sa mga gerilyero; at kinuha ang kanilang mga bolo na maaaring gamitin sa pakikipaglaban.
Ang mga mamamayan sa pamumuno ni Valeriano Abanador ang nagplano ng pag-atake sa Company C ng mga sundalong Amerikano. Nagpanggap silang naghahanda sa fiesta ng bayan bilang kunwaring pagtanggap sa pagbisita ng Army General ng US Army sa lugar. Tiniyak nilang malalasing ang mga sundalong Amerikano sa mga tuba na kanilang ibinigay dito. Pinatakas din nila ang ilang mga bata at kababaihang maaaring madamay sakaling maging madugo ang labanan.
Sa umaga ng 28 ng Setyembre 1901, habang nakabalatkayong mga babae, ilang mga gerilyero at mga lokal na kalalakihan ang nakalapit sa mga nag-aalmusal na mga Amerikano sa may plaza ng Balangiga. Ang sorpresang atake ng mga taga-Balangiga ang nagbunga ng malaking pinsala at kamatayan sa Company C. Sa 74 sundalo ng Company C, 36 ang namatay sa labanan, kasama ang mga opisyal nitong sina Capt. Thomas Conell, First Lt. Edward Bumpus at Maj Richard Griswold. Dalampu’t dalawa ang sugatan at apat ang nawawala (at naitalang kasama sa mga nasawi kalaunan). Walo ang namatay kalaunan sanhi ng mga tinamong sugat at apat lamang ang nakatakas nang ligtas. Nakumpiska ng mga Pilipino ang kanilang mga sandata at bala kahit na nagtamo ito ng 28 namatay at 22 na nasugatan.
Naging kontrobersyal ang naganap sa Balangiga nang malathala ito sa mga pahayagan sa Amerika. Itinuring itong isa sa pinakamalaking pagkatalo ng mga Amerikano sa kanilang digmaan sa Pilipinas. Lalong naging malala ang mga kritisismo sa pamahalaan dahil sa opinyong publiko na nagtanong sa kahihinatnan at paroroonan ng pakikisangkot sa Pilipinas – lalo na dahil naganap ang pagkatalo nila sa Balangiga matapos ang pagpapahayag na Pamahalaang Sibil na ang namamahala sa Pilipinas at sumuko na si Aguinaldo.
Laking gulat ng mga Amerikano sa simbolong dala ng Balangiga. Hindi totoong tapos na ang digmaan. Ipinahayag ng Balangiga na hindi pa ‘napapapayapa’ ang mga Pilipino at hindi lahat ay tumanggap sa pananakop ng mga Amerikano.
Hinakot ang mga Amerikanong nasa Pilipinas sanhi ng mga pangyayari. Bilang ganting salakay, dumating ang commander ng mga Amerikano na unang nakatalaga sa katabing bayan ng Basey na si Capt. Edwin Bookmiller at sinimulang sunugin ang buong bayan ng Balangiga matapos ilibing ang kanilang mga kasamahang Amerikano sa bayan. Nakatanggap ng kautusan mula sa Pangulo ng Amerika si Maj. Gen. Adna Chaffee, pinunong militar sa Pilipinas, na gumawa ng lahat ng maaaring gawin upang ‘patahimikin ang Samar’. Itinalaga ni Chaffee si Brig. Gen. Jacob Smith upang isakatuparan ang kautusan. Sa kanyang pagnanasang mapapayapa ang Samar, inutusan ni Smith si Maj. Littleton Waller, commanding officer ng Batalyon ng US Marines na nasa lugar na ‘Sunugin ang Samar.”
Ang naitalang pasambit na utos ni Smith kay Weller ang sumusunod:
“Smith: I want no prisoners. I wish you to kill and burn. The more you kill and burn, the better you will please me. The interior of Samar must be made a howling wilderness… I want all persons killed who are capable of bearing arms against the United States…
Waller: I would like to know the limit of age to respect, Sir.
Smith: Ten years.
Waller: Persons of ten years and older are those designated as being capable of bearing arms.
Smith: Yes.”
Batay sa kautusan ni Smith, nagsimula ang malawakang pagpatay sa mga Pilipino na ginawa ng mga tropang Amerikano – na kahit mga batang may gulang 10 taon ay target ng pagpatay. Malawakan din ang panununog ng mga bayan sa Samar. Ang mga dinaanang bayan ng mga tropang Amerikano ang nahayag sa sistematiko, organisado at malawakang panununog ng mga ito. Hindi lamang mga kabayahan ang sinunog. Kahit ang mga pananim na abaka na siyang pangunahing produktong itinatanim ng mga taga-Samar ang sinunog upang hindi na magkaroon pa ng kabuhayan ang mga mamamayan. Binunot ng mga sundalo ang mga kamote na nadadaanan upang walang makain ang mga tao. Kinumpiska rin ng mga ito ang mga bigas, gulay at mga hayop pansakahan upang mawalan ng pagkain ang mga mamamayan.
Sa kanyang ulat ng operasyon, tuwang-tuwa pang sinabi ni Weller na matapos ang isang linggong operasyon ng kanyang hukbo, “malugod” silang nakapanunog ng 255 dinaanang bahay, nakabaril ng 13 kalabaw, at nakapatay ng 39 tao.
Bukod sa aktwal na iniulat ni Weller, marami ring mga ulat na mga bayang sinunog, mga mamamayang namatay, at mga pananim na nasira ng digmaan. Kung nagtagumpay man ang mga Pilipino sa labanan sa Balangiga ng 28 Setyembre 1901, higit na mabagsik naman ang idinulot na ganting salakay ng mga Amerikano. Iba-iba ang tantiya ng mga namatay na mga Pilipino sa direkta at ‘di direktang pamamaraan ng mga Amerikano. Marami ang namatay sa sakit at gutom sanhi ng panununog at pagkasira ng mga pananim at kamatayan ng mga hayop pansakahan. Sa tantiya ng ilan, mayroong humigit kumulang na 15,000 na “nawalang” populasyon sa pagitan ng 1887 at 1903 census. Sa ibang mga pananaliksik, mula 2,500 hanggang 50,000 ang namatay sanhi ng tunggalian.
Sanhi ng karahasan at mabangis na pamamaraan ng pakikidigma, maraming mga Amerikano mismo ang tumutol sa mga ginawa ng kanilang sundalo sa Samar bilang panunupil sa mga Pilipino. Batay sa utos ng US Secretary of War, nagkaroon ng relief sa tungkulin ang mga opisyales na Amerikano na nakatalaga sa Samar at nailagay sa court martial proceedings sina Smith at Weller bunga ng pagmamaltrato sa mga Pilipino. Napawalang sala si Weller, gayong nahatulan ng kasalanan si Smith bilang mas mataas na opisyal, at ito ay pinagsabihan at pinagretiro sa serbisyo. Ito ang itinuturing na katumbas ng kanyang kasalanang pag-uutos na pumatay, manunog at magsamantala sa mga mamamayang Pilipino.
Bilang war booty, kinuha ng mga sundalong Amerikano ang mga kampanang nakalagay na sa simbahan ng Balangiga mula pa noong ikalabing anim na dantaon, pati na ang kanyong ginamit ilang dantaon na ang nakaraan. Inilagak nila sa base militar ng Amerika sa Camp Red Cloud, Korea ang isa sa mga kampana, samantalang inilagay naman sa FE Warren Air Force Base sa Cheyene, Wyoming ang dalawa sa mga ito. Sa mahabang panahon, naging simbulo ang mga kampana ng karahasan at pagnanakaw ng pagkakakilanlan na kaakibat ng digmaan. Isang kabalintunaan ang naganap na pagsasauli ng mga kampana nitong nakaraan nang ipahayag ng mga opisyal na salamin ang pagsasauli ng ‘natatanging pagkakaibigan’ ng Amerika at Pilipinas. Hindi naging pagkakataon ang seremonyal na pagbabalik upang mapwersa ang Amerika na humingi ng kapatawaran sa mga ginawa nitong karahasan sa Pilipinas, na ginagawa ng ibang bayang nasa antas ng rekonsilyasyon matapos kaharapin ang pait ng digmaan. Sa pagsasauli ng mga kampana, sa halip na kaharapin ang katotohanan ng nakaraan, naging pamamaraan pa ito para ilagay sa limot na kabanata ng kasaysayan ang tunay na naganap na tunggalian sa Samar.
Tila nananatiling nasa gilid, marginalisado at periperal sa kasaysayan ang Samar bilang sentro ng kilusang anti-kolonyal. Ang naganap sa Balangiga ang patunay na marami pang kailangang iahon sa limot at kilalanin bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
Ref:
Rolando Borrinaga. The Balangiga Conflict Revisited. Quezon City: New Day, 2003.
Bob Couttie. Hang the Dogs: The True Tragic History of the Balangiga Massacre. Quezon City: New Day, 2004.
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.
The post Batingaw mula Balangiga appeared first on Bulatlat.