Bagong Bayani kung tawagin ng gobyerno ang overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa ambag nila sa pagsalba ng pambansang ekonomiya. Pero ngayong sila ang nangangailangang isalba, bakit tila walang mai-ambag ang gobyerno para isalba sila?
Karima-rimarim ang kinakaharap ngayon ng mga Pilipinong nasa frontlines ng paglaban sa pandemya sa ibayong dagat. Sa huling tala ng Department of Foreign Affairs, umabot na sa 189 OFW ang namatay habang 1,604 naman ang nagpositibo sa coronavirus disease-2019 (Covid-19).
Masaklaw pa ang sa epekto ng pandemya sa katayuang pang-ekonomiya ng mga migranteng Pilipino. Sa iba’t ibang bansa, marami sa mga OFW ang natanggal sa trabaho, kinakaltasan o hindi nakakasahod, puwersahang pinapag-unpaid leave at ipinasok sa iskemang “no work, no pay”.
Sa taya ng Migrante International, nasa 420,000 OFWs ang inaasahang mapipilitang uuwi ng Pilipinas dahil sa Covid-19 sa mga bansang pinagtatrabahuhan.
Pero sa ikalimang lingguhang ulat ni Pangulong Duterte sa Kongreso noong Abril 27, lumalabas na 15.10 porsiyento pa lang, o katumbas ng 20,500 mula sa target nitong 135,720 OFWs na nawalan ng trabaho, ang nabigyan ng tig-$200 (Php10,000) na pinansiyal na ayuda sa ilalim ng programang Covid-19 Adjustment Measures Program-Abot-Kamay and Pagtulong (CAMP-AKAP).
Ayon pa sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa 233,015 OFWs na nag-aplay para sa CAMP-AKAP, umabot sa 49,040 pa lang ang naaprubahan. Kulang daw kasi ang P1.5 Bilyong pondo para sa nasabing programa.
Sa isang panayam sa midya, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac na buo pa rin ang mahigit Php 20-B pondo ng ahensiya. Pero ang pinagtatakhan ng OFWs, bakit hindi nila mapakinabangan ang pondong kinolekta sa kanila at nakalaan talagang gamitin kapag nangailangan sila?
Istranded
Dobleng dagok naman ang nararanasan ng OFWs na istranded sa National Capital Region mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).
Bukod pa kasi sa libu-libo nang narepatriate na OFWs mula sa iba’t ibang bansa na istranded ngayon sa quarantine facilities, mahigit 30,000 pang istranded sa Kamaynilaan na seafarers at land-based OFWs na nagsasanay o nag-aayos pa lang ng papeles at mga kontrata nang abutan ng ECQ.
Daing nila, hindi na nga sila makapagtrabaho, wala pa silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno.
Hindi kasi kasama sa prayoridad na bigyang ayuda ang mga gaya nilang hindi pa nakakaalis o paalis pa lang. Dahil mga OFWs, hindi rin isinasama ang pamilya nila sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kuwento ng seaman na si Jevy Garsilva, isa sa libu-libong nag-aplay para sa AKAP, naka-ilang balik na sila sa OWWA para humingi ng tulong. Nilalakad lang nila mula sa boarding house sa Maynila papunta sa tanggapan ng ahensiya sa Pasay pero ipinapasa lang sila sa Maritime Industry Authority (Marina) na ipapasa lang din sila sa kani-kanilang manning agency.
“Pagpunta namin sa OWWA ituturo kami sa Marina tapos sasabihing hindi mandatory (ang pagbigay ng tulong), kasi wala pang badyet. Nasaan ’yung pondo namin? Ang tulong kailangan namin ngayon, hindi pagkatapos pa ng lockdown,” ani Jevy.
Lampas isang buwan nang stranded si Jevy sa Maynila. Kakatapos niya lang magsanay dito at pasampa na sana ng barko nang abutan ng lockdown. Dahil hindi nakaalis, problema niya ngayon kung saan kukuha ng panggastos sa araw-araw at ang ipapadala sa pamilya sa probinsiya na hindi rin makapaghanap-buhay dahil sa ECQ. Ang naipon niya kasi, naubos na sa training at pagaayos ng mga papeles.
“Buti yung mga nakaalis, kahit papaano may maiuuwi pa. Eh, paano naman kaming mga istranded? Dapat bigyan din kaming prayoridad,” giit ni Jevy.
Akomodasyon
Karamihan sa mga istranded na OFWs nagtitiis sa napakamahal at mapagsamantalang akomodasyon sa mga boarding house at dormitoryo malapit sa tanggapan ng kani-kanilang kompanya o agency.
Ang caregiver na si Glenda Matias, kakauwi lang ng Pilipinas noong Enero at pabalik na sana sa Cyprus nang makansela ang flight niya noong March 17 dahil sa ipinatutupad ding lockdown doon.
Noong plastado pa ang pag-alis, sagot ng ahensiya ang pagtuloy niya sa isang hotel. Pero nang maudlot ang biyahe, inilagak na siya sa isang boarding house na aniya’y hindi makatao ang pagtrato sa mga nangungupahan.
“Napakahirap ng kalagayan namin. Mga professional kami pero hindi makatao ang trato sa amin. Para kaming nakakulong. Hindi namin alam ang nangyayari, malayo kami sa pamilya. Hindi na nga kami isinasama sa listahan ng dapat bigyan ng barangay madalas pa kaming pagsalitaan ng masama,” daing ni Glenda.
Gustuhin man ni Glenda, hindi naman niya magawang bumalik na lang muna sa pamilya sa Bicol dahil sa mga restriksiyon ng ECQ.
Sa dami ng mga istranded na OFWs sa mga boarding house at dormitoryo, karaniwan nang siksikan at mahirap magawa ang pisikal na pagdistansiya. Hindi rin sila kasali sa prayoridad sa mass testing kaya may mga nangangamba rin na baka nagkakahawahan na sila.
Kahit mainit at hindi kumportable ang kondisyon sa loob, hindi naman nila magawang makalabas dahil hindi sila lahat mabigyan ng mga quarantine pass.
Dahil pansamantala lang na nangungupahan, hindi rin sila naisasama sa nabibigyan ng ayuda ng lokal na mga pamahalaan. Kaya karamihan ay nakaasa na lang sa padala ng mga kamag-anak sa probinsiya para sa pambayad-upa at mga pangaraw-araw nilang gastusin.
Kahit mga lokal na pamahalaan namumrublema na rin kung saan kukuha ng itutulong sa istranded na OFWs sa kanilang nasaasakupan.
Ang Kapitana, halimbawa, ng isang barangay sa Quiapo na nakakasakop sa Pagoda Seaman’s Dorm, na may 170 istranded na seafarers, at Guzman Dorm, na may 300 istranded na seafarers, personal nang nanawagan sa social media ng tulong para sa nangungupahang OFWs.
Kulang na kulang na aniya ang kanilang rekurso kahit para sa mga mismong residente ng kanilang barangay.
“Sa totoo lang, kami sa barangay, hindi na alam saan kukuha ng ipapakain sa mga tao. Umaasa na lang kami na may tumugon sa panawagan namin sa social media para matulungan sila kasi kawawa naman hindi mga makauwi,” ani Kapitana.
Hiling ng mga istranded na seafarers ng Pagoda sa gobyerno na sana matulungan silang makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya. Gusto rin sana nilang mapasama sa mga prayoridad sa mass testing para tiyakin na kung uuwi man sila sa kanilang mga pamilya ay ligtas at hindi sila magdadala ng sakit na Covid-19.
Reklamo pa nila, “pagkoleksyon ambilis ng OWWA pero pagtulong nga-nga!”
Online petition
Samantala, inilunsad naman ng Migrante ang isang online petition para ipanawagan sa administrasyong Duterte na ilabas na ang tulong pinansiyal para sa lahat ng OFWs na nangangailangan at apektado ng Covid-19 pandemic.
Sa nasabing petisyon, sinabi ng Migrante na “Gutom na po ang mga OFWs at kanilang mga pamilya sa Pilipinas.”
Kabilang sa mga panawagan nila ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa lahat ng OFWs at kababayan na nangangailangan at apektado ng Covid-19 saan man naroon. Hiling din nila ang agarang paglabas at pamamahagi ng pondo para sa tulong pinansiyal na dapat gawing abot-kamay, ligtas, at mabilis ang pagpoproseso at pamamahagi.
Nanawagan din ang Migrante na protektahan ang frontliners sa pamamagitan ng pagpapabuti ng pampubikong mga ospital, agarang tulong pinansiyal o relief para sa mga mamamayan, lalo na sa mahihirap at pagalang sa mga karapatang pantao.
“Sa loob ng maraming dekada, ang remitans ng mga OFW ang nagsilbing salbabida ng ekonomiya ng bansa. Dahil sa pandemyang Covid-19, nasa sitwasyon tayo na ang mga OFW naman ang nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno,” sabi ng Migrante sa petisyon.
Dapat anilang “kagyat na tugunan ng gobyerno ng Pilipinas ang responsabilidad nito sa mga mamamayan sa loob at labas ng bansa.”
#DamayangMigrante
Habang matigas ang pagkatikom ng palad ng gobyerno sa pagbigay ng ayuda sa mga itinuturing na bagong bayani, nagsama-sama naman ang kapwa OFWs, mga samahan ng migranteng manggagawa, simbahan, non-government organizations at mga personalidad para damayan ang mga kababayan nating OFWs.
Pinangunahan ng Migrante at Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid) ang paglulunsad ng “#DamayangMigrante”, isang relief mission para sa istranded na OFWs sa NCR. Layunin nitong makapaghatid ng kaunting tulong para maibsan ang hirap na dinaranas ng mga OFWs bunga ng pandemiya ng Covid-19 at kapabayaan ng gobyerno.
Bahagi rin ng programa ng #DamayangMigrante ang pangangalap ng suportang materyal at lohistikal para matulungan ang istranded na OFWs na makauwi sa kanilang probinsiya o mahanapan sila ng mas maayos at kumportableng matutuluyan sa panahon ng lockdown.
Nanuna nang nakapaghatid ng paunang ayuda sa pamamagitan ng mga lutong pagkain at face masks sa mahigit 250 istranded na OFWs sa tatlong akomodasyon sa Maynila. Kasama sa mga naghatid ng tulong sa unang larga ng #DamayangMigrante ang aktres na si Sue Prado.
Samantala, tuluy-tuloy naman ang pangangalap at repacking ng relief goods na mga pagkain at hygene kits ng United Methodist Church na nakatakdang ipamahagi sa mga pamilya ng mga OFW sa Caloocan at Quezon City.
Sa huli, nanawagan naman ang Migrante sa kapwa OFWs at sa sambayanang Pilipino na huwag tumigil sa “paglalabas ng ating mga hinaing” at “huwag mapagod sa pagbatikos sa mga hindi makatarungang patakaran.”
Ayon pa sa Migrante, “Tanging ang sama-sama nating pagtindig at pagkilos ang magdudulot ng kaligtasan sa krisis ng Covid-19.”