Ayon sa mga mamamahayag na pang-agham (maraming trabaho ang nakikilala dahil sa krisis ngayon), galing ang Coronavirus sa mga hayop sa gubat, partikular sa mga paniki. Katulad ng ibang virus na tinatawag na zoonotic, nabubuhay sila sa mga hayop at nagdudulot ng sakit sa tao kapag nagawang tumalon sa tao. Mainam hanapin samakatwid ang mga kalagayang naglalapit sa kanila at mga tao: pagkawasak ng mga kagubatan, paglaki ng populasyon ng tao, kaakibat ang lumalawak na agrikulturang industriyal at pagpaparami ng mga lungsod at bayan. Mabilis naman silang lumaganap dahil sa pag-unlad ng teknolohiya para sa paglalakbay ng mga tao at para sa paglilipat ng mga alagang hayop, at maging mga hayop sa gubat.
Sa mas masaklaw na pag-unawa, samakatwid, resulta ang pandemya ng Covid-19 hindi ng tao sa pangkalahatan kundi ng sistemang panlipunan ng tao: ng kapitalismo at ng yugto nito ngayong imperyalismo. Sa partikular, tumatampok ang tuluy-tuloy na pagsaklaw nito sa espasyo, kasama ang mga kalupaan at kagubatan, para magkamal ng tubo at bunsod ng krisis ng labis na produksyon — bagay na laging sinasabi ni David Harvey, Marxistang palaisip. Kailangan ng mapagkukunan ng mga troso at hilaw na materyales, ng mga bagong plantasyon, ng mga bagong lungsod na pagtatayuan ng negosyo.
Maaalala sina Karl Marx at Friedrich Engels mismo sa bahagi ng Manifesto ng Partido Komunista na sinasabing prediksyon ng globalisasyon: “Tinutugis ang burgesya sa buong ibabaw ng globo ng pangangailangan sa tuluy-tuloy na lumalawak na merkado para sa mga produkto nito… Ipinailalim ng burgesya ang kanayunan sa paghahari ng mga bayan.” At si Vladimir Lenin sa Imperyalismo, na sumipi sa imperyalistang si Cecil Rhodes na nagpanukala ng solusyon sa banta ng kaguluhan sa Inglatera: “Kung gusto ninyong makaiwas sa digmaang sibil, dapat kayong maging mga imperyalista.”
Syempre, masasalang ang sistemang pang-ekonomiya na umiiral sa China, na nagkataong pinagmulan ng Coronavirus. Sa isang banda, nariyan ang Maoistang pagsusuri na tumahak na sa landas ng kapitalismo ang China simula noong 1976, at isa na ngayong umuusbong na kapangyarihang imperyalista. Pero kahit ang mga tumatanggi sa pagsusuring ito, hindi maikakailang signipikanteng nagbukas ang China sa pandaigdigang pamilihan kahit pa pinanatili ng Estado ang malaking papel nito sa ekonomiya.
Sa pagbubukas ng China sa pandaigdigang pamilihan, lalo na noong dekada ’90, bahagyang nakahinga ang imperyalismo sa krisis nito ng labis na produksyon simula pa noong dekada 70. Nagkaroon ito ng bagong merkado para sa mga produkto, paglalagakan ng kapital kung saan mura ang lakas-paggawa, at iba pa. Masasabing isang epekto ang pagputok ng pandemya ngayon ng pagsagad ng saklaw ng pandaigdigang sistemang kapitalista sa mga relatibong bagong espasyo, isang palatandaan ng krisis nito.
Habang nagluluwal ang imperyalismo ng mga sakit at pandemya katulad ng nananalasa ngayon, hindi naman nito mapondohan ang lunas — na matagal nang kailangan at kaya namang gawin. Sa ngayon, ang tinitingnang posibleng makapigil sa paglaganap ng Covid-19 ay isang bakuna, na tinutuklas pa. At ayon sa progresibong intelektwal na si Mike Davis, nagkakaisa ang mga mananaliksik na posible ang isang bakuna laban sa lahat ng trangkaso.
Matagal nang sinasaliksik ang gayong bakuna at itinuring ng mga mananaliksik na kagyat na kailangan dahil sa iba’t ibang umuusbong na sakit. Pero hindi ito pinondohan ng Big Pharma, o mga monopolyo-kapitalista sa gamot, dahil iba ang priyoridad nila (“gamot sa sakit sa puso, nakakaadik na tranquilizer, at gamot sa pagkabaog ng lalake”) at taliwas sa interes nilang kumita sa ibang gamot. Ngayon, sa gitna ng krisis, paniwala ni Davis, hindi pa rin Big Pharma ang gagawa ng bakuna para sa nakamamatay na Covid-19.
Bilang tugon sa pandemya, sa buong mundo, itinulak ng mga eksperto ang “social distancing,” na paglaon ay tinawag na “physical distancing,” para maiwasan ang paglaganap ng Coronavirus. Nagpatupad ang mga gobyerno ng matinding paglimita sa pagkilos ng mga tao, sukdulang magpataw ng “lockdown” — isa pang salitang naging popular — sa mga lungsod hanggang buong bansa. Biglang-bigla, nagkaroon ng pinagsasaluhang karanasan ang mga mamamayan ng daigdig, ang pananatili sa bahay para makaiwas sa sakit.
Ayon kay Adam Tooze, historyador ng ekonomiya, “winasak ng Coronavirus ang mito na dapat mauna ang ekonomiya.” Aniya, kung “simplistikong lohikang pang-ekonomiya” ang masusunod, tuloy lang ang buhay hanggang magkaroon ng bakuna dahil ang ekonomiya ang dapat laging mauna — at makakapinsala rito ang paglimita sa pagkilos ng tao. Tutal rin naman, ang tatamaan ay ang “pinaka-hindi produktibo” na mga miyembro ng lipunan — ang matatanda. Patunay aniya ang pagpapataw ng mga gobyerno ng mga limitasyon sa pagkilos ng mga tao na mahalaga pa rin ang buhay ng tao. Tiyak, takot ang kahit anong gobyerno na maakusahang nasa likod ng pagkakasakit at pagkamatay ng marami, at maging puntirya ng mga protesta at pag-aalsa.
Sa buong mundo, lumulutang ang halaga ng una, maagap na tugon ng mga gobyerno (test, monitoring, kwarantina at paggamot) at ikalawa, na kaugnay ng una, mahusay na pampublikong sistemang pangkalusugan. Nakakagulat malaman na ang US at UK, mauunlad na bansa, ay may mahinang pampublikong sistemang pangkalusugan — hanggang maalalang nagpatupad sila sa mga neoliberal na patakaran. Tiyak na lalong mahihirapan ang di-mauunlad na bansang may mababang klaseng mga pampublikong ospital dahil sa pagyakap sa mga neoliberal na patakaran, tulad ng Pilipinas. Ang mga may relatibong magandang karanasan, nangailangan ng malaking hakbangin ng gobyerno: China kung totoo man, Vietnam, South Korea, at iba pa.
Para epektibong makatugon sa pandemya, kailangan ang malaking papel ng mga gobyerno — isang tampok na porma ang pagsasabansa ng mga ospital sa Espanya. Taliwas ang leksyong ito sa bago nito’y namamayani pa ring neoliberal na doktrina sa mga serbisyong pangkalusugan: paliitin ang subsidyo sa mga pampublikong ospital, ipaubaya ang kalusugan ng mga mamamayan sa mga pribadong ospital para pagkakitaan (dahil umano magkukumpetisyon sila para magpababa ng singil, na isang kalokohan). Dito, ang serbisyo ay para sa iilang kayang magbayad, habang ang nakakaraming hirap sa buhay ay kailangang humingi ng tulong o mangutang. Lalong maraming magkakasakit at mamamatay kung magpapatuloy ito ngayon.
Sa Pilipinas, dumating ang Coronavirus sa panahong lalong nabubulok ang rehimen ni Rodrigo Duterte. Arogante dahil sa minanupakturang “popularidad” umano sa nakakarami, agresibo nitong itinutulak ang interes ng iilan, ng mga dayuhang kapangyarihan at mga naghaharing uri gamit ang kamay na bakal. Malinaw ang pinagkaabalahan nito kahit noong kumakatok na ang banta ng paglaganap ng Coronavirus sa bansa: dayuhang pag-aari sa mga yutilidad sa bansa at mas masaklaw na kapangyarihang mapanupil ang itinutulak nito sa Kongreso at Senadong kontrolado nito. At pinakahuli lang ang mga ito sa marami nang naunang katulad na hakbangin ng rehimen.
Nagpatuloy ang ganitong tunguhin kahit sa naging pagharap nito sa Coronavirus. Sa halip na ipagbawal ang pagpasok ng mga dayuhan, lalo na ang mga galing China, pinahintulutan ito — at pinalabas pang rasista ang mga nagpanukala ng pagbabawal. Pinahintulutan din ang operasyon ng mga POGO, na bago nito’y tampulan ng malawak na pagtuligsa dahil sentruhan ng iba’t ibang krimen. Sa halip na magbigay ng edukasyon sa publiko tungkol sa pandemya, sinakyan ang pangangailangan sa “physical distancing” para pawalan ang pulisya at militar; pananakot at pagkontrol, sa halip na impormasyon. At lubusang sumandig sa mga opisyal-militar na nasa militar at iba pang ahensya, sa halip na sa mga eksperto, sa buong pagtugon sa krisis.
Kung may pagtitiwala sa pagitan ng mga mamamayan at gobyerno, hindi kailangan ang maagap, mabilis at malaganap na pakat ng militar at pulisya. Kung nagtitiwala ang gobyerno sa mamamayan, alam nitong sasapat ang edukasyon sa Covid-19 para manatili sila sa bahay. Kung nagtitiwala ang mga mamamayan sa gobyerno, alam nilang tutulungan sila nito sa pagtugon sa mga pangangailangan kung mananatili sa bahay. Pero walang tiwala ang gobyerno sa mga mamamayan, at alam nitong walang dahilan para magtiwala rito ang mga mamamayan. Lumalabas na ang kagyat na hakbanging ito ng rehimen, hindi pangkontra sa pandemya, kundi sa posibilidad ng “looting” ng mga mamamayan — proteksyon sa pag-aari ng mayayaman sa pangunahin.
Malinaw rin, sa mga pahayag nina Duterte, Health Secretary Francisco Duque at iba pang opisyal ng gobyerno: pampulitikang interes na magmukhang kontrolado ang sitwasyon higit sa kaalaman ng mga eksperto para magligtas ng buhay. Noong una, sa halip na magbigay ng edukasyon sa publiko tungkol sa panganib, nanguna sa pagmaliit-pagkutya sa banta — “ihian” ang virus — at pagpapakalat ng maling impormasyon. Sa halip na maghanda, sinikap ipanatag ang publiko gamit ang mga kahambugan: handa raw noong una, at “modelong bansa” pa nga nang lumaon. Pero nang malinaw nang lalala ang sitwasyon, naging alarmista — “Do not panic!” — at nagdulot lalo ng pagtitipon at siksikan ng mga tao — sa mga grocery, estasyon ng bus, at checkpoint.
Ayon sa mga eksperto, pinakamahalaga ang mga hakbangin ng mga gobyerno sa maagang bahagi ng krisis para mapigilan ang paglaganap ng Covid-19. Pero lumalabas na naging pabaya ang rehimen kahit sa pagmonitor sa mga pinakaunang kaso ng sakit sa bansa. Ayon sa mga eksperto, kasama na ang World Health Organization at mga bansang relatibong matagumpay sa pagharap sa pandemya, napakahalaga ng pagpaparami ng mga taong nate-test. At ito ang itinutulak ng masiglang kampanya para sa #FreeMassTesting, na naghahanap ng malinaw na kongkretong hakbangin at resulta. Sa halip na ibigay ito, gayunman, lumutang ang pribilehiyo ng mga pulitiko sa paulit-ulit na pagpapa-test at maging sa paglabag sa mga protokol para sa maysakit.
Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga manggagawa at propesyunal rito, matagal nang mahina o “bulok” ang pampublikong sistemang pangkalusugan sa bansa. Bagamat lumaki sa numero ang badyet para rito ng rehimeng Duterte, lumiit ito kumpara sa ibang priyoridad, at ang inilaki ay kinain pa ng implasyon. Ngayon, nagkalat sa social media ang mga kwento ng nagpapatuloy na pagpapabaya ng rehimen sa serbisyong dapat pangunahing tugon sa krisis na ito: walang sapat na pamprotekta ang mga frontliners na doktor, nars at manggagawang pangkalusugan; walang malaking pagsisikap na paramihin ang mga kama sa ospital, ventilators, at iba pang kagamitan; at kahabag-habag ang tangka na magrekluta ng frontliners. Ito ang sasalo ng buong bigat ng kapabayaan ng rehimen sa unang yugto ng paglaganap ng sakit.
Noong Marso 27, idineklara ni Kristalina Georgiva, direktor ng International Monetary Fund o IMF, na nasa resesyon na ang daigdig bunsod ng pandemya. Mas malala raw ito sa pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya noong 2009. At nagsisimula pa lang ang pandemya sa buong mundo: ang nagagawa lang ng mga lockdown at katulad na hakbangin ay pigilang ang pagkalat ng Coronavirus at sa gayon ay huwag malunod ang mga ospital sa mga pasyente. Pwedeng luwagan ang mga ito pana-panahon, pero ipapataw silang muli, at muli, at muli. Isang tinitingnang pag-asa ang pagkakaroon ng bakuna laban sa Covid-19, pero ayon sa eksperto’y kakain ito ng mahigit-kumulang dalawang taon bago mapalaganap sa mundo.
Maganda ang maagang sagot ng pilosopong si Slavoj Zizek sa ilusyon noon ni Pres. Doland Trump ng US na mawawala rin agad ang Coronavirus, katono rin noon ni Duterte: “Taliwas sa lahat ng napakababaw na pag-asang ito, ang unang kailangang tanggapin ay mananatili ang banta. Kahit humupa ang agos na ito, muli itong lalabas sa bago, marahil ay mas mapanganib, na mga anyo.” Gaya ng nabanggit, hindi lang aksidente ang pagkalat ng Coronavirus; nariyan ang malalaking salik na nagdulot nito — at nagkataon lang na sa China ito nagmula at pumutok, dahilan para iwaksi ang rasismo. Kailangang maging handa ang mga gobyerno at mamamayan sa mga paparating na katulad nito.
Sa isang bagong komentaryo, binalikan ng progresibong kritikong panlipunan na si Naomi Klein ang tema ng kanyang bantog na librong The Shock Doctrine [2007]: ginagamit ng mga naghaharing uri ang pagkagulantang ng mga mamamayan na dulot ng mga krisis para magpatupad ng mga patakarang magsusulong ng interes nila, lalo na ang mga patakarang neoliberal. Pero kinilala niya ang mga pwersang kontra-elite at progresibo: “Kung may isang aral na itinuturo sa atin ang kasaysayan, iyan ay ang mga panahon ng pagkagulantang ay sobrang pabagu-bago. Pwede tayong humina, manakawan ng mga elite, at magbayad sa loob ng maraming dekada, o pwedeng magkamit tayo ng mga progresibong tagumpay na tila imposible ilang linggo lamang bago nito. Hindi ito panahon para panghinaan ng loob.”
Sa isang banda, malinaw sa mga hakbangin ng rehimeng Duterte ang gusto nito: palawakin at patatagin ang paghahari nitong awtoritaryan, kung hindi man tahas na diktadura. Sa itinulak nitong emergency powers, gustong bigyan ang pangulo ng kapangyarihang gumawa ng iba’t ibang patakaran laban daw sa pagkalat ng Coronavirus; kumontrol sa mga pribadong yutilidad at negosyo, gayundin sa kuryente, langis, tubig at enerhiya; at magpasya sa paglalaanan ng pambansang badyet. Syempre pa, gusto nitong palakasin ang kontrol ng militar mula sa mga kalsada at barangay hanggang sa tuktok ng gobyerno. At ang gusto nito, magpatuloy ang ganitong kalakaran kahit pagkatapos ng krisis.
Sa kabilang banda, matibay ang mga batayan para maghapag ang mga mamamayan ng mga panawagan, na para makatugon sa mga pangangailangan nila sa harap ng krisis ay kailangang radikal kumpara sa neoliberal na kaisipan at mga patakaran. Kailangang pamunuan ng gobyerno ang pagtugon sa mga ito. Mainam ang mga panukalang binuo ng progresibong Ibon Foundation: mula sa mga kagyat na panlaban sa Covid-19 hanggang sa “malakas, epektibo at may sapat na pondong pampublikong sistemang pangkalusugan,” mula pagprotekta sa trabaho ng mga manggagawa hanggang direktang tulong pinansyal sa iba’t ibang sektor, mula moratoryo sa bayarin hanggang pagtigil sa mga demolisyon ng mga maralitang komunidad. May batayang igiit na ipatupad ang marami sa mga ito kahit pagkatapos ng krisis.
Isa pang inilantad ng krisis ay ang mga hangganan ng globalisadong pamumuhunan at kalakalan. Halimbawa, lubhang kailangan ngayon ang pamprotekta ng mga frontliners sa sektor pangkalusugan, pero walang mapagkunan sa ibang bansa. Si Esperanza Cabral, dating sekretaryo sa rehimeng Noynoy Aquino, nagsabing dapat pagtulungan ng gobyerno at mga industriya ang paglikha nito. Isa pang halimbawa, lubhang kailangan ngayon ang istableng suplay ng pagkain, para maging malusog ang mga mamamayan. Pero nagpasya ang Vietnam na hindi na magluluwas ng bigas, maging sa Pilipinas. Patunay ito na hindi uubrang ipasa ng rehimen ang pagtugon sa batayang pagkain ng mga Pilipino sa ibang bansa. Tumitining na kailangang tumindig ng Pilipinas sa sariling mga paa, pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, para tugunan ang mga pangangailangan ng bansa.
Isang malaking hamon ang larangan ng labanan na nilikha mismo ng krisis. Sa mga bahay, paano mapagkakaisa ang mga pamilya at kapitbahay sa mga panawagan at pagkilos? Sa social media, paano ang pro-aktibong plano ng pagsusulong ng mga panawagan — sa gitna ng mga nakakaantig na kwento; nakakagalit na hakbangin ng rehimen, mga pulitiko at elite; at madaming alam, ganap at paandar? Paano maaabot at mapapatatag ang mga kasundo pero hindi organisado? Ang mga frontliners sa iba’t ibang trabaho na umaalis ng bahay, silang malay sa sakripisyong sinusuong, paano nila maaabot ang mga katulad at mga pinaglilingkuran nila para ang karanasan at kwento nila ay magdulot ng pagbabago na bukod sa kagyat ay sa pangmatagalan?
Sa social media, na naging mas mahalaga pero sekundarya pa ring larangan ng labanan, napwersa na ang mga propagandista ng rehimen na palaganapin ang mga pinaka-kakatwang linyahan para patahimikin ang mga tumutuligsa at naggigiit ng kahilingan: sumunod na lang, “not the worst government but the worst citizens,” nakakaawa si Duterte, at iba pa. Binabaluktot ang mga kahilingan ng mga mamamayan: mga doktor ang tatao sa mga checkpoint, at iba pa. Syempre pa, pinapawalan ang mga linyahang ito para depensahan ang naghaharing rehimen, at patahimikin ang mga kritiko nito at ang mga mamamayan sa harap ng gutom ng marami at iba’t ibang kahilingan.
Hindi makapaghari ang mga naghahari sa lumang paraan. Maraming pangangailangan ng mga mamamayan ang nagkakaanyo ng mga kahilingan. Maraming mamamayan ang nasa bingit ng kagutuman, kung hindi man pagkakasakit at kamatayan. Paparami ang mga mamamayang nahahatak sa mga panlipunan at pampulitikang isyu bunsod ng krisis, kahit pa nasa mga bahay. Marami ang kumikilos at gustong kumilos. Mababanaag ang tatlong katangian ng rebolusyunaryong sitwasyon ayon kay Lenin. Mainam ang kalagayan para isulong ang kagyat at matagalang kapakanan ng sambayanan.