Site icon PinoyAbrod.net

Buhay-bulkan

Unang lumabas ang sanaysay na ito sa Philippine Collegian halos 17 taon na ang nakararaan–noong Agosto 1, 2001. Inedit nang kaunti ang bersiyong ito.
Nitong Enero 2018, muling pumutok ang bulkang Mayon. Muli, libu-libong magsasaka at mamamayang Albayano sa may paanan ng bulkan ang lumikas. Samantala, daan-daanlibong (baka umabot na sa milyong) turista ngayon ang dumagsa sa naturang probinsiya.
Ang awtor ay lumaki sa Legazpi City, Albay.

Minsan naiisip ko: Kung ano ang turing ng mga Pilipino kay Jose Rizal, parang ganun din ang turing ng mga Albayano sa Bulkang Mayon.

Sa aming probinsiya sa Albay, kung anu-ano ang ipinapangalan sa bulkan—tulad ng kung anu-anong gamit, produkto at kompanyang ipinapangalan sa pambansang bayani (hal. Rizal Bank, Rizal na posporo, Rizal Park). Sa buong probinsiya, may hotel, resthouse, restaurant, t-shirt, grocery, at di mabilang na tindahan na kapangalan ng bulkan. At tulad ni Rizal, kumbaga’y mistulang bayani rin ng mga Albayano ang Mayon.

Malaking bahagi ng pangkulturang buhay ng mga tao sa lugar ang bulkang ito. Malaking bahagi ng ekonomiya ng Legazpi City ang nakabatay sa turismo. Ang attraction na ito’y nakapagpapasok ng malaking revenue mula sa mga turistang nabibighani sa misteryosong ganda ng halos-perpektong hugis-apa ng Mayon.

Katok sa putok

Humigit-kumulang sa isang dekada ang pagitan ng pagputok ng Mayon. Tuwing nangyayari ito, dagsaan ang mga turista, marami’y dayuhan.

Sa pag-usok at pagliyab ng bunganga ng bulkan, nabubuhayan ang siyudad. Punung-puno ang five-star hotel na Mayon International Hotel. In demand ang abaca products na binebenta sa mga bangketa. Lumalago ang industriya ng paglilitrato sa dami ng mga bisitang gustong makakuha ng litrato ng pagputok ng bulkan tuwing gabi. Kung anu-anong t-shirt ang binebenta sa kalye—basta may nakasulat na “Mayon Volcano” o “Legazpi City.” At tuwing gabi, gising ang mga tulog kapag umaga: magdamag ang tagayan sa Albay Park, at siyempre ang mga naglalako ng aliw sa Penaranda Park at sa kung saang madilim na sulok ng siyudad.

Baka di-normal na nakikita ang masayang eksenang ito sa isang lugar na dumadaan sa matinding sakuna. Pero para sa lokal na mga opisyal ng gobyerno, parang nagkakaroon ng dagdag na kahulugan ang kasabihang “In every dark cloud, there is a silver lining.”

Halimbawa nito ang komersiyo sa Cagsawa Ruins. Ito ang dating simbahang natabunan ng landslide sa pagputok ng bulkan noong 1814, at ngayo’y posibleng pinakasikat na puntahan ng turista sa Albay. Marami ang nabaon nang buhay sa loob ng simbahan. Pero ngayo’y sikat itong destinasyon ng mga turistang tila di-takot sa mga kuwentong nagmumulto raw ang mga natabunan doon. Katunayan, mayroon pang itinayong restaurant malapit sa Ruins, ang “1814” – isa sa pinakasikat na restaurant sa Albay na dinadayo pa ng mga sikat na artista at personalidad sa Maynila.

Halimbawa rin ang nakita ng ilang negosayante na pagkakataong kumita sa kakulangan ng mga dust mask para sa mga residente ng Legazpi. Nabasa ko sa Manila Bulletin noong Hulyo 27, 2001: “Garment manufacturers in Metro Manila, perhaps, can immediately fill the need for dust mask, and with these, they can earn instant cash and provide instant employment.”

Ayon pa sa balitang ito, “The products must have different designs that may suit classes of buyers like students, professionals, and the ordinary man in the streets, or even farmers.” Para bang may pakialam pa ang gumagamit ng dust mask sa Albay kung aaayon sa propesyon niya ang disenyo nito.

Village people

Samantala, maging ang ilang magsasakang residente sa paanan ng Mayon—na siyang pangunahing nabibiktima tuwing pumuputok ang bulkan—tinangkang maksimisahin ang trahedya. Namumulot sila ng mga batong mula sa lava o ashfall para ibenta sa mga turista.

Sila mismo iyung noong Huwebes lang, kasama sa aabot sa 10,000 pamilya o 53,000 katao na nagsilikas mula sa kanilang mga bahay matapos ang biglaang pagputok ng bulkan. Karamihan dito’y mga pamilya ng mga magsasakang nakatira sa paanan ng Mayon. Maraming magsasaka rito, dahil mataba ang lupa.

Tuwing may banta ng pagputok, sila mismo iyung pinakaunang pinalilikas ng lokal na gobyerno. Pinapatira sila sa mga evacuation center – mga klasrum ng public elementary schools sa siyudad. Doon, lagi’t laging kalunus-lunos ang kanilang kalagayan. Kuwento nga ng nanay ko na guro sa Bagumbayan Elementary School sa Legazpi City, aabot sa 15 pamilya ang pansamantalang nakatira sa kanyang klasrum. Pangkaraniwan lang ang laki ng klasrum na ito, kaya siksikan ang mga pamilyang natutulog sa desk ng mga estudyante o kaya sa semento. Tulad ng inaasahan, walang maayos na kubeta para sa kanila. Kuwento ng nanay ko, grabe na ang panghi ng klasrum niya.

Karamihan sa mga magsasakang evacuee sa mga eskuwelahan ay bumabalik sa “danger zone” tuwing umaga upang tingnan kung hindi nasira ng ashfall ang kanilang mga pananim. Sa kabila ng pagtutol ng lokal na mga opisyal ng gobyerno sa pagbalik ng evacuees, hindi pa rin nila ito mapigilan. Tanging sa pagsasaka lang kasi nakasandig ang kabuhayan ng mga tao rito. Para sa kanila, katumbas din naman ng pagkamatay sa landslide o pagkasunog sa uson ang pagkawala ng kanilang kabuhayan.

Kaya minsan, napapaisip ako: Para bang hindi maganda, kundi masamang tanawin ang ipinupunta ng mga turista sa Albay. Kumbaga, natutuwa sila sa trahedya, namamangha sa view. Samantala, ang mga apektado, hayan na nama’t lumilikas mula sa pumuputok na bulkan. Kapag nangyayari iyun, di ko maiwasang isipin na hindi bayani sa buhay ng mga residente ang bulkan.

Samantala, tuloy ang pag-akit ng magandang Mayon sa mga turista, kahit pa maraming buhay at kabuhayan ang nasisira sa bawat ragasa ng “maganda” niyang pananalasa.


Featured image: Larawan ni Ciriaco Santiago III
Exit mobile version