Sino po ba kayo?
Nagsusumigaw po ang headline ng The Manila Times kahapon (Agosto 22): OUST DUTERTE PLOT BARED. At para mas lalo pang ipakita ang importansya ng “balita,” kayo pa mismo ang nagsulat. Ginawa n’yo po ba ito sa pag-aakalang ang pagiging chairman emeritus ng The Manila Times ay sapat nang kwalipikasyon para maging peryodista?
Paumanhin sa prangkang tanong ng isang guro ng peryodismo. Huwag n’yo na lang pong sagutin ito dahil hindi naman ito masyadong importante, lalo na’t kayo ay mas kilala sa larangan ng public relations. Hindi ba’t bukod sa mataas ninyong posisyon sa The Manila Times, kayo rin po ang itinalagang “special envoy for international public relations” ng administrasyong Duterte noong Mayo 3, 2017? Siyanga pala, alam n’yo po bang ang May 3 ay World Press Freedom Day?
Muli, paumanhin po sa mga tanong ng isang peryodista mula sa alternatibong midya. Kung sabagay, hindi na rin bago sa inyo ang magtrabaho para sa Pangulo ng Pilipinas. Alam naman nating lahat na kayo po ang senior publicist ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi rin natin dapat kalimutang sa panahon ni Macapagal-Arroyo ninyo binili ang The Manila Times mula kay Mark Jimenez noong 2001. Makalipas ang apat na taon (Disyembre 2005), kayo po ay naging tagapangulo ng Commission on Filipinos Overseas hanggang sa huling araw ng panunungkulan ni Macapagal-Arroyo noong Hunyo 2010.
Malinaw ang karanasan ninyo sa gobyerno at public relations. May ideya naman siguro kayo sa normatibong pamantayan ng peryodismo bilang may-ari ng isang diyaryo. Higit sa lahat, matalino naman po siguro kayo para malaman kung bakit kayo mismo ang paksa ng sanaysay na ito.
Ayoko nang dagdagan pa ang maraming puntong binanggit ng mga abogado’t mamamahayag na idinawit po ninyo sa planong patalsikin diumano si Pangulong Duterte. Binatikos nila hindi lang ang nilalaman ng inyong sinulat kundi pati ang pamamaraan ng panulat. Maling datos, maling pagsusuri, maling pagsusulat ng balita, komentaryo, imbestigasyon o kung anumang klasipikasyon ang gusto mong gamitin sa “akda” mo – mahahalagang puntong lumalabag sa peryodismo. Sa kaso ng The Manila Times, medyo nakakahiya po ang mga ito dahil bukod sa ginagamit na sanggunian ang The Manila Times Handbook of Journalism ni Jose Luna Castro, mayroon din kayong The Manila Times School of Journalism na dapat na nagtuturo ng responsableng peryodismo. Anong klaseng halimbawa ang ipinapakita ng isang chairman emeritus kung ang isang “screaming headline” na sinulat niya ay hindi pumapasa sa mataas na normatibong pamantayan.
Ang artikulo po ninyong “OUST DUTERTE” ay may isang diagram na pinamagatang “Association Matrix between BIKOY and ELLEN TORDESILLAS.” Bukod kay Tordesillas, nakalagay ang ilang mamamahayag at abogado mula sa Vera Files, Rappler, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at National Union of People’s Lawyers (NUPL). Lumalabas na lima sa kanila ay mula sa Vera Files, pito sa Rappler, 18 sa PCIJ at 28 sa NUPL. Nakakakilabot lang na ang kabuuang bilang pala ng mga diumanong sangkot ay 58. Hindi ba’t ito rin ang bilang ng mga namasaker sa Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009?
Maraming pangalang pamilyar, may mangilan-ngilang hindi pamilyar para sa akin. Kung susuriin ang listahan ng mga diumanong sangkot sa NUPL na siyang may pinakamalaking bilang, may isang pangalang nais ko pong itanong sa inyo dahil medyo naguguluhan po ako: Sino po ba si Danilo Arao? Abogado po ba siya? Sa pagkakaalam ko po kasi, walang Danilo Arao na bahagi diumano ng NUPL batay sa diagram.
Napansin ko rin pong tila isiningit ang pangalang ito sa diagram dahil napatungan nito ang buong pangalan ng isa pang abogado. Kapansin-pansin din ang binilugang avatar sa itaas ng pangalang Danilo Arao, isang klase na avatar na makikita lamang sa mga pangalang Ellen Tordesillas, Maria A. Ressa, Inday Espina-Varona, Atty. Neri Javier Colmenares at Frank Lloyd Tiongson. Ano po ba ang ibig sabihin nito?
Siguro’y kailangan kong maging mas direkta sa punto. Ako po ba ang tinutukoy ninyong bahagi ng NUPL? Alam po ba ninyong hindi po ako abogado? Anong klaseng “intel report” po ba ang pinagbatayan ninyo sa inyong “balita”? Bagama’t nagawa na ito ng iba’t ibang grupo (pati na ang Bulatlat na kinabibilangan kong organisasyong pang-midya), kailangan kong ulit-ulitin na hindi po ako bahagi ng NUPL bagama’t kinikilala ko ang magandang ginagawa ng mga miyembro nito para sa iba’t ibang sektor, pati na sa midya. (Kung wala po kayong konsepto ng “people’s lawyering,” responsibilidad po ng peryodistang magsaliksik sa paksang tulad nito.)
Gugunitain ng The Manila Times ang ika-121 anibersaryo nito sa Oktubre 11. May dahilan ba para ipagdiwang ang araw na ito? Sayang lang ang makulay na tradisyon nito kung kayo pa rin ang mananatiling may-ari ng diyaryo. Kung may napatunayan kasi ang inyong desisyong magsulat ng isang “balita” kahapon, ito po ay ang katotohanang kahit hindi kayo karapat-dapat na tawaging peryodista.