Site icon PinoyAbrod.net

Citira: kanino ito pumapabor?

Nitong huling linggo ng Setyembre 2019 lamang ay inaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukalang batas na magsisilbing ikalawang bahagi ng reporma sa buwis ng ating gobyerno.

Pinamagatang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (Citira) o House Bill No. 4157, ang panukalang batas na ito ay magpapababa sa corporate income tax at magbabawas sa mga benepisyong nakukuha ng mga korporasyon.

Ito ang dahilan kung bakit 8 kongresista lamang ang bumuto laban sa Citira at 180 and bumuto pabor dito.

Matatandaan noong nakaraang Kongreso, naipasa rin sa Kamara ang katulad na panukalang batas na kung tawagin ay Trabaho Bill. Naantala ito sa Senado hanggang inabot ng pagsasara ng 17th Congress.

Ganun pa man, muli itong binuhay at pinangalanang Citira sa 18th Congress. At inaprubahan na nga ito ng Kamara ng Kongreso.

Ayon sa datos, ang ating bansa ang may pinakamataas na corporate income tax sa buong Asya. Kasunod natin ang Indonesia, Myanmar, Laos, Malaysia, Cambodia, Thailand at Vietnam.

Sa pamagitan ng Citira, pababain ng 2 porsiyento ang corporate income tax bawat dalawang taon hanggang maging 20 porsiyento na lamang ito sa 2029 mula sa kasalukuyang 30 porsiyento.

Ayon pa kay Albay Congressman Joey Salceda, sa pagpababa ng corporate income tax ay inaasahang ang makukuhang ganansya ng mga kompanya ay mapupunta sa bagong mga negosyo, produkto, at business expansion.

Ang pangalawang bahagi na ito ng government tax reform program (pagkatapos ng TRAIN law) ay inaasahang makalilikha ng mga 1.5 milyon na trabaho, ayon pa rin kay Salceda. Inaasahang makadagdag ito ng 1.1 porsiyento sa gross domestic product ng bansa sa unang taon ng kanyang implementasyon at 3.6 taon-taon sa implementasyon nito mula 2020 hanggang 2030.

Ayon naman sa ibang Kongresista na hindi bumuto sa Citira, ito ay hindi napag-usapan nang husto bago ito naaprubahan.

Sabi pa ni Buhay Party-list Cong. Lito Atienza, ano mang batas tungkol sa buwis ay dapat pag-usapan o talakaying mabuti bago ito aprubahan.

Ayon naman kay Cong. Edcel Lagman, ang halaga ng corporate income tax ay hindi nakakaapekto sa mga investors sa Pilipinas kung di ang mga bagay tulad ng inprastuktura, patakaran ng pamahalaan at bilis ng internet. Ang pagpabilis ng negosyo sa ating bansa ang dapat nating pagtuunan ng pansin, hindi ang pagpababa sa corporate income tax, ayon sa kanya.

Sabi naman ni PEZA Director Charito Plaza, ang pagpapalit-palit natin ng patakaran ang siyang dahilan ng mahinang pagdami ng mga foreign investor sa ating bansa. Dahil sa planong pagbawas sa mga benepisyo ng mga korporasyon sa ilalim ng Citira, ay pinaalam ni Dir. Plaza ang kanyang mahigpit na pagtutol sa batas na ito. Bahagi kasi ng panukalang babaguhin sa ilalim ng CITRA ang pagtanggal sa gross income tax exemption sa mga kompanya sa loob ng PEZA.

Ayon naman sa Ibon, isang grupong pananaliksik, ang sinasabi nilang mahigit isang milyong trabaho na idudulot ng Citira ay imahinasyon lamang. Maaaring ang pagbawas sa corporate income tax ay makadagdag sa kita ng mga higanteng korporasyon ngunit ito ay hindi mangangahulugan ng pagtaas ng kita o paglaki ng sahod ng kanilang mga manggagawa, paliwanag ng Ibon.

Ito rin ang sinabi ng administrasyon tungkol sa TRAIN law noon. Ang sabi ay 99 porsiyento ng ating mga kababayan ay makikinabang dito.

Ngunit anong nangyari? Ang pinakamahirap na 17.2 milyon sa ating mga kababayan ang tinamaaan dahil sa paglago ng consumption taxes sa ilalim ng naturang batas.

Sa ngayon, ganito na naman ang pangako ng administrasyon sa ilalim ng Citira.

Papaniwalaan pa ba natin sila?

Kumilos at labanan ang Citira sa Senado, mga kasama.

Exit mobile version