Site icon PinoyAbrod.net

Crackdown Pilipinas

Simula Oktubre 31, sunud-sunod ang balita tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga aktibista at pag-atake sa mga progresibong organisasyon sa bansa. Dahil sa dami at katangian ng mga ito, sinasabi ng naturang mga organisasyon, mga tagasuporta nila, at mga tagamasid na hudyat ang mga ito ng bagong antas ng pampulitikang panunupil ng rehimen ni Rodrigo Duterte: “crackdown” sa mga progresibong grupo, de facto o di-deklaradong batas militar, at iba pa.

Malaganap sa social media at maging midya ng malalaking kapitalista ang mga balita:

 

à Oktubre 31 hanggang Nobyembre 157 aktibista ang inaresto sa serye ng reyd ng kapulisan at militar sa mga opisina ng mga progresibong organisasyon sa lungsod ng Bacolod at Escalante sa Negros Occidental.
à Oktubre 31 – inaresto ang mag-asawang aktibistang sina Cora Agovida at Michael Tan Bartolome sa ginawang reyd sa kanilang bahay sa Metro Manila.
à Nobyembre 5 – inaresto ang tatlong aktibistang sina Ram Carlo Bautista, Alma Moran at Reina Mae Nasino sa isa na namang reyd sa opisina ng isang progresibong organisasyon sa Metro Manila.

Pawang mga aktibista ang dinakip at ikinulong, at tanggapan ng mga progresibo ang nireyd. Hindi mga lihim, bagkus hayag at kilala sa bansa ang mga organisasyong ito: Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP, Kilusang Mayo Uno o KMU, Gabriela, Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, at iba pa.

Malinaw ang modus operandi. Magsasampa ang mga awtoridad ng kaso sa korte, lingid sa kaalaman ng mga sinasampahan ng kaso. Maglalabas naman ang korte ng search warrant, o arrest warrant sa ibang pagkakataon. Sa pagpapatupad ng search warrant, palalabasing matutuklasan na may mga baril at bomba sa tanggapan ng mga progresibong organisasyon o sa pangangalaga ng mga aktibista. Ikukulong ang mga aktibista sa batayan ng ganitong mga tanim na ebidensya at gawa-gawang kaso.

Hawig na hawig ang ganitong estilo ng pag-aresto sa maraming kaso sa “gera kontra-droga” ng rehimen – maliban sa droga ang ebidensyang itinatanim ng mga awtoridad at hindi na dinadakip ang suspek na adik o tulak, kundi binabaril na lang sa palusot na “nanlaban.”

Lumalabas na iisa ang hukom na naglabas ng search warrant sa mga nireyd na opisina, si Cecilyn Burgos-Villavert, executive judge ng Quezon City Regional Trial Court. Kahit sa batas, hindi basta-basta makakapaglabas ng gayung mandamyento kung sa ibang lugar ihahain. Usap-usapan na malapit sa kapulisan si Villavert at maaaring gusto ng promosyon kaya sumisipsip at nagpapalakas. Ayon kay Cristina Palabay, secretary-general ng grupong Karapatan, posibleng naglabas pa si Villavert ng maraming search warrant para sa iba pang opisina ng mga progresibong grupo.

Kilala ang mga aktibista sa pagtangan sa kanilang mga prinsipyo. Wala sa mga prinsipyong iyan ang nagsasabi ng pagtangan ng armas sa balangkas ng kanilang organisasyon. Mas malinaw, kahit sa ibang progresibong sulatin, sinasabing “legal at depensibo” ang katangian ng pakikibaka ng mga aktibistang organisasyon.

Wala rin sa kasaysayan ng mga organisasyong ito ang pag-iimbak ng mga armas at pampasabog sa mga tanggapan. Wala pang insidente, aksidente man o hindi, na naglantad ng pagtatago nila ng ganitong mga gamit.

Sa kabila ng banta ng pandarahas ng Estado, wala silang hakbangin na gumamit ng mga baril at bomba. Alam nila na kung gagawin nila ito, tiyak na sasamantalahin ito ng Estado para magpakawala ng lalong mas matinding panunupil at bigyang-katwiran ang huli.

Kayang patunayan ng mga aktibista na walang baril at bomba sa kanilang mga tanggapan – sa harap ng mga tunay na independyenteng tagamasid, hindi ng kapulisan at militar. Iyan ang pinatunayan ng inspeksyon ng Commission on Human Rights at maging ng barangay, kasama ang midya, sa pambansang tanggapan ng Bayan nitong Nobyembre 6 at ng iba pang progresibong grupo nitong Nobyembre 7.

Nitong Nobyembre 6, inilinaw ng korte na pito (7) lang sa mga dinakip sa Negros Occidental ang hindi pwedeng makapagpyansa at sa gayon ay mananatiling nakakulong; agad na ring pinalaya ang 31 sa kanila. Patunay ito na malaking kasinungalingan ang sinabi ng mga awtoridad na natagpuang may mga armas at pampasabog sa mga tanggapan. Dahil dito, hindi rin makatwiran na may manatiling nakapiit, kahit mas kaunti sa naunang dami ng inaresto.

Habang nagaganap ang lahat ng ito, marami pang balita ang naglalabasan na nagpapakita ng papaigting na pampulitikang panunupil.

à Kaugnay ng mga reyd sa mga opisina, naging bali-balita ang pagtitipon ng malaking bilang ng kapulisan sa kanilang mga kampo sa Kamaynilaan. Ilang aktibista at lider-aktibista ang nagrereklamo ng pagbuntot ng mga paniktik ng militar. At namataan ang mga kapulisan at sasakyan nila malapit sa mga tanggapan ng mga progresibong organisasyon.
à Nobyembre 1, pinaslang si Joan Versaga at Nobyembre 2, pinaslang si Arnel Ortillano, parehong mga aktibista sa Masbate.
à Nobyembre 4, pinaslang si Reynaldo Malaborbor, detenidong pulitikal mula 2010 hanggang 2015 at organisador ng mga mangsasaka at manggagawa, sa bahay niya sa Laguna.
à Nobyembre 5, inanunsyo ng Karapatan na si Honey Mae Suazo, dating pangkalahatang kalihim ng naturang grupo sa rehiyong Southern Mindanao, ay nawawala simula Nobyembre 2. Matagal nang sinisiraan at binabantaan si Suazo ng militar.
à Nobyembre 5, pinaslang si Judge Mario Anacleto Bañez sa La Union. Siya ang hukom na nagpalaya kay Rachel Mariano, manggagawang pangkalusugan na inaresto ng militar sa mga gawa-gawang kaso, noong Setyembre.
à Kasabay ng pagpaslang kay Bañez, nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema si Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr., maingay na opisyal ng kampanyang kontra-insurhensya ng gobyerno. Ang gusto niya, imbestigahan ang mga hukom na nagbabasura ng mga kasong isinasampa ng militar laban sa mga aktibista. Malinaw ang plano ng militar na takutin ang mga hukom para sumunod sa kanilang kagustuhan.
à Nobyembre 6, inaresto si Lilibeth Gelit at dalawa pang lider ng maralitang lungsod sa Montalban, Rizal.
à Nobyembre 7, pinaslang si Dindo Generoso, radio broadcaster sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Ang nabubuong banta: irereyd ang mga tanggapan ng mga progresibong organisasyon sa Kamaynilaan at buong bansa. Tataniman ng ebidensya ang mga aktibista at sa batayan nito at ng mga gawa-gawang kaso ay aarestuhin at ikukulong sila. Pwede ring mas masahol: pagpaslang, pagdukot, at iba pa.

Alam ng lahat ang karanasan ng bansa sa deklarasyon ng Batas Militar noong Setyembre 1972 ng diktador na si Ferdinand Marcos: maramihang pag-aresto at pagpiit. Ito ngayon ang nananariwa sa isipan ng marami, hindi man ideklara ng kasalukuyang pangulo.

Paalala ng mga manunuring pampulitika: may banta na sinabi si Duterte noong Agosto 27, sa pagdiriwang sa ika-31 anibersaryo ng bigong Comprehensive Agrarian Reform Program ng gobyerno: “Nagbibigay ako ng babala sa lahat na sa darating na mga buwan – hindi talaga madugo – pero magkakaroon ng kaunting gulo. Kailangan nating tapusin ito. Aani tayo ng batikos dito.” Malinaw ang kuha ng midya na babala ito sa grupong Komunista – at syempre pa, sa laging idinadawit sa kanila na mga progresibong organisasyon.

Noong nagsisimula ang rehimen ni Duterte, marami ang naging manunuri ng mga pahayag niya. Marami noon ang laging nagbubuo ng mga kwento ng pagkakaugnay ng mga sinabi niya at mga aktwal na ginawa ng gobyerno. Hanggang naging labu-labo na: sumahol nang sumahol ang mga pahayag niya at ang mga aksyon ng gobyerno niya.

Sa gitna ng kaguluhan, gayunman, lumalabas na ang paparami at papatinding atake simula Oktubre 31 ang katuparan ng banta niya noong Agosto 27. O posible ring magpapatuloy pa ito, kung hindi man mas malala pa, sa mga darating na buwan.

Sa ilalim ni Duterte, nanguna ang Pilipinas sa mga listahan sa mundo ng pinakamaraming pinaslang na unyonista, aktibistang maka-kalikasan at nagtatanggol sa mga karapatan sa lupa, abogado, mamamahayag, at iba pa. Hindi man laging kasama ang Pilipinas sa tanaw ng mga intelektwal at manunulat sa ibang bansa, interesanteng patotoo ang bansa sa ilalim ni Duterte sa maraming tema ng mga talakayan ngayon: pag-igting ng pasismo, paglakas ng “mga maka-Kanang populista,” pagkitid ng espasyo para sa mga organisasyon ng mamamayan at iba pa.

Sa isang banda, pagpapatuloy at pagpapasahol ang pampulitikang panunupil ngayon ng programang kontra-insurhensya ng gobyerno na umaatake sa mga ligal na progresibong organisasyon, na pinagbibintangang prente ng mga Komunista at tagasuporta ng mga rebelde. Ang ekstra-hudisyal na pagpaslang, halimbawa, na noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo ay nasa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila at pinaigting ni Noynoy Aquino, ay umaabot na sa Kamaynilaan ngayon.

Sa kabilang banda, tugon din ito ng rehimen sa mga partikular na suliraning kinakaharap nito. Pangunahin diyan ang malawak na diskuntento, mula sa hanay ng mga mamamayan hanggang sa burgis na oposisyon hanggang sa militar at pulisya at paksyon ni Duterte bunsod ng iba’t ibang isyu: pagiging sunud-sunuran sa China at sa US, “gera sa droga” at iba pang paglabag sa karapatang pantao, todong pagkakanlong sa pamilya Marcos, pampulitikang panunupil, pagdami ng walang trabaho at paghirap ng buhay, kawalan ng katuparan ng mga pangako at ng solusyon sa mga problema ng bansa, at iba pa.

Crackdown. Batas militar na de facto. “State of emergency.” Sa ganitong panahon, sinususpinde ang batas at nalalantad kung sino ang tunay na soberano, ang tunay na may hawak ng kapangyarihan – ang siyang nagsususpinde ng batas. Lalong malinaw ngayon sa Pilipinas: ang mga imperyalista at naghaharing uri na kinakatawan ng rehimen ni Duterte. Hindi ito ang eksepsyon, kundi ang kalakaran, ayon sa Marxistang pilosopong si Walter Benjamin. Sila talaga ang naghahari sa likod ng batas.

Taliwas sa pananaw na “hindi na posible” ang pasismo noong ika-20 siglo, na lipas na ito at iiwanan ng batas ng pag-abante ng kasaysayan, sinasabi ni Benjamin na kailangang mulat itong labanan. Kailangan, aniya, na magluwal tayo ng “tunay na state of emergency” – nahahawig sa paglalarawan ni Lenin sa diktadura ng proletaryado na “hindi nahahangganan ng batas at batay sa pwersa” ng proletaryado laban sa burgesya.

Ayon kay Benjamin, na nagsusulat sa kasagsagan ng paglakas ng Nazismo, hindi labi ng nakaraan na kusang mapapawi ang pasismo [Michael Lowy, Fire Alarm, 2005]. Kaiba sa mga katunggali ni Benjamin, malinaw ito sa nakikibakang sambayanang Pilipino. Tunggalian ang kasaysayan, at magtatagumpay ang sambayanan – pero maraming atras at abante, liko at ikid.

Hindi tuwid ang takbo ng kasaysayan. Katunayan, sumusulong ngayon ang mga pwersa ng pasismo sa US, Brazil, Europa, Turkey, India, Pilipinas at maraming bansa. Ayon sa ilang manunuring pampulitika, katulad pa rin ito ng pasismo sa panahon ni Benjamin – may layuning labanan at durugin ang Kaliwa, pero hindi sa kalagayang malakas ang huli, kundi sa kalagayang papalakas ito sa gitna ng papatinding krisis na idinulot ng neoliberalismo.

Bunsod ng banta ng reyd at malawakang pang-aaresto, maraming aktibista sa bansa ang nag-eekstra-ingat, kung hindi man nakakaramdam ng pagkabahala. Sa ginagawa ng rehimeng Duterte, gayunman, lalong nakikita ng mga aktibista at tagasuporta nila na nagpapatuloy ang mga batayang suliranin ng bansa – na malaking salik sa likod ng pampulitikang panunupil – at tama ang mga prinsipyo at pagsusuri nila, maging sa rehimeng ito.

Maraming aktibista ang humahalaw ng inspirasyon sa karanasan ng progresibong kilusan sa diktadura ni Marcos: sa halip na mapahina ay lalong lumakas. Nagsimula sa lihim na pag-oorganisa hanggang kaya nang igiit na maging hayag. Dahil sa batas militar noon, napanday ang isang henerasyon ng mga aktibista sa mas mahigpit na pagkakaisa at maigting na paglaban – bagay na di-sadyang ginagawa ngayon ng rehimeng Duterte.

Maaalala ang nabibilib na pagkukwento ni Sr. Patricia Fox, progresibong Australyanong madreng pinalayas sa bansa ng rehimen. Minsan daw, binomba ng tubig ang isang protestang sinasamahan niya. “Alam mo naman ang mga Pinoy. Hindi bumabagsak ang diwa nila. Nagsimula silang magbiro, at sinabing ‘Nalimutan kong magdala ng sabon…’.”

Ang bomba ng tubig, ginagawang pampaligo. Ang kulungan, ginagawang lugar ng pag-aaral at pagtutulungan. Ang namamatay, pinaparangalan, ginugunita at hinahalawan ng inspirasyon. Iniiwasan ang di-kinakailangang sakripisyo, pero ang sakripisyong kailangan, sinusuong nang buong tapang. “The worst of times, the best of times,” higit na totoo iyan para sa mga aktibista.

Pero ang panunupil sa mga progresibong grupo ay hindi lang tungkol sa kanila; tungkol ito sa kalagayan ng nakakarami sa bansa. Inaatake ang mga aktibista at progresibong organisasyon dahil sila ang matatag at malakas sa paglaban para sa mga pagbabagong kailangan ng masa at bayan – na madalas na sinasang-ayunan kung hindi man sinasamahan ng marami.

Ang aktibismo ay pagtutol sa abuso at kapalpakan ng mga nasa gobyerno at negosyo. Ito ay pagtutulak ng mga kailangang pagbabago: lupa at tulong para sa nagbubungkal; dagdag-sahod at pagbasura sa kontraktwalisasyon; pabahay, edukasyon at iba pang serbisyo. Sa kasaysayan ng bansa, pwersa ito para sa demokrasya, laban sa panunupil at mga diktadura. Sa mga panahong bumubulwak ang pagkilos ng masa, ang mga aktibista ang kasama nila.

Nitong nakaraang mga eleksyon, laging tunay na pagbabago ang pangako ng mga pulitikong tulad nina Duterte at Aquino. Pero hindi tunay na pagbabago ang naganap, kundi pagsahol ng kalagayan. Ang mga aktibista ang nagsusulong ng tunay na pagbabago, kaya rin sinusupil sila ng mga nagpapanatili ng bulok na sistema. Sila ang nagbibigay ng pag-asa na posible sa hinaharap ang isang bagong Pilipinas.

Ginagarantiyahan ng mismong Konstitusyong 1987 at mga batas ang mga karapatang sumali sa organisasyon at mapayapang magpahayag at magprotesta. Dahil sila ang laging nagsasabuhay ng mga karapatang ito, sa mga aktibista at organisasyon nila kongkretong malalaman kung buhay ang mga karapatang ito sa bansa. Sa pagsupil sa kanila, inaatake at inaalis ang mga karapatang ito; nilalabag ang Konstitusyon at mga batas. Ang epekto, delikado ang lahat.

Pero sa dulo, ang nagpapakita ng pangangailangan ng aktibismo ay si Duterte mismo. Sunud-sunod, walang tigil at lantaran ang mga krimen niya sa sambayanan. Sa gitna ng panunupil ng rehimen niya, lalong sumisidhi ang kagustuhang kamtin ang kritikal na bilang na magpapatigil sa masasamang pakana niya at maggagawad ng hustisya.

07 Nobyembre 2019
Exit mobile version