CUE-NHA: Handa sa hamon ng hinaharap

0
176

Ang pagkakabuo ng unyon sa ahensiya ng gobyerno ang isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng kilusang paggawa sa gobyerno sa bansa. Kaya naman, mahalaga ang pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng Consolidated Union of Employees (CUE) kamakailan.

Itinatag noong 1986, sa bisperas ng pagpapatalsik sa diktadurang Marcos, hindi matatawaran ng ambag ang CUE sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga kawani ng gobyerno, lalo na sa loob ng National Housing Authority (NHA). Sa pamamagitan ng masipag at puspusang pag-oorganisa, napagtagumpayan nila ang dalawang certification election, at, kalaunan, ang kauna-unahang Collective Negotiation Agreement (CNA) sa loob ng gobyerno. 

Nitong Setyembre 27, matapos ang 33 taon, nagtipon ang mga kawani ng gobyerno ng NHA sa ilalim ng CUE para sa isang general assembly. Sinariwa nila ang mga tagumpay, gayundin ang mga hamon sa hinaharap.

Sa kasalukuyang pamunuan ng presidente nitong si Evangeline Javier (pumalit mula sa nagretirong matagalang presidente na si Rose Nartates), nilalayon ng CUE na patuloy na konsolidahin ang mga kawani ng NHA, iulat ang naging mga tagumpay, at ihapag ang susunod na mga tahakin ng unyon para sa pagsusulong ng mga kagalingan at karapatan ng mga kawani ng NHA.

Bukod pa sa ulat-pinansiyal at mga naabot na tagumpay, nilayon din ng pangkalahatang pagpupulong na tipunin ang mga kawani ng NHA mula sa iba’t ibang rehiyon upang bigkisin ang kanilang hanay, lalo na sa panahon ng kawalang-kaseguruhan sa trabaho at sa mga benepisyo na dapat para sa mga kawani – ito at marami pang iba ang inilalaban at isinusulong ng unyon.

Nababahala ngayon ang mga empleyado ng NHA sa maaaring malawakang tanggalan sa susunod na dalawang taon bunsod ng pagkakatatag ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na nilagdaan lang ni Pangulong Duterte noong nakaraang taon. Ito ngayon ang hinaharap ng CUE.

Samantala, sa programa, nagbahagi ng mensahe si General Manager Marcelino Escalada Jr., na nagsabing ang tagumpay ng bagong CNA ay dahil sa pagtatrabaho para rito kapwa ng manedsment at ng CUE.

Naging bahagi ng pagdiriwang ng CUE ang pagbabahagi ng iba’t ibang sektor ng suporta sa mga laban ng mga kawani ng gobyerno – at pagsesegurong bahagi ito ng malawakang laban para sa makabuluhang pagbabago sa lipunan. Sa pagdiriwang na ito, nagtanghal din ang ibang makabayang artista katulad ng Panday Sining, at mga manunugtog na nagtanghal ng popular na mga kanta kapwa para sa mga beterano at millennial na miyembro ng CUE.

Tinitiyak ng NHA-CUE na patuloy nitong paglilingkuran ang interes ng mga kawani ng pamahalaan, bilang isang tunay na militante, progresibo at makabayang unyon.