Site icon PinoyAbrod.net

Dagdag na P 1,000 pensyon sa benipesyonaryo ng SSS, ipinanawagan

Nagtungo ang Bayan Muna at iba pang grupo sa tanggapan ng Social Security System (SSS) para kalampagin ang ahensya na ibigay na ang P1,000 dagdag sa pension. Ipinahayag din ng grupo ang pagtutol nito sa implementasyon ng dagdag-singil sa SSS contribusyon sa mga miyembro nito sa darating na April 2019.

“Nasa 36 na milyon ang miyembro ng SSS at nasa 15 milyon lang ang nagbabayad, ibig-sabihin wala kayong karapatang magdagdag ng mga kontribusyon hangga’t hindi maayos ang pag singil sa ibang miyemro na hindi nagbabayad,” ito ang naging pahayag ni Bayan Muna chairman at tumatakbong senador na si Neri Colmenares sa planong dagdag-singil na kontribusyon ng SSS

Dagdag pa ni Colmenares, “ayusin muna ang koleksyon [sa mga miyembro] bago taasan ang kontribusyon.”

 

Dagdag na singil sa SSS

Ang panukalang dagdag na kontribusyon ay nakapailalim sa bagong batas na SSS Rationalization Act na pinirmahan ni President Duterte noong Pebrero 7, 2019.

Ang mas mataas na singil ay aabot sa 12% at nakasaad din sa implementing rules and regulation (IRR) ng batas na ito na kada dalawang taon ay magkakaroon ng isang porsyento na pagtaas sa singil hanggang umabot sa 15%.

Sa kasalukuyan, nasa 11% ang kontribusyon ng mga miyembro, at aasahan ang mga susunod pang pagtaas sa darating na 2021, 2023 at 2025.

 

Epekto sa mga manggagawa

Ipinahayag din ng Kilusang Mayo Uno Metro Manila ang kanilang pagkadismaya sa plano ng SSS na dagdag na kontribusyon sa kadahilanang magiging dagdag-pasanin na naman ito sa mga manggagawa.

“Hindi na nga sapat ang sahod, kita ng mga manggagawa at halos hindi na nga umabot sa minimum wage ang kanilang sahod ay kakaltasan pa ng panibagong reporma para pagkunan ang sahod ng mga manggagawa at idagdag sa pondo ng SSS kung saan hindi naman pinakikinabangan ng mga manggagawang Pilipino,” ani Ed Cubelo, Chairperson ng KMU Metro Manila.

Mungkahi ng grupo sa halip na dagdagan ang kontribusyon ng mga manggagawang mababa ang sahod ay dapat mas bigyang-pansin ng SSS ang pagsingil sa mga employer na lumalabag sa pagbigay ng SSS contribution ng mga manggagawa.

 

The post Dagdag na P 1,000 pensyon sa benipesyonaryo ng SSS, ipinanawagan appeared first on Manila Today.

Exit mobile version