Site icon PinoyAbrod.net

Dahil sa ‘conflict of interest’: Cardema, dapat magbitiw -KontraDaya

Sa gitna ng mga panawagang magbitiw sa pwesto si National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema, dapat din daw itong paimbestigahan sa posibleng paggamit nito sa ahensya para ikampanya ang Duterte Youth Party-list, na siya rin ang pinuno.

Posibleng ginagamit umano ni Cardema ang pondo ng NYC para sa pangangampanya ng Duterte Youth Party-list dahil siya ang tumatayong principal campaigner ng party-list, samantalang first nominee naman ang kanyang asawang si Ducielle Marie Suarez. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, labag sa tuntunin ng Comelec at direktiba ng Malacañang ang pangangampanya ng mga myembro ng gabinete.

Ayon kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao, mas mabuting magbitiw na lamang si Cardema o magsumite ng “leave of absence” habang panahon pa ng kampanya para hindi mapaghinalaang inaabuso niya ang kanyang kapangyarihan at awtoridad. Dapat din umanong imbestigahan kung ginagamit nga ni Cardema ang pondo ng gobyerno para sa kampanya.

“Hindi ba’t may conflict of interest dito dahil si Cardema ang NYC chair pero siya rin ang chairperson ng Duterte Youth?” tanong ni Arao. “Bukod sa delicadeza, mapapawi ng resignasyon niya ang anumang suspisyon na inaabuso niya ang pondo ng gobyerno para sa kampyanya ng Duterte Youth Party-list.”

Dagdag ng Kontra Daya, naglipana sa Facebook ang paggamit ng Duterte Youth sa logo ng House of Representatives para sa mga campaign posters nito, kahit pa walang pahintulot ang Kongreso para dito.

Nauna nang uminit ang pangalan ni Cardema matapos siyang maglabas ng pahayag na dapat tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng nagkikilos-protesta laban sa administrasyong Duterte.Tinawag si Cardema na “traydor sa kabataan” ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), dahil atake umano sa karapatan na magpahayag ang kanyang panukala.

“Umaasal na isang tirano si Cardema na sobrang insecure kaya’t inaatake niya ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon para lang mapatahimik ang mga kritiko at tagapagbantay ng mga polisiya ng gobyerno,” ayon kay Raoul Manuel, secretary-general ng NUSP.

Bago maging chairperson ng NYC, nagsilbing kawani si Cardema para sa iba’t ibang kongresista. Nagsilbi rin siyang consultant ng National Security Council at ng Office of the President. Noong halalang 2016, si Cardema ang national chairman ng Duterte Youth Movement at secretary-general para sa Luzon ng Tapang at Malasakit Alliance sa ilalim ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Ulat ni Bea Manalaysay

The post Dahil sa ‘conflict of interest’: Cardema, dapat magbitiw -KontraDaya appeared first on Altermidya.

Exit mobile version