Site icon PinoyAbrod.net

Dakilang ambag ni Bren

“Ibinigay niya ang lahat ng lakas, talento, ang buong buhay niya.” Ito ang nasambit ni Ai, dating asawa ni Romulo Ansay, beteranong aktibista at lider ng rebolusyonaryong pagbabago sa bansa.

Mula pa ng huling bahagi ng dekada ’70, iginugol ni Romulo sa pag-oorganisa at pagkilos para sa progresibong kilusan – mahigit 31 taon sa kilusang masa sa kalunsaran at sa huling 11 taon ng kanyang buhay sa mga kanayunan sa rehiyon ng Bikol at sa Gitnang Luzon.

Janis, Eric, Bren

Isinilang si Romulo noong Pebrero 17, 1957 sa Cavinti, Laguna. “Prominente ang kanyang pamilya sa kanilang lugar, naging opisyal ng gobyerno sa munisipalidad ang kanyang lolo at malawak naman ang pinagmamay-ariang lupain ng kanyang lola,” ayon kay Ai.

Nag-aral siya sa Cavinti Elementary School. Nang tumuntong siya ng high school, pumasok siya sa P. Guevarra National High School sa Sta Cruz, Laguna. Noong panahong ito, umiiral na ang Martial Law sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos. Dito siya unang namulat sa aktibismo nang masaksihan ang pag-oorganisa ng Kabataang Makabayan sa kanilang paaralan.

Nang matapos ni Romulo ang high school noong 1974, nag-aral siya sa Far Eastern University sa Maynila. Sa bandang huling bahagi ng kanyang pag-aaral ng kursong BS Zoology, pormal na umanib sa pangmasang organisasyon sa paaralan si Romulo. Nang matapos ang kanyang kurso at isang semestre sa medical school, nagpultaym na siya bilang organisador ng kabataan. Nakilala si Romulo sa kilusang kabataan sa pangalang Janis at Eric – halaw sa kanyang mga paboritong musikero noong dekada ’70 na sina Janis Joplin at Eric Clapton – bilang tahimik at magaling na organisador na pinag-iisipang mabuti ang lahat ng sasabihin. Ilan sa mga tinutukan niyang organisahin ang Torres High School at University of the East kasama ang iba pang kolehiyo sa University Belt.

Kuwento pa ni Ai, mabilis ang naging pag-unlad ni Romulo bilang aktibista. Mula sa pagiging kasapi at organisador ng pangmasang organisasyon at bahagi ng pamunuan ng nag-oorganisa sa University Belt, naging pinuno siya ng kilusang kabataan-estudyante. Pinamunuan ni Romulo ang kilusang pagwawasto sa sektor at isinulat ang dokumento ng pagsusuma nito.

Matapos sa kabataan-estudyante, kumilos sa hanay ng manggagawa si Romulo at naging bahagi ng pamunuan ng rebolusyonaryong kilusang paggawa. Sa yugtong ito, ipinatupad sa pamumuno ni Romulo ang kilusang pagwawasto sa sektor.

Isinulong sa sektor ang pagtutuwid sa paraan ng pag-oorganisa sa mga manggagawa at pagbubuo ng unyon lalo na sa mga industriya at mga estratehikong serbisyo na sa kalauna’y nagresulta sa pagsulong ng kilusang welga. Kasabay nito ang pagtatayo at pagpapalakas ng mga organisasyong bahagi ng kilusang paggawa tulad ng Piston, Kadamay at Migrante. Sa loob ng 15 taon ni Romulo o Bren sa rebolusyonaryong kilusang paggawa, nasaksihan niya ang muling paglakas at mga kinaharap na suliranin ng sektor.

Komitment hanggang sa huli

Naging konsistent si Romulo sa kilusan at pagsisilbi sa masa mula umpisa ng kanyang pagkilos hanggang sa kanyang pagpanaw.

“Hindi natinag ang komitment ni Romulo, kahit anong dinaanang kahinaan, kalakasan, mga limitasyon at suliranin. Naging matibay ang kanyang resolve para umabante. Patuloy ang pagbaka sa mga tendensiya, at kahinaan at ang pagtataguyod sa mga nararapat na prinsipyong tanganan para lumakas ang kilusan,” ani Ai.

Sa katunayan, sa kabila ng edad na 51 at mga karamdaman tulad ng hypertension at heart condition, tinanggap ni Romulo ang gawaing iniatang sa kanya sa kanayunan ng Bikol. Naging isa sa pangunahing rebolusyonaryong lider siya sa buong rehiyon sa loob ng walong taon mula 2008.

Dahil sa kanyang kalagyaang pangkalusugan at edad, napunta noong 2016 si Romulo sa Gitnang Luzon. Ito na ang huling gawain na kanyang tatanganan. Habang gumagampan ng pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng masa sa rehiyon, unti-unting lumala ang kanyang karamdaman. Bumalik ang kanyang tubercolosis at nagkaroon ng coronary heart disease na siyang nagpahina ng kanyang resistensya.

Pumanaw si Romulo noong Enero 5, 2020 sa atake sa puso. Bukod kay Ai, naiwanan niya ang kanyang dalawang anak na lalake.

Minsan nang hinikayat ng dalawa nitong anak si Romulo na magretiro na lamang mula sa rebolusyonaryong gawain ngunit simple lang ang kanyang sagot: “Wala na akong ibang buhay kundi ang buhay sa kilusan.”

Exit mobile version