Daluyong sa Latin Amerika

0
171

Mahigit dalawang linggo nang niyayanig ng protesta ng mga mamamayan ng bansang Chile ang mga lansangan. Mula sa pag-okupa sa mga subway hanggang sa pagbarikada sa mga daan, walang puknat ang mga protesta.

Sa katunayan, ilang araw lang matapos magsimula ang mga protesta, naglagos sa central square ng kapital ang mahigit isang milyong Chileano para iprotesta ang walang habas na pagsirit ng mga bilihin samantalang nananatiling nakapako sa napakamurang halaga ang sahod.

Larawan ng protesta sa Chile noong nakaraang linggo. Larawang kuha mula sa FB page ng Redfish.

Larawan ng protesta sa Chile noong nakaraang linggo. Larawang kuha mula sa FB page ng Redfish.

Ilang linggo bago nito, nagsimulang okupahin ng mga kabataang Chileano ang subway para tutulan ang pagtaas ng singil sa subway at transportasyon. Mula noon, araw hanggang gabi, nagpursigi sa paglahok sa mga pagkilos ang lahat ng sektor na nilahukan ng kabataan, guro, tsuper, katutubo, kababaihan, mga migrante at marami pang iba.

Dagok ng neoliberalismo

Ugat ng mga protesta ang lumalalang kahirapan sa bansa na resulta ng ilang dekadang pagtalima ng Chile sa neoliberal na mga patakarang pang-ekonomiya.

Sa ilalim ng nasabing mga patakaran, tinutulak ang mga bansa tungo sa tatlong bagay. Una, ang liberalisasyon ng ekonomiya o ang pagbubukas at pagluluwag sa mga restriksiyon sa pagdagsa ng mga inaangkat na produkto mula sa ibang bansa.

Ikalawa, ang deregulasyon ng Estado sa mahahalagang industriya sa ekonomiya gaya ng langis. Ikatlo, ang pagsasapribado sa mga serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, kalusugan, transportasyon, pabahay at iba pa.

Ganito rin ang kalagayan ng mga ekonomiya ng marami sa mga bansa sa Latin Amerika.

Sa Ecuador, nagngalit ang mga mamamayan nang ianunsiyo ni Pang. Lenin Moreno ang tangkang pagtanggal ng subsidyo ng pamahalaan sa petrolyo na magdudulot ng tiyak na pagsirit ng presyo sa langis. Ito rin ang dahilan ng mga kilos protesta sa Haiti, bansang pinakamahirap sa rehiyon.

Samantala sa Argentina, kinasusuklaman ng mga mamamayan ang malakihang pagkaltas sa badyet ng kalusugan at edukasyon na lalong nagbaon sa bansa sa matinding kahirapan.

Sa Pilipinas

Gaya sa mga bansang nabanggit, hindi naiiba rito ang karanasan at kalagayan ng Pilipinas na ilang dekada na ring pinako at kinadena ang sariling ekonomiya sa mga patakarang neoliberal.

Sa katunayan, mauugat ang marami sa mga usaping kinakaharap ng bansa ngayon sa mapaminsalang mga patakarang sinubo sa taumbayan ng nagdaang mga administrasyon at siyang lalong pumilay at nagpabansot sa ekonomiya ng bansa.

Ang mga isyu gaya ng pagbagsak ng presyo ng palay, samantalang binubukas ang ekonomiya sa pagdagsa ng mga imported na bigas, ang araw-araw na sirit sa presyo ng langis, ang pagkaltas sa badyet ng mga serbisyong panlipunan gaya ng kalusugan, edukasyon, transportasyon at iba pa, habang sabay na tinutulak ang malawakang pagsasapribado ng mga ito— lahat nang ito’y resulta ng ilang dekadang pangangayupapa ng ekonomiya sa mga patakarang neoliberal.

“Sa wakas, gumising na ang Chile,” ani isang babaeng lumahok sa protesta sa Santiago.

Sa Pilipinas, nag-iin-in na rin ang ngalit ng sambayanan. Sa di-malayong hinaharap, mag-aalab na rin ang damdamin ng mga mamamayang handang tumindig para sa ekonomiyang tunay na magsisilbi sa interes nila.