Site icon PinoyAbrod.net

Dengue at ang politika ng mga epidemya sa kasaysayan

Bali-balita ngayon ang deklarasyon na isa nang pambansang epidemya ang dengue. Dumarami pa ang mga nagkakasakit at namamatay at pinangangambahang magdudulot ito ng malaking pasakit sa malaking bilang ng populasyon ng bansa sa iba’t ibang rehiyon. Ilang mga siyentipiko at mananaliksik ng medisina ang nagbibigay ng pahayag na mula sa virus na dala-dala ng ilang lamok ang nagdadala ng sakit na ito. Gaya ng malaria, naglalabas ng manipestasyon ang nakapitan ng virus ilang panahon pa matapos itong makagat ng lamok. Maaaring hindi alam ng taong may virus na may dala na pala siya nito sa panahong nakikisalamuha siya sa ibang mga tao.

Naging kumplikado pa ang pagsugpo sa dengue dahilan sa pagpasok ng komersyalisasyon ng pagbabakuna nito – ang kalagayan ng interes ng malakihang kontrata na makukuha ng mga higanteng pharmaceutical companies noong nakaraan na magpakilala ng mga bakuna na nagbigay ng iba’t ibang opinyon mula sa mga eksperto ukol sa pagiging epektibo nito. Sa pagpapalit ng mga pamunuan ng pamahalaan, ilang mga pinunong pangkalusugan ang nagtunggali sa mga epektibong pamamaraan ng pagsugpo ng sakit. Higit pang naging kumplikado ang kalagayan nang ang mga politiko at mga tagapagsakatuparan ng batas at patakaran (na ang karamihan ay hindi naman eksperto sa mga usaping medikal) ang naatasang mamahala sa imbestigasyon ukol sa kontrobersya ng epidemya at pagpapabakuna o nanguna sa pagpapahayag ukol sa kanilang opinyon sa iba’t ibang aspekto ng sakit. Ang lahat ng ito ang nagdulot ng takot sa maraming tao at nagbigay ng panic at pagdududa sa anumang gawaing kaugnay ng pagpapabakuna at pagsugpo ng sakit. Ang pinakabulnerable sa populasyon – ang mga mahihirap, mga bata, matatanda, at walang kakanyahang magpagamot ang naging pangunahing biktima ng sakit. May ilang pampublikong ospital ang nag-uumapaw sa dami ng mga pasyente at hindi na masawata ang sakit sa ilang mga rehiyon.

Hindi na bago ang pagkalat ng epidemya na siyang nagdudulot ng pagbabago sa daloy ng kasaysayan ng mga tao. Masasabing isa sa pinakadramatiko sa naganap na kasaysayan ng pandemic ang Bubonic plague na kumalat sa Europa noong mga 1340s-1350s. Sanhi ito ng mga virus na dala ng mga kuto na nakisakay sa mga kabayo ng mga Mongol mula Tsina hanggang Persia bago dumating sa Europa. Pagdating ng mga mananakop na Mongol sa Europa, tumalon na ang mga kuto mula sa mga kabayo tungo sa mga daga na siya namang nagkalat ng mga ito sa mga pangunahing lungsod ng Europa at nagdulot ng kamatayan sa halos 75-200 milyong populasyon ng Europa.

Sa Latin Amerika naman, sinasabing kumalat ang mga sakit gaya ng sipon, bulutong, kolera at ketong bukod sa bubonic plague sanhi ng pagdaong ng mga Galleon mula sa Espanya at Portugal. Dahil may ilang dantaon nang hayag ang mga populasyon ng mananakop na bayan sa mga sakit na ito, nagkaroon na sila ng ilang immunity sa mga ito. Sa kabilang banda, hindi pa nagkakaroon ng ganitong exposure sa mga bagong sakit ang mga bayan ng mga Maya, Aztec at Inca, pati na ang ilang mga maliliit na pamayanang karatig nila. Ang resulta, madaling nasakop ng mga Portuges at Espanyol ang mga ito sanhi hindi lamang ng pakikidgma kundi ng mga sakit na kumitil ng buhay sa halos 80 bahagdan ng populasyon ng dalawang kontinente ng Amerika. Kahit ang syphilis, na sinasabing unang dumaong sa Amerika kasabay halos ng pagdating ng mga conquistador, ang kumalat at nakamatay sa daanlibong mga katutubo. Ang kasabihan nga ay dinala ng mga conquistador hindi ang sibilisasyon kundi ang syphilisasyon sa mga bayang nasasakupan!

Ito rin ang nagbigay ng impresyon sa mga mananakop na ituring na ‘mahihina’ sa paggawa at trabaho ang lokal na populasyon kaya hindi sila maaasahan sa mga minahan at plantasyong itatatag ng imperyo. Dahil dito, kailangan nilang kumuha ng mga ‘malalakas’ na tao sa ibang kontinente. Ang paglawak ng pang-aalipin o slavery ng mga taga-Africa, na tinitingnan na higit na may malakas na pangangatawan para magtrabaho sa mga plantasyon at minahan – ang isa sa pinakadramatikong epekto ng kamatayan ng mga katutubo ng Amerika.

Ilan pang halimbawa ng mga pandemic na nakaapekto sa daloy ng kasaysayan ang influenza pandemic na kumitil sa higit na maraming mandirigma noong World War I, kaysa sa mga sundalong sumuong sa aktwal na labanan. Higit na marami ang namatay sa sakit kaysa sa namatay sa labanan sanhi ng influenza pandemic ng 1917-1918. Sinasabing mas higit na maraming namatay sa influenza sa unang 24 na linggo ng pagkalat nito (sa panahong bibihira pa lamang ang naglalakbay sa pamamagitan ng eroplano), kung ihahambing sa namatay sa AIDS sa unang 24 na taon simula nang makilala ito bilang isang natatanging nakakahawang sakit.

Marami ring halimbawa ng epekto ng sakit at epidemya sa kinahinatnan ng kasaysayan ng Pilipinas. Magiging biktima ang mga bayaning sina Apolinario Mabini at Emilio Jacinto ng epidemya ng kolera sa panahong nakikipaglaban sa mga Espanyol at Amerikano at magiging sanhi ng kanilang kamatayan. Sa panahon ng digmaang Pilipino-Amerikano, naging kasabay ng pananakop ng mga sundalong Amerikano ang epidemya ng kolera. Tila mauulit ang naunang kasaysayan sa Latin Amerika sa pagdagsa ng mga mananakop sa panahon ng pakikidigma sa Pilipinas.

Nang isakatuparan ng mga Amerikano ang rekonsentrasyon ng mga populasyon sa mga bayang itinuturing na pugad ng mga ‘irreconcilables’ o mga tumututol sa pananakop ng mga Amerikano, nilayon nila na pigilan ang pagdaloy ng mga rekurso at suplay ng mga armas, pagkain at gamot sa mga rebolusyonaryo at nakikipaglabang Pilipino mula sa mga barrio. Dahil dito, pinagsama-sama ng mga Amerikano sa maliit na lugar lamang ang mga sibilyang Pilipino at nilimitahan ang kanilang pag-alis sa mga rekonsentradong lugar. Nagkataon namang ito ang panahon na lumalawak ang kolera sa kanayunan! Isang pormula ito sa pagkalat ng mga nakakahawang sakit – malaking populasyong limitado ang paggalaw; limitadong suplay ng pagkain at gamot; pagod na populasyon sa ilang taon ng digmaan; naantalang pagtatanim sanhi ng digmaan. Sa Batangas, Cavite, Laguna at Morong na siyang naging pugad ng mga rebolusyonaryong gaya nina Macario Sakay, Miguel Malvar, Luciano San Miguel at Faustino Guillermo – maraming mga sibilyang naging biktima ng rekonsentrasyon ang namatay sanhi ng kolera.

Gayon na lamang ang galit ng mga mamamayan sa mga Amerikanong nagtatangkang sugpuin ang kolera subalit naglagay sa kanila sa panganib ng rekonsentrasyon at digmaan. Idagdag pa rito ang kawalan ng komunikasyon sa pagitan ng mga mamamayan, ang pagkalat ng pang-aabuso ng mga mananakop sa mga pamayanan at ang paglitaw ng mga rebolusyonaryong kilusan na nagpatuloy sa pakikipaglaban na sinimulan ng Katipunan.

Maraming mga mamamayan ang nagpahiwatig ng pagkadismaya sa pamamaraang ginawa ng mga mananakop sa pagkalat ng mga sakit. Naging persepsyon din na hindi sinusugpo ng mga Amerikano ang epidemya – ang sinusugpo nila ay ang rebelyon ng mga mamamayan laban sa kanila. Sa saloobin ng mga mamamayan, walang pinag-iba ang pang-aabuso ng mga siruhano at mga mediko sa gawain ng mga mandarambong, mandurukot, at hingoista. Sa panahon ng pakikipaglaban sa kalayaan, ang paggiit sa mapagpalayang kalusugan ang isa sa mga ipinakipaglaban ng taumbayan.

Dahil dito ilang mga dagli (mga maiikling kasulatang popular) ang kumalat na nagsasabi ng ganitong sentimyento. Sa dagling pinamagatang “Luhod Kayo’t Mamumuno Ako,” na nailathala sa Bulalakaw, Muling Pagsilang noong 21 Hulyo 1906, at naisama sa koleksyon ng mga dagli na tinipon at pinamatnugtan nina Rolando Tolentino at Aristotle J. Atienza, makikita ang popular na persepsyon ng mga mamamayan sa sakit. Sa porma ng dasal at mga teksto sa anting anting naipahayag ang ganitong saloobin:

Sa sakit na kolera                                            Iligtas mo po kami
Sa mga sanitaryong sikulate                           Iligtas mo po kami
Sa mga nakakagulat na vagon                        Iligtas mo po kami
Sa mga inspektor na abusado                         Iligtas mo po kami
Sa mga medikong walang muwang                Iligtas mo po kami
Sa mga hirap at sakit sa San Lazaro              Iligtas mo po kami
Sa mga Amerikanong lasing                           Iligtas mo po kami
Sa mga Amerikanong abusado                      Iligtas mo po kami
Sa mga mandudukot                                      Iligtas mo po kami
Sa mga mandarambong                                Iligtas mo po kami
Sa mga hingoista                                          Iligtas mo po kami
Sa mga mag-aapi…                                      Iligtas mo po kami

Ibigay sa atin ang independensiya                Siyang dapat
Magkaroon ng pagpapantay pantay             Siyang dapat
Siya na ang pag iiringan                                Siyang dapat
Ihalal ang mga Pilipino ng mangatuto           Siyang dapat
Magkaisa tayong lahat                                  Siyang dapat
Ora pro novis celerastis politcitis sanitariarum Siyang dapat
Oh diene ofeciamos permacionem amen        Siyang dapat
OREMUS
Lahatur nang mga bagay bagayatur sa letaniaturm ay siyang larawatum ng bayanang Pilipinarum per kahirapan rebentatum.
Ora pro novis celerastis politcitis sanitariarum
Oh diene ofeciamos permacionem amen

Tunay ngang masalimuot ang kasaysayan ng mga epidemya at pagkakasakit. Hindi ito masasawata sa gitna ng okupasyon at pananakop. Higit na mahalaga ang pagtingin na bahagi ng karapatan ng mga mamamayan ang kalusugan at hindi ito instrumento para igiit ng mga nangingibabaw ang kanilang pagsasamantala. Kung ganoon ang mangyayari, trahedya ngang tunay ang maidudulot nito.

Ang Dagling Tagalog, 1903-1936, ed. Rolando Tolentino and Aristotle J. Atienza (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007), pp. 93-95

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Dengue at ang politika ng mga epidemya sa kasaysayan appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version