Site icon PinoyAbrod.net

Diktadurang Duterte, halos kumpleto na

Nitong Mayo 11, nangyari na ang matagal nang inaasahan ng marami kaugnay ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno: Napatalsik na siya sa botohang 8-6 ng mga kapwa mahistrado niya sa Korte Suprema. Pinagbotohan ng mga mahistrado ang petisyong quo warranto (sa esensiya, pagkuwestiyon sa kuwalipikasyon ni Sereno bilang Punong Mahistrado) na isinampa ni Solicitor General Jose Calida.

Ang problema, ayon sa maraming eksperto sa batas, malinaw sa Saligang Batas na sa pamamagitan ng impeachment lang matatanggal ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Nakasaad nga naman ito sa Artikulo XI, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1987. Isa pa, ayon naman sa mga panuntunan ng korte, maaari lang magpetisyong quo warranto para matanggal ang isang opisyal sa loob ng isang taon matapos siya maupo sa puwesto.

Ibig sabihin, bali-baliktarin man ang mga argumento, hindi mapasusubaliang labag sa Saligang Batas ang pagpapatalsik kay Sereno.

Sa pagboto rin para sa pagpapatalsik kay Sereno, bumoto ang limang mahistrado na dati nang tumestigo laban kay Sereno sa nagdaang mga pagdinig sa Senado: sina Associate Justices Lucas Bersamin, Diosdado Peralta, Francis Jardeleza, Samuel Martires at Teresita Leonardo-De Castro. Silang mga nag-aakusa laban kay Sereno ay sila ring maghuhusga ukol dito. Ayon sa mga eksperto sa batas, labag ito sa Code of Judicial Conduct (Rule 3.12).

Ang susunod na tanong ngayon para sinumang gustong makaalam sa puno’t dulo ng pangyayaring ito: Bakit pinilit ng ilang mahistrado ng Korte Suprema, gayundin ng Solicitor General, ang pagpapatalsik kay Sereno sa puwesto?

* * *

Unang una, kailangang sabihin: hindi popular si Sereno kahit sa hudikatura. Noong itinalaga siya ni dating Pang. Benigno Aquino III bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema, taong 2012, marami ang ugung-ugong na pulitikal ang pagtatalaga ni Aquino kay Sereno.

Pinalitan niya si Chief Justice Renato Corona na pinatalsik naman sa puwesto noong 2012 sa pamamagitan ng desisyon ng impeachment court ng Senado. Ang hinala naman ng marami noon, tinanggal si Corona dahil sa pagpabor niya sa pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Aquino. Hindi rin ganap na kontrolado ni Aquino si Corona, na itinalaga ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Si Sereno ang pinakabatang Punong Mahistrado sa kasaysayan ng bansa. Siya rin ang unang babaing humawak sa naturang puwesto sa hudikatura. May ilang associate justices tulad nina Antonio Carpio, Teresita de Castro at Arturo Brion, na nanomina sa puwesto pero nalaktawan. Pati ang noo’y solicitor general, na ngayo’y nasa Korte Suprema na, na si Francis Jardeleza, ay nabigong makuha ang puwesto.

Nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte, nagkakiskisan agad sila ni Sereno. Umalma si Sereno sa paglabas ng Pangulo ng listahan ng mga aniya’y sangkot sa paglaganap ng ilegal na droga. Kasama sa listahan ang ilang hukom ng korte. Ayon kay Sereno noon, hindi dumaan sa due process ang naturang listahan, at nalalagay ang mga hukom sa panganib.

Ito ang nagbunsod ng sunud-sunod na banat ni Duterte kay Sereno. Inakusahan ng Pangulo ang Punong Mahistrado na “nakikialam” sa kanyang kampanya kontra droga. Dumulo ang kiskisang ito sa pagsampa ng reklamong impeachment ng abogadong si Lorenzo Gadon noong Setyembre 2017.

Inaprubahan ng Kamara (na kontrolado ni Duterte sa pamamagitan ng supermajority) ang reklamong impeachment. Pero lumalabas na hindi sigurado ang boto ng mga senador na tatayong hukom sa impeachment court. Kung kaya, itinulak ni Calida ang petisyong quo warranto. Samantala, agresibong iminungkahi ni Presidential Spokesperson Harry Roque kay Sereno na magbitiw na lang.

Pero palaban si Sereno. Sa maraming pagkakataon, inihayag niya na di siya aatras sa kanyang mga tindig kaugnay ng giyera kontra droga at independensiya ng Korte Suprema mula sa kontrol ng Malakanyang.

* * *

Hindi na nga tinatangkang itanggi ng Malakanyang na may kinalaman ito sa pagpapatalsik kay Sereno. Samantala, lumalabas na lantaran na ang paglabag sa Saligang Batas at mga batas ng bansa sa desisyong ito ng Korte Suprema.

Hindi maitatanggi kahit ng mga tagasuporta ni Duterte na ang pakay ng pagtanggal kay Sereno ay para mas makontrol ng Palasyo ang Korte Suprema. “Ang pakay at nais ni Pangulong Duterte ay mapang-hawakan ang hudikatura,” sabi nga ni Neri Colmenares, dating kongresista ng Bayan Muna, makabayang abogado at isa sa mga tagatipon ng Manlaban (Mga Manananggol Laban sa Extrajudicial Killings). “Ang problema natin lahat dito, ang apekto (tayong) lahat.”

Ngayon, higit kailanman, naipapamalas sa madla ang angking kawalan-ng-independensiya ng hudikatura at ang limitasyon ng sistemang pampulitika sa bansa na dominado ng iilang mayayaman at nasa poder ng Estado. Ang pagkakaiba lang ngayon, mas garapal o lantaran ang pangongontrol ni Duterte sa hudikatura. Kung si Aquino, dinaan pa sa impeachment court ang pagpapatanggal sa Punong Mahistrado na tinitingnan niyang kumokontra sa kanya, si Duterte, lantaran nang nagbanta kay Sereno, lantarang pinakilos ang Ehekutibo para masunod ang gusto.

“Ang unang implikasyon ng desisyon sa quo warranto, matatanggal nila ang Chief Justice, si Duterte ang mag-aapoint ng bagong Chief Justice na sunud-sunuran kay Duterte,” paliwanag ni Colmenares. “Ang pangalawang epekto nito: ang impeachable officials sa buong bansa, lahat ng independent constitutional bodies, takot na takot na ngayon kay Duterte at sa kanyang SolGen kasi baka i-quo warranto rin sila.”

Kontrolado na o di kaya’t inaatake na ni Duterte ang dapat sana’y independiyenteng constitutional bodies tulad ng Commission on Elections, Commission on Audit, Civil Service Commission, at tanggapan ng Ombudsman. Habang sinusulat ang artikulong ito, lumabas ang ulat na pinasa na sa huling pagdinig ang pagbuwag sa Presidential Commission on Good Government o PCGG, na may trabahong bawiin ang tagong yaman ng mga Marcos.

“Paano na tayo kukuwestiyon sa mga kontra-mamamayang polisiya ni Pangulong Duterte? Pupunta ka sa judiciary, hihingi ka ng saklolo dahil nilalabag ang karapatang pantao mo? Pupunta ka sa judiciary, hihingi ka ng saklolo gusto mo sana i-overturn yung Train (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law ni Duterte na nagpaigting ng mataas na presyo sa Pilipinas? Pero ang judiciary, natatakot na ngayong sumuway o hindi sumang-ayon kay Duterte,” ani Colmenares.

Isa lang ang kahulugan nito: Ang nabubuong diktadura ni Duterte, ang konsentrasyon sa kapangyarihan sa Punong Ehekutibo. Hawak ni Duterte ang supermajority sa Kongreso, may puwang na siyang magtagala ng sariling tao sa posisyon ng Punong Mahistrado. At siyempre, kontrolado at busog sa suhol ang militar at pulisya.

Tungkulin ng mga manggagawa at mamamayan para pigilan ang nabubuong diktadurang ito.

May ulat ni Darius Galang

Featured image: Larawan mula kay Lito Ocampo
Exit mobile version