Site icon PinoyAbrod.net

Dis-oras ng gabi

(Kina Karen at She)

Ni KISLAP ALITAPTAP

Dis-oras ng gabi.
Binulabog ng mga armadong
Nagpapanggap na vigilante ang
iyong pagtulog. Humambalos sa iyong
Dibdib ang puwitan ng M16. Hinalughog
Nila ang iyong dampa.
Ika’y pinosasan, piniringan at pinagbubulyawan.
“ Tang-ina mo, Asan na yung mga kasama mong
NPA?!” Hindi ka nakasagot sa ibinatong
katanungan, naramdaman mo ang pagkabigla ng
buto sa iyong dibdib. Kinaladkad ka palabas ng
iyong dampa at isinakay sa isang umaatungal na sasakyan.Pinadapo sa iyong
sikmura ang tadyak ng batong sapatos at
dumiin sa iyong tagiliran ang malamig na
bunganga ng hangal na bakal.

Dis-oras ng gabi.
Sana man lang ay may makapagsabi,
Kung saan dudulo itong biyahe.

Dis-oras ng gabi.
Nang mahubad ang iyong piring, ika’y nasa
loob ng isang gwardyadong bakuran.
Dumami ang mga armado. Lahat sila’y
nakauniporme, nakakamoplahe. Ikinadena ka
sa nag-aabang na bangko. Hinubad ang kasuotang
nakalambong sa iyong katawan. Dumami ang
sa iyo ay nakapaligid. Lahat sila’y sabik
na sabik sa pinaka-aabangang pagsisimula ng
isang pelikula. Nagkulay kahil ang paligid,
mula sa lumiyab na umpok ng kahoy sa gawing
kanan ng bakuran. May pumalo ng barb wayr sa
iyong hita. Binuhusan ka ng mainit na tubig.
Ang iyong dibdib ay inararo ng mabibigat
Na mga kamay. Pinagpapalo ng martilyo ang iyong
mga daliri sa paa. “Bakit ka kasi sumusuporta sa
KMP? Pampagulo lang kayo sa Gobyerno!”
Dumapo ang mainit sa sampal sa iyong mukha at ang
mabigat na tapok sa iyong batok. Pinaso, pinaso at
pinagpapaso ng nagbabagang kahoy ang iyong likod,
balikat, leeg, tiyan, hita, binti, paa. Pumunit sa gabi
ang ‘di mo na makayanang pagtitimpi sa sakit.
“Bakit ka kasi sumusuporta sa mga NPA?!” Ang
nagbabagang apoy ay tumapat sa iyong harapan,
pilit nagsumiksik ang iyong pagkababae sa iyong
puson nang maramdaman nito ang halik ng apoy.

Dis-oras ng gabi.
Ang lahat ng mga ikinikilos ng mga
armadong ito ay orkestrado. Humampas
ang tabla sa iyong mukha, umagos sa
iyong ilong ang dugo. May humila sa
iyong kanang paa, itinali, hinila at ibinuka.
Naghalo-halo na ang mga amoy ng paghihirap. Amoy
Ng panis na pawis, lansa ng sariwa’t tuyong dugo
at sangsang ng sunog na buhok sa iyong katawan.
Ang pamamalimos mo ng awa sa mga armado ay sinuklian
ng walang hanggang pag-alipusta
sa iyong pagkababae. Nasasaid na ang
iyong lakas, ang mga manonood sa iyong
paligid ay tila ba nagsisimula pa lang sa
kanilang litanya. May tumatawa, may sumisipol,
may naghuhukay ng libingan.

Dis-oras ng gabi.
May sumipa sa bangko na iyong kinauupuan.
Kinaladkad ka kasama ang bangko, sumunod
ang mga manonood, bumukas ang pinto ng kwartong
may iisang papag. Inalis ka sa pagkakatali sa
bangko. Alam mo na ang susunod na mangyayari.
Pilit kang tumakbo sa isang bahagi ng kwarto
Na may nakadikit na larawan ng isang babaeng
nakahubad, sa tabi ng larawan ay nakadikit
din ang nakangiting larawan ng Presidente.
Ang babaeng Presidente ng bansa,
Na may nunal ni Hudas. May humablot sa
iyong balikat, isinalya ka sa papag na
kahoy. Muli ay namalimos ka ng pagma-
makaawa. At muli ang iyong pagmama-
kaawa ay tinugon ng mabigat na sampal sa
iyong kanang pisngi. Parang pelikula ang
lahat. Sana ang lahat ay ‘di nagaganap. Pero, ang
lahat ay totoo, tulad na lang ng pagdaloy
ng ihi mula sa iyong katawan.
Mabaho, amoy pawis, amoy dugo at mapanghi
na ang iyong amoy at ng iyong paligid.

Dis-oras ng gabi.
Ang hubad mong katawan ay
Ginising ng lamig. Lamig na mula sa ibinuhos
Sa iyong tubig. Tubig na sana man lang ay
Ibinuhos nila sa iyong bibig. Sinubok mong
Gumalaw. Ngunit ang iyong lakas ay umabot
Na sa hangganan. Inaninag mo ang iyong
Paligid, nakahubad pa rin ang larawan ng babae
Sa dingding. Katulad mo. Nakangiti pa rin ang
larawan ng Presidente. Nakangiti pa rin
ito sa kabila ng iyong sinapit. “Yan ang bagay
sa tulad mong aktibista, tagasuporta ng NPA.”
Kinaladkad ka palabas ng kwarto. Kinaladkad ka
Palabas ng bakuran, sa tabi ng isang hukay. Nakapaligid pa
Rin sa iyo ang mga manonood. Sinikap kang
Saluin ng hangin nang ika’y ihulog sa hukay.
Hindi mo na napansin pa ang pagbuhos sa iyo
Ng gasolina!

Dis-oras ng Gabi.
Ang labas ng bakuran ay nagliwanag.
Humalo sa hangin ang amoy ng nasusunog na
laman. Ang mga armadong manonood ay
Kuntentong-kontento sa pagsubaybay, sa huling
bahagi ng pelikula.

Dis-oras ng gabi.
Bumaba na ang telon ng karahasan
at kawalanghiyaan, na tanging ang buwan
at ang kumot ng gabi, ang
makakapagpatunay sa malupit na sinapit
ng isang makabayan.

Dis-oras ng gabi.
Inaantok ang buwan.
Sa ‘di kalayuang katihan, may mga aninong
Matiyagang ginagapang ang lupang magaspang.
Lahat sila’y armado. Ngunit ‘di sila ang mga
Armado ng karahasan na nagpapaluha sa buwan.
Dahan-dahan. Matiyaga. Ilang metro na lang
Ang layo nila sa bakuran, kung saan,

Dis-oras ng gabi,
Nung nakaraan, naganap ang
Karimarimarim na pangyayaring nasaksihan
Ng buwan.

Dis-oras ng gabi.
Tuluyan nang nakatulog ang buwan.
Kinumutan ng dilim ang mga aninong
Gumagapang sa katihan.
Ilang metro na lang…ilang metro na lang.

Dis-oras ng gabi.
Tuluyan nang nakatulog
Ang buwan.

The post Dis-oras ng gabi appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version