Ni RENE BOY ABIVA
(Para sa Negros 14)
Pinakawalan ni Haring Sauron ang higit isandaan
sa pinakamakamandag-pinakawalang puso’t kaluluwa
niyang sahurang mamamatay tuwing kinsenas-katapusan
sa payak-pobreng lupain ng mga magsasaka
ng Canlaon, Manjuyod, at Santa Catalina
habang ang buong mundo’y tahimik na inuugoy sa kama
na yari sa hinabing hibla at tinik ng makahiya;
at habang hinihilom ng mapagkalingang panaginip
ang pagod-payat-banat-sunog sa araw na katawan
-na mula musmos ay kalabaw at karit na ang kaulayaw-
ng labing-apat na anakpawis-anakdalita na nagpapakain
sa bawat hapag-kainan ng mga sambahayan
ng buong sambayanan at mga bayan sa buong daigdigan,
mabigat-mabagsik-bakal na tadyak ang kumatok
sa pinto’t haligi ng mga dampang puno ng dusa-gutom-himutok
paglao’y tumilaok ang bunganga ng armalayt, pistola, at masinggan
at pumisik-pisik ang liwanag na mula sa nasusunog na pulbura
habang humahalakhak ang mga lalaking walang mukha
habang anong wili nilang pinipisil ang gatilyo ng kanilang baril
habang nangagsisisayaw sa isang-iglap sa lalamunan ng dilim
ang nagbagsakang mga mumurahing labing-apat na katawan,
wasakwasak-gutaygutay-habang naliligo sa sariling dugo;
at walang narinig ni isang sigaw ng pagmamakaawa
noong sandaling yaon sapagkat lahat ng mata, tainga, at bunganga
na nakakita at nakarinig na maaaring magsalita
ay kanilang ‘alang pakundangang binulag-biningi-itinumba;
pagliwanag- Marso a-trenta- ay umalingawngaw sa buong isla
ang alulong ng mga naulilang Anak at nabalong Ina
at habang binabalot ang labing-apat na katawan
lumitaw ang aparisyon ni Juan Kristo sa mga bangkay na nakahandusay-
ibinababa-kinakalas silang lahat sa bakal na krus
habang aali-aligid sa lupa at langit
ang mga gutom na uwak at limbas
habang ang butas sa lipakin-kalyado nilang palad at paa
ay likha ng ipinampakong tansong bala
habang ang mga malalim-malaki-malapad na sugat
sa kanilang ulo at noo
ay mula sa nilagang alambre na ipinangkorona sa kanila
habang ang simoy ng hanging mula sa mga tuyo-nagbabagang sakahan-kaingin
ay alingasaw ng mga naaagnas-inuuod na bungo’t kalansay
sa paanan hanggang tungki ng Bagong Golgota.
*Sauron- tumutukoy ito sa Oplan Sauron.
The post Dugo Sa Bukang-Liwayway appeared first on Bulatlat.