Site icon PinoyAbrod.net

Duguan Ang/ Mga Linggo

Pinisil ang gatilyo
ng isa, dalawa, tatlo
yatang tao
na kalahating tao at aso
at ‘ala pang ‘sang segundo
ay kumalat ang makamandag na titis,
nilikha nito ang pagyanig at pagputok
ng dalawang dambuhala
na bola ng apoy
sa ibabaw ng lupa-
naglipana ang mga bakal
at tinggang tanso
durog na laman, kalansay at bungo
ng ‘di mabilang na mananampalataya
sa harapan ng nakapako na rebulto
ni Hesu Kristo
gayundin sa mga Santo
na parehong binenditahan
ng sariwa’t mainit na butil dugo
nang umagang yaon ng linggo
ng alas-otso
ng Enero beinte-otso
ng taong dosmil-disi-nuebe
sa isla ng Jolo
sa harap ng Parokya
ng Birhen ng Bundok ng Karmelo.

Ngunit
‘di lamang linggo kung pisilin ang gatilyo
ng isa, dalawa, tatlo yatang tao
na kalahating tao at aso
‘di lamang sa ‘sang segundo
kumakalat ang makamandag na titis
na lumilikha ng pagyanig at pagputok
ng ‘di lamang dalawang dambuhalang bola ng apoy
sa ibabaw ng lupa
gabi-gabi’y naglilipana ang mga bakal at tinggang tanso
durog na laman, kalansay at bungo
ng ‘di mabilang na pinatay
‘di lamang ang mga mananampalataya
ang kinakatay
‘di lamang sa harapan ng nakapako na rebulto
ni Hesu Kristo o sa mga Santo
na parehong binebenditahan
ng sariwa’t mainit na butil dugo
nang bawat umaga sa bawat linggo
‘di lamang sa oras na alas-otso
‘di lamang sa buwan ng Enero
‘di lamang sa beinte-otso ng kalendaryo
‘di lamang sa taon ng dosmil-disi-nuebe
‘di lamang sa isla ng Jolo
‘di lamang sa harapan ng Parokya
ng Birhen ng Bundok ng Karmelo.

Sapagkat sa panahon ng Hari
ng kahayupan at kamatayan
pambihirang tanawin ang laging masasaksihan-
‘di lamang talamak ang kalunoslunos na kamatayan.

Ang makata ay si Rene Boy Abiva, dating bilanggong politikal at awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula (2018).

The post Duguan Ang/ Mga Linggo appeared first on Manila Today.

Exit mobile version