Site icon PinoyAbrod.net

Duterte bulnerable

Sa halos dalawang taon ng pagkapangulo ni Rodrigo Duterte, pwede nang ihanay ang mga pampulitikang kahinaan ng rehimen niya: “Gera kontra-droga” at paglabag sa karapatang pantao. Pagpapakatuta sa China sa harap ng agresibong pag-angkin nito sa mga teritoryo ng Pilipinas. Sumasahol na kalagayan ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang maralita, taliwas sa mga maka-masang pangako ng pangulo. At panggigipit sa mga kalaban sa pulitika.

Ang mga isyung ito ang nagpapakulo ng diskuntento ng malawak na mamamayan laban sa rehimen. Sila rin ang nag-uudyok ng batikos ng mga nagsasalita mula sa mga panggitnang uri. At sila rin ang binabangga ng pagtutol ng iba’t ibang pwersang pampulitika, tampok ang Simbahang Katoliko, midya at oposisyong elite – sa iba’t ibang antas. Mahigpit din ang pagmamatyag at malakas ang pagtuligsa ng mga internasyual na midya at organisasyon sa rehimen.

Sa nakaraang anim na buwan, relatibong humupa ang “gera kontra-droga,” resulta ng malakas na pagtuligsa sa loob at labas ng bansa. Pero umigting ang iba pang isyu dahil sa mga hakbangin ng rehimen. Dito mauugat ang pinatinding panunupil at pagbabanta ng rehimen sa kasalukuyan.

Umigting ang mga paglabag sa karapatang pantao, puntirya ang Kaliwa, kapwa underground at aboveground, at ang masang sumusuporta rito. Katulad ng pampulitikang panggigipit, layunin din ng paglabag sa karapatang pantao na pahinain ang mga kumokontra sa rehimen.

Nagpapatuloy ang militarisasyon sa mga paaralang Lumad at buong Mindanao. Nagpapatuloy ang ekstra-hudisyal na pagpaslang, tutok ang mga lider-magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa.

Inaresto at tinangkang palabasin ng bansa si Sr. Patricia Fox para “sampolan” ang mga dayuhang aktibista na tumutulong sa mahihirap. Iligal na inaresto at ipiniit ang ilang aktibista na kumikilos sa Metro Manila – sina Maoj Maga (Pebrero) at Alexander Reyes (Hunyo), kapwa ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno. Naglabas ng listahan ng 600 indibidwal, karamihan ay aktibista at rebolusyunaryo, na gustong ipadeklarang terorista sa mga korte.

Pinataas ng mga buwis sa ilalim ng Train Law ang presyo ng mga batayang bilihin, at pinatindi ang paghihirap ng maralita. Nagtaasan ang presyo ng langis at singil sa kuryente at tubig. Nagpapatuloy ang kontraktwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa at pagkakait ng lupa sa mga magsasaka, taliwas sa mga pangako ni Duterte. Kaya naman may welga ng obrero sa NutriAsia sa Marilao, Bulacan at kampuhan ng magsasaka sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite – na parehong dinadahas. At tampok ang pagkakaisa ng iba’t ibang grupo ng manggagawa sa protesta sa Mayo Uno sa pangunguna ng KMU.

Hindi pa natuto sa pag-okupa ng mga maralita sa mga tiwangwang na pabahay sa Pandi, Bulacan, hindi pa rin ipinapamigay ng rehimen ang libu-libong katulad na pabahay sa mga walang tirahan. At nitong kumikilos muli ang maralita para mag-okupa ng mga tiwangwang na pabahay, banta ng kamatayan, masaker pa nga, ang pinawalan ni Duterte.

Nagbukas ang rehimen sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines, pero agad ding sinarhan ito. Pagkakataon sana itong matalakay ang mga kinakailangang reporma ng nakakaraming maralita sa bansa. Ilegal na inaresto at ikinulong si Rafael Baylosis, konsultant ng NDFP na nakatutok sa naturang mga reporma. Ang listahan ng 600 indibidwal, sinabi pang babawiin kung papayag ang NDFP sa mga kondisyong itinatakda ng gobyerno.

Nagtagumpay naman ang rehimen sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Mas matindi itong kaso ng panggigipit sa kalaban ng pangulo kumpara sa masahol ring pagpiit kay Sen. Leila de Lima. Mangangahulugan ito ng mas malawak na kapangyarihan ni Duterte at pagsunod ng Korte Suprema sa mga kagustuhan niya. Naramdaman agad ni Bise-presidente Leni Robredo ang direksyon ng atake at sinabing siya na ang susunod na papatalsikin. Bago nito, tinangka ring patahimikin ng rehimen ang Rappler.com na kritikal rito.

Maging si Noynoy Aquino, dating pangulo, ay binabantaan ng pagkakakulong sa pamamagitan ng mga kaso kaugnay ng bakuna ng Dengvaxia at Disbursement Acceleration Program. Tiyak na may mga batayan ang mga kasong ito, at itinutulak mismo ng mga progresibo, pero malinaw ring panggigipit ang layunin dito ng rehimen.

Isa sa pinakamatinding isyung tumama sa rehimen ang sunud-sunod na hambog na pag-angkin ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas. Rurok ang pagtatayo ng base-militar sa Spratly islands, na nagdadala ng panganib sa bansa at labag sa Konstitusyong 1987 na nagbabawal sa dayuhang base-militar maliban kung may kasunduan sa Senado. Nakakasuklam ang mga pahayag kaugnay rito ng rehimen: mala-aliping pagpapaliwanag sa panig ng China, kahit nagtatapang-tapangan minsan kapag naitulak ng pagkondena. Kung umasta ang rehimen, para bang napagkasunduan na ni Duterte at ng China ang ganito at hindi na mababago pa.

Sinasamantala naman ng US at mga alipores nito ang mga aktibidad ng China para itulak ang mas malawak na presensyang militar ng US sa bansa. Tuluy-tuloy ang pagsasanay-militar ng US at Pilipinas sa kabila ng pangako ni Duterte na huli na ang naganap noong 2016. Patuloy ang rehimen sa paglilingkod sa US kahit pa naglilingkod pa rin ito sa China.

Kaso rin ng pampulitikang pag-atake ang pagpatay sa mga pari ng Simbahang Katoliko. Tatlo na ang pinatay nitong mga nakaraang buwan: Richmond Nilo (Nueva Ecija, Hunyo 2018), Mark Ventura (Cagayan Valley, Abril 2018), at Marcelito Paez (Nueva Ecija, Disyembre 2017). Nakaligtas naman sa pananambang si Rey Urmenta ng Calamba, Laguna nitong Hunyo.

Marami sa mga nabanggit ang may mga progresibong adbokasiya. Sa pagpatay sa kanila, inaatake ang Simbahang Katoliko at ang mga sektor at kampanyang kanilang ipinaglalaban. Inatake ang mga pwedeng manguna sa paglaban sa rehimeng Duterte kung magpapasya ang pamunuan ng Simbahang Katoliko na maging mas aktibo rito.

Mahalagang igiit: kaso rin ng pampulitikang pag-atake ang brutal na pagpatay kay Atty. Madonna Joy Tanyag, abogado ng Ombudsman, 33 taong gulang, limang-buwang buntis, at aktibista noong hayskul at kolehiyo. Marami siyang hawak na kaso na malalaking pulitiko ang isinasakdal. Sa pagpatay sa kanya, bahagyang nakahinga ang naturang mga pulitiko at nakapaghatid ng banta kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na itinuturing ding kalaban ng rehimen.

Hindi maihihiwalay ang pagpatay kay Atty. Tanyag sa kaliwa’t kanang pagpatay at pag-atake sa mga kritiko at kalaban ng rehimen – at sa malawakang patayan na dulot ng militar, pulisya at mga pwersa ng Estado. Maaalala sa tatlong saksak na tinamo ng buntis niyang katawan hindi ang karaniwang biktima ng malulupit na krimen, kundi si Kian delos Santos. Kung matatandaan, si Delos Santos ang 17-taong gulang na pinagbintangang tulak ng droga na binaril sa likod ng ulo. Tila ang motibo sa pareho: manakot, magbigay ng halimbawa sa publiko.

Matapos ang naturang mga pagpatay, nagbanta si Duterte na magdedeklara ng “state of national emergency” para umano sugpuin ang “lumalaganap na kriminalidad.” Ang totoo, magiging lang ekstensyon ito ng naturang deklarasyon niya noong 2016, nang may sumabog na bomba sa Davao na pumatay sa mahigit 12 katao. Pagpapalawig din ito sa buong bansa ng martial law sa Mindanao na nagsimula noong Mayo 2017, matapos ang kaguluhan sa Marawi.

Matapos ang ilang araw, binawi ni Duterte ang banta, mag-iisip daw siya ng ibang paraan. Ilang araw pagkatapos, malawakan nang inaaresto ang mga “istambay” sa Kamaynilaan, kung saan isa na ang namatay sa kulungan. Pinapatindi ang militarisasyon sa kanayunan at iba pang porma ng panunupil.

Sa isang banda, mayroong di-deklaradong martial law sa bansa; tuluy-tuloy ang pandarahas ng rehimen sa mga mamamayan at itinuturing nitong kalaban. Sa kabilang banda, iba pa rin ang pormal na deklarasyon ng batas militar. Hudyat ito ng mas matindi pang panunupil, pandarahas at pagpatay. Sa kaso ng huling banta ni Duterte, ang dugo ng mga biktima ng rehimen ang gagamitin pa sanang batayan para sa pagpapadanak ng mas maraming dugo.

Pero hindi maitatago ni Duterte: ang pagbabanta niya ng batas militar, tugon sa tumitinding diskuntento, pagtutol at protesta ng mamamayan. Gusto niyang magpakita ng lakas, pero lalong nakikita ang kanyang kahinaan. Ang nagpapalakas ng pagtutol ng sambayanan, ang mga hakbangin niya na nagsusulong ng interes ng mga imperyalistang bansang US at China, mga naghaharing uri sa bansa, at ng sariling rehimen.

Sa banta niyang ito, ipinapakita niya ang pwersang pinaka-sinasandigan niya: ang mapanupil na aparato ng Estado, ang militar at pulisya, sa suporta ng US at China at mga naghaharing uri, lalo na ang mga Marcos at Macapagal-Arroyo na mga kampeon ng pusakal na panunupil sa mamamayan. Kinukutya niya ang Diyos na sinasamba ng mga Pilipino, pero malinaw kung sinu-sino ang mga diyus-diyosan niya.

Sa patuloy na pagkabulok ng rehimeng Duterte, hinahamon ang paglakas ng apoy ng paglaban ng sambayanan na tutupok dito.

28 Hunyo 2018
Exit mobile version