Site icon PinoyAbrod.net

[EDITORIAL] Mala-diyos ang Facebook at mapanganib ito

Oct 18, 2021 Rappler.com

Naging negligent ang kompanya sa pagtatanggal ng violence, disinformation, at nakasasamang content sa platform nito

Nitong Oktubre 5, nagtestify ang whistleblower na si Frances Haugen laban sa sarili niyang kompanya: ang Facebook.

Sabi niya sa wikang Ingles, “Narito ako dahil naniniwala akong nakasasama ang produkto ng Facebook sa mga bata, nagpapaigting ng pagkakawatak-watak, at nagpapahina sa ating demokrasya.”

Lahat ng sinabi ni Haugen ay matagal nang sinasabi ng mga kritiko ng Facebook. Tugma ito sa mga pahayag ng mga naunang whistleblowers na sina Roger McNamee, isang dating investor sa Facebook, Christopher Wylie, isang insider sa political consulting firm na Cambridge Analytica, at Sophie Zhang, isa pang dating empleyado ng social media giant.

Sabi ng Nobel Peace Prize laureate at CEO ng Rappler na si Maria Ressa, nanguna si Presidente Rodrigo Duterte sa pag-e-eksperimento at paggamit sa mga tools ng Facebook upang magpalaganap ng disinformation. (Sa buong mundo, kinikilala ang disinformation bilang sinadyang mapanlinlang na pahayag.)

Dagdag pa ni Ressa, dahil sa eksperimento ng Cambridge Analytica sa Pilipinas, naging “playbook na ito ng mga diktador.” 

Ayon sa Cambridge Analytica whistleblower na si Wylie, ang Pilipinas ang naging “petri dish” o unang eksperimento ng kompanya, na sa kalaunan ay ginamit sa operasyon laban kay Hillary Clinton at tumulong magpanalo kay Donald Trump.

It’s all about profit

Hindi ba ito masosolusyunan ng pagtatanggal ng mga disinformation network – bagay na ginawa na ng Facebook?

Hindi lang kasi ito usapin ng bad actors o kontrabida sa isang digital landscape. 

Sabi ng mga data experts tulad ni Tristan Harris, isang data ethicist sa dokumentaryong The Social Dilemma, “If you’re not paying for the product then you are the product.” Kung hindi ka nagbabayad para sa isang produkto, ikaw ang produkto.

Mismong disenyo ng Facebook ay kumitil sa kalayaang mag-isip at magpahayag. Bakit ‘ka mo? Hindi ba’t kahit ano’y puwedeng sabihin sa Facebook? Paano ito naging kalaban ng kalayaang magpahayag?

Disenyo kasi ng Facebook na bigyang halaga ang virality at hindi ang katotohanan. Ang disenyong ito ang pinagkakakitaan ng Facebook dahil ibinebenta nila ang feature na ito sa advertisers: ang kakayahan nilang magtukoy ng behavior ng tao upang mainam na makapag-target ng ads. 

Ang disenyong ito ang nagsasaisantabi ng katotohanan para sa mga post na nakapagpapaliyab ng galit, poot, at takot. Habang sumisikat ang isang post, lalo itong binibigyang prayoridad at inihahain sa mga users – at walang pake kung totoo ang laman nito, basta mabenta, madikit, viral.

Kung isa kang nagkakalat ng disinformation, puwede mo nang gawing bayani ang mamamatay-tao, uliran ang balasubas, at masama at peke ang mga journalists na kritiko mo – kung mayroon kang troll armies na magla-like, magre-repost, magka-copy-paste ng mapanlinlang na “balita.”

At batay sa exposé ng whistleblower na si Haugen, walang balak ang Facebook na pigilan ang pagkalat ng disinformation sa plataporma nito, dahil hindi ito magwawaldas ng pera sa mga bilyong content moderators na kinakailangan upang masawata ang bilyon-bilyong disinformation araw-araw.

Sa bandang huli, it’s all about profit.

Uulitin namin, hindi neutral tool ang Facebook at dinisenyo ito upang hulihin ang ating atensyon at ma-adik tayo sa content nito.

Paano ito nagpapalaganap ng disinformation? Halimbawa, kung isa kang inang interesado sa mga bagay na tungkol sa parenting at pag-aalaga ng bata, makikita ng algorithms ng Facebook. Pero may isang grupo ng parents na anti-vaxxers – kaya’t inihain din ito sa ibang magulang. Kung nag-click ka, maaaring susunod na ihain sa ‘yo ang content ng Q-Anon, ang grupong nasa likod ng pagsugod sa Capitol Hill ng Estados Unidos noong Enero 6, 2021.

Dahil sa business design nito, pinasikat ng Facebook ang mga populist, authoritarian-style leaders. Minamanipula ng Facebook ang pinakamalalang ugali ng tao. Dinisenyo itong samantalahin ang kasamaan ng tao. 

Hindi natin masosolusyunan ang climate change o racial injustice at maging ang COVID-19 kung wala tayong kakayahang magkasundo.

Kino-quote ni Ressa at Harris is Edward O. Wilson, isang biologist, naturalist, at manunulat. Sabi niya paano natin matutugunan nang tama ang mga problema ng mundo kung ang ‘sangkatauhan ay nagtataglay ng paleolithic o caveman emotions, ang mga institusyon natin ay medieval, pero ang teknolohiya natin ay mala-diyos?

‘Facebook is dangerous’

Mabalik tayo kay Haugen. Sabi niya, alam ng Facebook ang ginagawa nito. Lumitaw daw ito sa mismong mga research ng Facebook pero naging negligent ang kompanya sa pagtatanggal ng violence, disinformation, at nakasasamang content.

Sabi niya, “Facebook in its current form is dangerous.”

Unang hakbang sa paghulagpos sa puppet strings ng Facebook ay ang pagkilala sa mga panganib nito. Ang Pilipinas ang may pinakamataas na engagement sa Facebook sa lahat ng bansa sa buong mundo kaya’t kailangang paigtingin ang diskurso ng publiko tungkol dito.

Papalapit na ang eleksiyon. Huwag hayaang Facebook ang magtakda ng landas ng ating kinabukasan. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

Exit mobile version